John "Sweet" Lapus finally gets a title role and a launching movie; declares Marian Rivera "the next Maricel Soriano"

"Pag alam mong talented kang tao, hindi ka na kakabahan pag nabakante ka. Hindi ka na kakabahan pag wala kang offer ngayon kasi alam mong baka pause lang and magkakaroon ka rin ng offer eventually," says John "Sweet" Lapus.


Sa kauna-unahang pagkakataon sa kanyang showbiz career ay kasama sa title ng pelikula ang role na ginagampanan ni John "Sweet" Lapus.

Siya ang "Golden Bibe" sa Super Inday and the Golden Bibe, entry ng Regal Films sa 2010 Metro Manila Film Festival.

Ang gumaganap na "Super Inday" ay walang iba kundi si Marian Rivera.

Ano ang pakiramdam na nasa title siya ng isang pelikula?

"Masaya! Feeling ko, I'm getting much closer to my solo launching movie next year na pinaghahandaan din naman ng Regal," sabi ni Sweet nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa first presscon ng Super Inday last Monday, November 15.

Ginanap ang presscon sa mezzanine ng Imperial Palace Suites sa may Tomas Morato, Quezon City. Ang Imperial ay condo-hotel na pagmamay-ari ni Mother Lily Monteverde, ang may-ari rin ng Regal Films.

TEMPTATION ISLAND. Ang tinutukoy na "launching movie" ni Sweet ay ang unang nabalitang remake ng Kumander Gringa (1987) ni Roderick Paulate.

Pero ayon sa comedian-TV host, iba na. Isang original screenplay na ang kanyang magiging launching movie, pero hindi na siya nagbigay ng detalye tungkol dito.

Kasama rin si Sweet sa isa pang entry ng Regal sa MMFF ngayong Disyembre 2010—Shake, Rattle & Roll XII. Kasama siya sa episode na "Isla Engkanto," directed by Topel Lee, and also starring Andi Eigenmann and Rayver Cruz.

Excited na rin si Sweet sa isa pa niyang movie next year—ang remake ng 1980 film ni Joey Gosiengfiao na Temptation Island. Siya ang gaganap sa dating role ni Jonas Sebastian.

"Ako si Joshua, yung baklang kakainin nila," banggit ng Showbiz Central co-host.

Nabanggit din ni Sweet na halos kumpleto na ang cast ng Temptation Island remake:

Angelica Panganiban sa role dati ni Jennifer Cortes, isang beauty queen na pumasok sa showbiz.

Lovi Poe sa role noon ni Dina Bonnevie, na nasa showbiz pa rin hanggang ngayon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Carla Abellana sa role naman dati ni Bambi Arambulo, isang model na pumasok din sa pag-aartista.

Pokwang sa role dati ni Deborah Sun, na ngayon ay balik-pelikula.

At si Marian Rivera sa role na unang ginampanan ni Azenith Briones, isa ring kilalang model noong mga panahong iyon.

Hindi pa final ang casting para sa leading men, pero ang sigurado na raw ay sina Jake Cuenca (sa role dati ni Alfie Anido) at Zanjoe Marudo (sa role ni Domingo Sabado).

Ididirek ito ni Chris Martinez, na siyang nagdirek ng Here Comes the Bride at 100.

OTHER PROJECTS FOR SWEET. Bukod dito, may gagawin ding isang indie film si Sweet na may pamagat na Becky.

Hinihintay pa rin niya ang pagre-resume ng shooting ng Aga Muhlach-Regine Velasquez movie sa Viva Films, na ayon kay Sweet ay "two years in the making na."

Dahil sa dami ng pelikulang ginagawa ni Sweet, next year na raw siya magkakaroon ng soap sa GMA-7.

At posible rin siyang makasama sa cast ng Captain Barbell ni Richard Gutierrez, sa Kapuso network din.

SUPER INDAY AND THE GOLDEN BIBE. Going back to Super Inday and the Golden Bibe, ano sa palagay ni Sweet ang magiging bentahe ng kanilang pelikula kumpara sa ibang MMFF entries this year?

Mabibigat kasi ang iba pang pelikulang kalahok:

Si Agimat Sa Mundo Ni Enteng Kabisote (starring Vic Sotto and Bong Revilla),

Ang Tanging Ina Mo Rin (starring Ai-Ai delas Alas and Eugene Domingo),

Dalaw (starring Kris Aquino, Diether Ocampo, and Coco Martin),

Father Jejemon (starring Dolphy),

Rosario (starring Jennylyn Mercado),

RPG: Metanoia (featuring the voices of Aga Muhlach and Zaijian Jaranilla),

At ang Shake, Rattle & Roll XII nga.

"Ito kasi, pambata," pagtukoy ni Sweet sa Super Inday.

"It's not just fantasy-adventure movie, it's also a heartwarming comedy movie. Meron din ditong drama as Inday [Marian] looks for her real mother, kasi parang pinamigay siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So, technically, ang Super Inday and the Golden Bibe ay pinagsama-samang tatlong Inday movies ni Maricel Soriano—Inday Sa Balitaw, Inday Bote, and Super Inday."

May nakatutuwa ring anekdota si Sweet tungkol sa mga gumanap noon sa original movie at silang nasa remake.

"Sa original, si Maricel Soriano ang Super Inday. Karapat-dapat namang si Marian ang Super Inday ngayon.

"Dati, ang Golden Bibe si Aiza [Seguerra]. Ngayon bakla naman! Di ba, ang ganda-ganda no'n?" pagbibiro niya tungkol sa kanila ng dating child superstar, na hindi itinatago ang pagiging lesbian niya at isa nang established acoustic singer.

Dagdag pa ni Sweet, "Regal Films lang ang makakaisip no'n na tomboy noon, bakla ngayon. Si Mother Lily lang ang makakaisip niyan. Wala nang iba!"

Bukod sa kanyang "classic role" bilang Golden Bibe, natutuwa rin si Sweet dahil pinagsama rito sa Super Inday ang mga Kapuso (siya at si Marian) at ang mga Kapamilya (sina Jake Cuenca at Pokwang).

"As always, ang Regal lang ang makakapagsama ng mga artista from Kapuso and Kapamilya network. At least, balanced—dalawang Kapuso, dalawang Kapamilya."

WORKING WITH MARIAN. Naitanong din ng PEP kay Sweet ang pakikipagtrabaho niya kay Marian. Bukod kasi dito sa Super Inday ay magkasama rin sila sa GMA-7 sitcom na Show Me Da Manny.

Ano ang pagkakaiba ni Marian sa ibang mga nakatrabaho na niyang female stars, gaya nina Regine Velasquez, Judy Ann Santos, Ai-Ai delas Alas, Eugene Domingo, Rufa Me Quinto, at Anne Curtis?

"Hindi lang ho basta co-star o katrabaho si Marian, kaibigan ko pa siya," sabi ni Sweet.

"At saka magkapareho kami ng personality ni Marian, e. Babaeng bakla 'yan—honest, prangka, ang lakas ng dating.

"So, imbes na mag-clash, actually nag-jive kami. Di ba, sinasabi nila pag kapareho mo ng personality, magka-clash kayo? Kami ni Marian, a different case. Nagkasundo kami...

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Yun ang ipinagkaiba nung mga ibang sinuportahan kong babae as compared to Marian. Tsika kami niyan, e. Wala lang, ang saya-saya namin sa set.

"Saka nakikinig 'yan, especially pag may mga comedy scenes kami together. Hindi lang siya basta nakikinig, sometimes she asks: 'Ano ba maganda rito?' Dapat ba 'to pasigaw kong sabihin, pabulong, o ganito?' Nakikinig siya."

Maikukumpara ba niya si Marian sa Diamond Star na si Maricel Soriano?

"I think sa prangkahang usapan, modesty aside, Marian talaga ang next Maricel Soriano—nakakapag-comedy, nakakapag-drama, nakakagawa ng adventure movie, at love ng mga bata. Maraming fans na bata si Marian.

"So, ang feeling ko, siya talaga ang next Maricel Soriano," deklara ni Sweet.

Dagdag niya, "Alam ko, may basbas na rin 'yan ni Maricel. Nagbigay-pugay rin si Marian kay Maricel. At saka idol niya kasi si Maricel, e.

"Ako, bilang Maricelian, nakikita ko talaga na si Marian talaga yung following the footsteps of the Diamond Star."

MARIAN ON THE SET. Kumusta si Marian sa set pag may pinagdadaanang kontrobersiya o problema?

"Ang maganda kay Marian, pina-punchline lang namin, tapos pinagtatawanan na lang niya," sagot ni Sweet.

"She's not the type of person na magpapaapekto. Kung naaapektuhan man siya, maybe she keeps it to herself. Kasi, hindi naaapektuhan ang shooting namin.

"Minsan dyinu-joke na nga lang namin 'yan sa set, 'Naku, galingan mo 'tong eksenang 'to para maging favorite ka na rin ni Vivian Velez.' Tatawa lang siya."

Ang tinutukoy ni Sweet ay ang komento ni Vivian Velez na hindi niya nagustuhan ang acting ni Marian sa TV remake ng pinagbidahan niyang pelikula, Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang.

Nagko-confide ba sa kanya si Marian?

"Hindi, hindi naman. Hindi siya abot sa gano'n," sabi niya.

"Minsan sasabihin ko, 'Deadmahin mo.' 'Oo nga,' gaganun lang siya. Kaswal.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi siya yung tipong affected, na pati tuloy yung trabaho, naaapektuhan. Hindi. Napaka-cool niya sa set. Ang gaan katrabaho. Hindi nale-late.

"She does her best para hindi sia maapektuhan at yung trabaho niya. Di ba, yung ibang tao kasi nag-e-emote para siraan kung sino mang kaintriga niya? Si Marian, hindi siya gano'n."

REVITALIZED SHOWBIZ CAREER. Sa dami ng ginagawa ni Sweet ngayon—sa pelikula, TV, at maging sa entablado—ipinagpapasalamat na lang niya na tuluy-tuloy ang trabaho niya at hindi siya nababakante. Malayong-malayo sa panahong halos wala na siyang ginagawa.

Aniya, "Aminado naman ako na bago ako kinuha ng GMA, isa akong laos na artista, on his way to retirement.

"Nagnegosyo na nga ako, di ba? Kasi, wala na, e. Feeling ko, tapos na.

"Until GMA hired me. I got my second wind and nagkasunud-sunod na after no'n.

"So, masaya. I'm so thankful. Ang sarap ng pakiramdam na tinatawagan ka ng ibang mga network showing interest to hire you. Tinatawagan ka ng iba't ibang production company."

Sabi pa ng extrovert na si Sweet, "Hindi kasi ako katulad ng ibang mga artista na pupunta sila sa public [place], na kinukuyog sila, ayaw nila. Ako, gustung-gusto ko na kinukuyog ako.

"Kasi, na-experience ko na yung naglalakad ako in public na walang pumapansin sa akin. Ang pangit pala nung feeling na 'yon! 'Ano nangyayari? Sa laki kong 'to, hindi ba nila ako nakikita?'

"Saka naranasan ko na yung tinatawag ako ng ibang pangalan—Jet Pangan, Chokoleit, Philip Lazaro, Jun Encarnacion... Natawag na akong Ricky Reyes!

"So ngayon, kilala na nila ulit si Sweet."

Dagdag niya, "Siguro, lesson learned, ngayon, I will never doubt myself. I would never doubt my talent.

"At the end of the day, pag alam mong talented kang tao, hindi ka na kakabahan pag nabakante ka. Hindi ka na kakabahan pag wala kang offer ngayon kasi alam mong baka pause lang and magkakaroon ka rin ng offer eventually.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi yung time na 'yon, nag-doubt talaga ako sa sarili ko: 'Hindi ba ako magaling, hindi ba ako maganda, wala ba akong talent?'"

HIS OWN HOME, AT LAST. Ngayong hindi siya nababakante sa trabaho, ibig din bang sabihin nito ay mayaman na siya?

"Hindi naman. Pero makakabili na ako ng sarili kong bahay-at-lupa, finally," masaya niyang sabi.

Isang townhouse sa may Project 8, Quezon City, ang nabiling bahay-at-lupa ni Sweet. Malapit daw ito sa nirerentahan niyang bahay ngayon kay Direk Wenn Deramas.

"It's a townhouse, pero malaki siya," banggit ni Sweet na sa buong showbiz career niya ay parating nangungupahan.

"So, masaya siya. Tsaka gusto ko ng townhosue, gusto ko may kapitbahay. Takot akong walang kapitbahay.

"Sabi ng manghuhula, dapat lumipat na ako bago mag-2011. So, I'm eyeing December 8, 2010. Suwerte daw kasi yung 8, 'tsaka birthday ni Mama Mary."

Ayon pa kay Sweet, lilipat siya sa bago niyang bahay kahit wala pa siyang mga gamit.

"Dun na ako, masabi lang na lumipat. Unahin mo lang daw yung bigas saka asin, santo at saka kama. Dapat dun ka na raw matutulog."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN