Ely Buendia celebrates life at 40 with rare solo concert

"It will be the first time people will hear the songs that I recorded with Francis [Magalona], live. I will also be performing stuff that hasn't been performed live kahit noon. I will also be doing my personal favorites. It's ano talaga, parang a look back at even pre-E-heads time, the music that has influenced me—maraming surprises dito sa show na 'to," Ex-Eraserheads and now Pupil frontman Ely Buendia says about his upcoming solo concert.


Nasa kanyang early 20s si Ely Buendia nang unang marinig ng publiko ang kanyang tinig at mga komposisyon sa pamamagitan ng kanyang banda na Eraserheads.

Naging matagumpay ang grupo noong dekada '90 at itinuring silang mukha ng modern Pinoy rock dahil sa mga kantang patok na patok sa panlasa ng mga kabataan noong panahong iyon.

Bagama't tuluyang na-disband ang grupo matapos humiwalay ni Ely noong 2002, nanatili namang buhay ang mga awitin nila, katulad ng "Ligaya," "Pare Ko," "Alapaap," "Magasin," "Ang Huling El Bimbo," "Kaliwete," "Harana," at marami pang iba.

Tumatak din sa Pinoy pop culture ang grupo at ngayon ay patuloy silang tinitingala ng mga batang musikero at tagapakinig, bukod pa siyempre sa mga dating fans na hindi bumibitiw sa alaala at musikang iniwan nila Ely, Marcus Adoro, Buddy Zabala, at Raimund Marasigan.

Ang dalawang magkahiwalay na reunion concert ng grupo noong 2008 at 2009 ay nagpatunay lamang na buhay na buhay pa rin ang "Eraserheads magic" sa mga tagapakinig ng Original Pilipino Music (OPM).

PAST AND PRESENT. Nagdiwang si Ely ng kanyang 4oth birthday noong November 2. Bilang pasasalamat, naisipan niyang magdaos ng isang solo concert bilang pagkilala na rin sa lahat ng blessings na patuloy niyang natatanggap.

Strictly by invitation only ang concert na pinamagatang Ely Buendia XL—Xtra Live at 40. Gaganapin ito sa November 27 sa Republiq, New Resorts World, Pasay City.

Ipalalabas naman ng GMA-7 sa programang Sunday Night Box Office ang event sa December 12 at 10:30 p.m.

Sinabi ni Ely na ang concert ay magsisilbing selebrasyon ng kanyang musika—past and present. Hindi siyempre mawawala ang mga lumang awitin ng Eraserheads, ilang awitin sa kanyang overlooked 2001 solo album na Wanted: Bedspacer, at mga bagong awit ng kanyang kasalukuyang banda na Pupil.

Balak din ni Ely na tumugtog ng ilang local at foreign cover songs na itinuturing niyang "personal favorites."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa press conference na ginanap kahapon, November 17, sa Executive Lounge ng GMA-7 sa Quezon City, nabanggit ni Ely na tutugtugin din niya ang mga kanta na kabilang sa collaboration project nila ng matalik na kaibigang si Francis Magalona.

Mag-isang kinumpleto ng dating Eraserheads frontman ang In Love and War album matapos na sumakabilang buhay si Francis noong March 6, 2009 dahil sa sakit na leukemia.

Mayo ng taong ito nang ilabas ng Sony Music ang kumpletong album kasabay din ng paglunsad ng kickoff single na may pamagat na "Higante."

"This thing that I'm doing is actually to honor the agreement I had with Francis that we would tour the In Love and War album, to promote it together, and since his death, 'yon, I've done a lot of shows in the province with his [Francis's] band," paliwanag ni Ely.

APPRECIATING LIFE. Aminado si Ely na nabago ang kanyang pananaw sa buhay matapos siyang atakihin sa puso habang nasa gitna ng isang out-of-town gig sa Laguna noong January 7, 2007.

Muling isinugod si Ely sa ospital noong August 30, 2008 matapos itong mag-collapse backstage during an intermission break sa unang reunion concert ng Eraserheads sa Fort Open Field, Taguig City.

Nagawang iligtas ng mga doktor si Ely sa parehong insidente sa pamamagitan ng angioplasty—isang medical procedure para alisin o ayusin ang ilang blocked arteries na siyang nagiging sanhi ng heart attack.

"It made me more appreciative of the time I have in this world, and that's why I'm keeping myself busy," seryosong pahayag ni Ely.

"Alam ko I really don't have much time. I know for a fact that I'm halfway through my supposed lifespan... I manage to appreciate what I have."

ERASERHEADS. Hindi kaila sa marami niyang tagahanga na for a time ay tila iniwasan ni Ely na maugnay sa kanyang nakaraan bilang leader ng Eraserheads.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Maraming pagkakataon dati na hindi niya tinutugtog ang mga luma niyang komposisyon kahit pa hinihiling ito ng mga manonood.

To be fair, ipinaliwanag naman ni Ely na personally ay gusto na niyang mag-move on at gagawin niya ito sa pamamagitan ng kanyang bagong grupo at mga bagong komposisyon.

Hindi rin naman nagtagal at unti-unti ay tinutugtog na ulit ni Ely ang ilang Eraserheads songs sa mga Pupil gigs.

Nagkaroon pa nga siya ng mini-concert noong mid-2008 sa Manning Bar sa Sydney, Australia, kasama ang ilang sessionist musicians, at puro Eraserheads songs lang ang kanilang tinugtog.

Tinanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Ely kung kumportable na ba siya ngayon tuwing tatawagin siyang "icon" o "legend" ng mga kritiko at fans.

Inalam din namin kung sa edad niya ngayon ay meron na siyang malalim na pagpapahalaga sa mga naging achievements ng kanyang nabuwag na grupo.

"Actually, I'm taking steps. Kasi I realize naman na hindi ko puwedeng takbuhan 'yon. It's a responsibility and it's the thing about it that I didn't like in the first place, na tipong I have to live my life the way other people want me to," sagot ni Ely.

"Pero I realize na you can take steps to accept the responsibility, but still be true to yourself. So it's parang tightrope walk na kailangan mong balansahin palagi."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN