Jinkee admits she was afraid for husband Manny Pacquiao during his bout against Antonio Margarito of Mexico

Jinkee Pacquiao denies rumors that she went stress-shopping in the U.S. and spent P9 million. "Hindi naman totoo 'yan. Sobra naman ang padding. Hindi naman P9 million. P9,000 lang naman ang equivalent!" she says laughing.


Hindi nawala sa tabi ng Pambansang Kamao na si Manny "Pacman" Pacquiao ang kanyang misis na si Jinkee Pacquiao. Kahit saan magpunta si Manny ay maaasahan mong nasa likod niya parati ang kanyang misis.



Sa pagbalik nila sa bansa noong Sabado, November 20 mula sa Los Angeles, California, USA, ay hindi rin nakapahinga si Jinkee.

Sunud-sunod ang lakad ng kanyang mister na hinihirang ngayon bilang No. 1 boxer sa buong mundo pagkatapos nitong makuha ang ika-walong boxing title. Ito ay nangyari sa laban niya kay Antonio Margarito.



Nakapanayam namin si Jinkee sa naging welcome party para kay Pacman na "Show Me Da Party "noong Sabado ng gabi sa SM Mall Of Asia.

Ang kuwento niya, pagkatapos ng laban ni Manny kay Margarito sa Cowboy Stadium sa Arlington, Texas, ay hindi na nagpahinga ito.

Sunud-sunod rin ang TV and print interviews ni Manny at parati silang may bisita sa kanilang bahay sa Los Angeles. Nagkaroon pa ito ng show sa Vallejo, California, para sa ilang Pinoy doon.



Pero bilib si Jinkee sa kanyang mister dahil kahit na alam niyang may iniindang sakit ito sa katawan, masaya pa ring humaharap ito sa mga bisita nila.

Kahit na pagod ito at inaantok na, basta may bisita ay pakikiharapan nito hanggang sa magpaalam na.



"Gano'n si Manny talaga, e. Kahit na sobrang pagod 'yan, basta kaibigan niya, tatayo 'yan at mag-e-entertain ng bisita niya," ngiti ni Jinkee.



"Hindi siya yung tipo na sasabihin na pagod siya or may sakit siya. Alam niya kasi na bumiyahe pa ang mga taong ito para makausap siya or makita siya. Hindi ang tipo ni Manny ang hindi haharap sa mga bisita niya."



AFRAID FOR MANNY. Inamin ni Jinkee na medyo natakot siya sa naging laban ni Pacman kay Antonio Margarito.

Si Margarito ay malaking tao at makikita ang diperensya nila ni Manny sa taas, lapad, timbang, at layo ng abot ng kamay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



"Oo naman, at medyo kinabahan ako. Ang laking tao ni Margarito! Higante na parang halimaw!" sabay tawa ni Jinkee.



"Tapos hindi pa ngumingiti. Parang intimidating ang presence niya kaya, ako mismo, kinabahan ako na baka ano ang mangyari kay Manny.

"Pero sobrang nagdasal talaga kami ni Mommy [Dionisia Pacquiao]. Alam namin na kakayanin ito ni Manny sa tulong ng Panginoon."



Ngunit noong makita ni Jinkee na duguan na si Margarito ay nawala na raw ang kaba nito sa dibdib, dahil alam niyang mapapatumba na ito ni Pacman.



"Naniniwala na ako sa kasabihan na walang maliit na hindi nakakapuwing," diin ni Jinkee.



"Malaking struggle talaga para kay Manny na lumaban sa higanteng iyon. Sa haba na lang ng braso, lamang siya kay Manny.

"Pero dinaan talaga ni Manny sa bilis at sa diskarte. Noong mapadugo na niya ang mukha ni Margarito, yun na 'yun, e. Kaya nang tapusin ni Manny iyon.



"Kaso, umabot pa ng Round 12. Si Manny gusto na niyang ipatingin si Margarito noong Round 10 pa lang. Ayaw nang masaktan pa ni Manny ang kalaban niya kasi hindi siya gano'n makipaglaban," sabi ni Jinkee.

"Lagi niyang sinasabi na ang boxing ay hindi patayan. Sport ito na dapat nirerespeto. Kapag alam mong pabagsak na ang kalaban mo, hindi mo na dapat pang abusuhin ang pagkakataon na iyon.



"Kaya noong i-declare nga na panalo si Manny, lumapit pa siya kay Margarito para alamin kung okey siya. Nagbilin pa si Manny na dalhin na agad sa ospital si Margarito. Gano'n siya ka-concerned sa mga nakakalaban niya."

UNAUTHORIZED PACMAN BIO. Pagkatapos ng laban na iyon ni Manny ay may mga kontrobersya naman na naglabasan kaagad.

Una ay ang paglabas ng isang unauthorized biography on Manny Pacquiao.

Pinaubaya na nila ito sa kanilang mga abogado para matigil ang pagbenta nito sa mga bookstores.

"Nakakagulat kasi may nilabas rin si Manny na libro. Pero biglang may naglabas din ng ganun na book.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi ko pa nakikita iyon, e, pero may nagpakita na yata kay Manny. Kaya kinausap kaagad niya ang lawyer namin para ayusin iyon.

"Ang mahirap kasi diyan, baka kung anong kuwento lang ang nasa libro na iyon. Hindi namin alam ang purpose noong sumalat.

"Baka puro paninira lang kay Manny ang laman. Kaya gusto ni Manny na ma-stop ang pagbenta noong book na 'yon."



Pangalawang issue ay ang pagdemanda ng isang record producer kay Manny dahil sa hindi nito pagtupad sa pinirmahang kontrata na mag-record ng album para sa kumpanyang RBM. Dinemanda nila si Manny for $10 million.



"Noong nasa L.A. na kami, nagkausap na sila Manny at ang RBM. Inayos na nila ang problemang 'yan.

"Oo at may pinirmahan nga si Manny na kontrata sa kanila for an album. Nataon kasi na may laban si Manny that time, at hindi niya maharap ang pag-recording. Mas nakatutok kasi siya sa training noon," sabi ni Jinkee.

"Hanggang sa nakauwi na kami at ang pagtakbo naman niya noong last election ang hinarap niya.

"Kaya natagalan yung paggawa ng album. Wala namang balak na takbuhan ni Manny 'yan. Alam niya ang mga obligasyon niya at hindi siya manloloko ng tao nang dahil lang sa pera.

"Nagkapaliwanagan na noong nasa L.A. kami at naayos na. Sa December kasi babalik si Manny sa U.S. at doon na niya haharapin ang recording noong album. Kaya okey na ang lahat," aniya.

Bilang misis ni Pacman, nababahala si Jinkee sa kalusugan ng kanyang mister. Bukod sa na-stress ito sa pakikipaglaban sa boksing, na-stress din ito sa pagiging congressman ng Sarangani.

"Balik nga siya sa trabaho ulit at ang dami nga niyang haharapin naman sa Congress. Naaawa nga ako, kasi tulad ngayon, wala pa siyang tulog na maayos.

"Nagkasakit pa siya noong nasa L.A. kami. Pagbalik namin ang daming commitments. Tinatanong ko nga siya kung kaya pa niya. Sagot naman niya ay oo naman. Ayaw niyang ma-disappoint ang mga tagahanga niya kasi," ani Jinkee.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Never kong narinig na nagreklamo si Manny. Alam ko na pagod siya at gusto na niyang matulog, pero kapag may commitment siya, haharapin niya.

"Sinasabihan ko siya na hinay-hinay naman. Kailangan pa namin siya ng mga anak niya.

"Kapag nakakasama niya ang mga bata, lumalakas daw siya. Kaya gusto niyang kasama parati ang mga bata sa mga lakad namin kasi natutuwa siyang makita ang mga ito na malalaki na.

"Mas nagkakaroon daw siya ng lakas na gawin lahat ng ibinigay sa kanya ni Lord," sabi ni Jinkee.

P9-MILLION STRESS-SHOPPING? Hindi lang si Manny ang nagkakaroon ng kontrobersya kundi pati si Jinkee.

May nagbalita nga na sa sobrang kaba raw ni Jinkee bago ng laban ni Pacman kay Margarito ay nag-stress shopping daw ito.

Gumastos daw ito ng higit na P9 million sa pagsa-shopping niya sa U.S.



"Hindi naman totoo 'yan. Sobra naman ang padding. Hindi naman P9 million. P9,000 lang naman ang equivalent!" sabay tawa ni Jinkee.



"Inaamin ko na nagsa-shopping ako pero tinitingnan ko naman ang presyo. Hindi ako yung kuha lang nang kuha.



"At kung may mga binibili ako sa U.S., para iyon sa negosyo namin. May boutique kasi ako sa Sarangani at mga imported na mga items ang binebenta namin doon," sabi ni Jinkee.

"Yung mga binibili ko, mga orders iyon mula sa mga customers namin. Inaalam ko kasi kung ano ang mga wala nang stock sa boutique.

"Kung may nag-order ng ganitong item at nataon na nasa U.S. ako, binibili ko na. For business naman iyon at hindi pangsarili ko."



Masinop nga raw si Jinkee sa perang pinapahawak sa kanya ni Manny at parating ang future ng kanilang mga anak ang iniisip nilang mag-asawa.

"Kami naman ni Manny, bilang mag-asawa, ang iniisip namin ay ang kinabukasan ng mga bata. Kada panalo niya, may naitatago siya para sa mga bata.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Iba ang mga panggastos sa bahay, sa negosyo at sa pang-araw-araw na bayarin. Pinapaubaya na ni Manny sa akin ang para sa mga bata, sa bahay, at sa ibang negosyo namin," sabi ni Jinkee.

"Alam ko ang hirap na pinagdaanan ni Manny at hindi ko basta wawaldasin ang mga perang pinaghirapan niyang makuha at ipunin.

"Bilang asawa niya, nandito ako para magtulungan kami at masigurado na secure ang pamilya namin sa mahaba pang panahon."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN