Kim Chiu strikes out on her own with Your Song; welcomes opportunity to "grow" outside her love team with Gerald Anderson

Kim Chiu still wants to work with Gerald Anderson in the future. The 2006 Pinoy Big Brother Teen Edition Big Winner, however, feels that their loveteam is done doing heavy drama roles.

"Huwag naman drama dahil lagi na lang kaming gumagawa ng drama episodes. Gusto ko masaya naman and para iba naman—wala nang iyakan. Kung puwede sana comedy, o rom-com o fantasy-comedy. Puwede ring horror, basta huwag lang drama," says Kim.


Masaya at naging very casual ang press conference na ipinatawag ng ABS-CBN kagabi, November 23, para sa young star na si Kim Chiu.

Ang presscon na ginanap sa Bohol Room ng 9501 restaurant sa ELJ Bldg. ng ABS-CBN ay idinaos upang pormal na ipakilala si Kim bilang featured artist ng Sunday afternoon program na Your Song,simula sa December 12.

Thirteen episodes ang ipinagkaloob sa nasabing weekly anthology show kay Kim, meaning mapapanood natin siya hanggang sa Pebrero ng susunod na taon.

Buong pagmamalaking ibinida ni Kim na ilan lamang sa mga papel na gagampanan niya ay ang isang "tomboy" at meron ding "masungit na fashionista."

Dagdag ng dalaga, "May comedy, may drama, may fantasy... Lahat, lahat meron dito, kaya excited talaga ako na gawin 'to.

"Thankful and sobrang nagpapasalamat ako sa unit nila Sir Deo [Endrinal, business unit head] and sa ABS-CBN dahil pinagkatiwalaan nila ako ng ganitong kahabang Your Song, and na-miss ko rin ang mag-taping.

"Ang tagal ko ring hindi nagte-taping, ang tagal ko ding hindi nakikita sa TV na umaarte, so na-miss ko rin po 'yon," aniya.

Huling lumabas si Kim sa teleserye na Kung Tayo'y Magkakalayo. She also appeared in the movie Till My Heartaches End.

MOVING FORWARD. Malaking hakbang para sa career niya ang bagong programa dahil tila ito na rin ang hudyat ng paglisan niya sa anino ng tambalan nila ni Gerald Anderson.

Bagamat sinasabing may plano naman talaga ang kanilang home network na itambal ang dalawa sa iba kahit noon pa, ngayon lang ito natuloy dahil na rin siguro sa napabalitang tensiyon sa pagitan nina Kim at Gerald.

Sinasabing nagsimulang lumayo ang loob ni Kim sa kapareha magmula nang malaman nito na may relasyon diumano si Gerald sa kapwa Star Magic talent nila na si Bea Alonzo. (CLICK HERE to read related article.)

Never na umamin sina Kim at Gerald kung totoo bang may namagitan sa kanila bukod sa pagiging magkaibigan. Ang interpretasyon nga ng marami ay "for show" lang ang sweetness nila sa isa't isa para siyempre pakiligin ang mga manonood.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ngunit simula nang pumutok ang balitang Gerald-Bea ay marami ang nakahalata na malaki rin ang ipinagbago ng dating magandang chemistry nina Kim at Gerald.

Ginawa naman ni Kim na sagutin ang mga ilang katanungan patungkol sa hinaharap ng tambalan nila ng dating ka-loveteam. Maraming pagkakataon na sumusulyap ng tingin si Kim sa kanyang mga handlers na nasa loob ng venue kapag masyadong prangka ang tanong na ibinabato.

"Ano na lang po, respeto ninyo na lang po sa amin 'yon ni Gerald. Ibalato ninyo na lang po sa amin kung anuman po 'yon. Hayaan na po natin 'yon, wala na po 'yon.

"Basta masaya po kami, okay po kami ni Gerald ngayon, nag-uusap naman po kami," sagot ni Kim nang hilingin ng mga reporter na linawin ang mga lumabas na isyu involving them and Bea.

Mas gusto raw ni Kim na manahimik na lamang para hindi na lumaki pa ang intriga.

"Mas maraming salita, mas marami pong nasasaktan, mas maraming natatamaan," pahayag ni Kim.

"Kaya mas pinili ko po na huwag na lang pong sagutin 'yang mga 'yan. Ayoko po ng gulo, tama na 'yan, okay na 'yan. Masaya tayong lahat."

Tanggap naman ni Kim ang plano ng management na huwag na muna silang pagsamahin ni Gerald sa ilang proyekto.

Aniya, "Siyempre umiikot naman po 'yong mundo namin, hindi lang kami ang magkasama... Sa four years na magkasama kami ni Gerald, siguro time na rin para mag-grow, para magkaroon kami ng chance na ibang tao naman 'yong makasama namin, ibang tao naman po 'yong makatrabaho namin."

Sa kabilang banda ay umaasa pa rin naman si Kim na muling magkakaroon sila ni Gerald ng pagkakataon na makapagtrabaho kasama ang isa't isa alang-alang sa kanilang loyal followers.

"Sana mabigyan din siya ng kahit isang episode sa Your Song ko para sa mga Kimerald fans, kasi nandiyan pa rin sila and sumusuporta pa rin sila sa amin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Masayang nabanggit ni Kim ang naging experience nila ni Gerald sa kakatapos pa lamang na ASAP Pop Viewers Choice Awards na ginanap noong November 21 sa ASAP XV.

Nanalo ang tambalang Kim and Gerald sa tatlong kategorya: Pop Kiss, Pop TV Characters, at Pop TV Show. Base sa text votes na galing sa mga fans ang labanan sa bawat kategorya, kaya malaki ang pasasalamat ng chinitang aktres sa kanilang mga tagahanga sa kabila ng napipintong pagbuwag sa kanilang love team.

Sabi ni Kim, "Kahit papaano nararamdaman namin na nandiyan pa rin ang mga Kimeralds."

YULETIDE BREAK. Kinumpirma ni Kim na tuloy ang kanyang planong out-of-the-country vacation ngayong Pasko. (CLICK HERE to read related article.)

Subalit nilinaw niya na taliwas sa unang naiulat ay hindi sa Amerika siya magpapalipas ng Pasko. Isang bansa sa Asya ang balak puntahan ng batang aktres.

"Natatakot po ako 'pag malayo, baka maligaw ako!" natatawang sabi ni Kim.

Apat na araw mawawala sa Pilipinas si Kim at pangunahing dahilan kung bakit gusto niyang mangibang bansa during the Christmas season ay para matupad ang kanyang childhood dream na makakita at makapaglaro sa snow.

Hindi kaya malungkot si Kim habang nasa abroad dahil mag-isa lang siyang magdidiwang ng Pasko?

"Mas masaya kung mag-isa ka lang," sagot ni Kim. "Wala kang iintindihing kasama."

Nang kantiyawan ng reporters na hindi masaya ang bumiyahe sa ibang bansa na mag-isa habang malamig ang panahon, pabirong sinabi ni Kim: "Magsasama na nga po ako!"

MOVIE WITH JACKIE CHAN. "Under negotiation" pa raw ang supposed movie ni Kim kasama ang international martial arts actor na si Jackie Chan.

Sinabi ni Allan Real—isa sa mga talent handlers ng Star Magic talents—na pinag-uusapan pa rin ang detalye ng nasabing proyekto dahil kailangan siyempreng magtugma ang work schedule ng mga lalahok sa pelikula.

Hindi pamilyar si Kim sa takbo ng negosasyon sa pagitan ng ABS-CBN at sa producer ng pelikula. Ipinapaubaya na lang daw niya sa kanyang mga handlers ang pakikipag-usap at ayaw niyang makialam kung anuman ang mapagkasunduan sa huli.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero hindi siyempre itinatanggi ni Kim na ipinagdarasal niya na sana ay matuloy ang proyekto.

"Oo naman po," bulalas ni Kim nang tanungin kung umaasa ba siya na makakasama sa isang pelikula ang sikat na martial arts artist.

"Tsaka siyempre mapapanood siya sa China, at para lumawak din naman po ang career ko."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN