Businesswoman Cristina Decena marries comedian Ariel Villasanta two months after meeting each other

"Sabi namin, bakit pa namin patatagalin kung masaya naman kaming dalawa? Bakit pa namin patatagalin, e, nasa edad na naman kami? Bakit pa namin patatagalin, e, ang mga anak ko, masaya naman?" says Cristina Decena about marrying comedian Ariel Villasanta.


Punumpuno ng pagmamahal ngayon si Cristina Decena para sa kanyang asawang si Ariel Villasanta.

Isang businesswoman si Cristina na dating nakarelasyon ng aktor na si Phillip Salvador. Si Ariel naman ay kilalang TV host/comedian at other half sa tandem na Ariel and Maverick.

Dalawang buwan pa lamang silang nagkakakilala, pero ikinasal na agad sila last November 6 sa Hong Kong.

Ayon kay Cristina, "Sabi namin, bakit pa namin patatagalin kung masaya naman kaming dalawa? Bakit pa namin patatagalin, e, nasa edad na naman kami? Bakit pa namin patatagalin, e, ang mga anak ko, masaya naman?"

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Cristina last Wednesday night, November 24, sa sports lounge ng Celebrity Sports Complex.

Nagkakilala sila nang nag-guest si Cristina sa Totoo TV ng TV5, ang reality show na hinu-host nina Ariel and Maverick.

"Hindi na kami naghiwalay," sabi ni Cristina. "Hiningi niya yung number ko, tapos gabi-gabi kaming nagdi-dinner kasama yung mga anak ko."

Tanggap ba si Ariel ng mga anak ni Cristina?

"Oo naman!" bulalas ng businesswoman.

May anak din si Ariel from his previous relationships.

"Dalawa," banggit ni Cristina. "Hindi ko pa nami-meet.

"Kasi yung isa, nasa Amerika. Yung isa, siguro yung dahil laging may pasok...

"Tsaka two months pa lang naman kami kaya wala pang chance para magkita kami. Pero itong week na ito, ipapakila sa akin."

Binanggit ni Cristina sa PEP na the following day, Thursday, may lunch sila kasama ang pinsan ni Ariel na si Joey de Leon at ang pamilya nito.

May plano rin daw silang mag-ampon.

"Balak namin, pero ipagpapaalam muna namin sa mga anak ko. Pero kami, napagkasunduan namin na mag-a-adopt kami—isang babae at isang lalaki," sabi niya.

CHARACTER INVESTIGATION. Inamin ni Cristina na pinaimbestigahan niya si Ariel bago sila nagpakasal.

"Number one, kinuha ko lahat ng kanyang dokumento kasi nag-apply siya ng car financing sa Metrobank, approved.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sabi ko, 'Bakit diyan ka pa magka-car financing? Bakit hindi na lang sa bangko ko?'" kuwento ni Cristina, na siyang presidente ng Bank of Norzagaray.

Patuloy niya, "So, pina-CI ko para meron akong chance at paraan na ipa-CI ko siya nang hindi siya mao-offend.

"Pinakuha ko yung kanyang contract of services sa Channel 5. Pinakuha ko yung kanyang contract of employment sa PLDT. Kinuha ko yung kanyang mga sources of income.

"Para makuha ko lahat yun, kailangan may magandang dahilan, di ba? So, nung nakita ko yun, sa sarili lamang niya, sobra-sobra para mabuhay siya nang maganda."

NOT AFTER HER MONEY. Open book naman na mayaman si Cristina kaya gusto niyang makasiguro na hindi pera ang habol ng sinumang lalaki sa kanya.

Aniya, "Alam mo, at this point in time, pag gusto mo talagang mag-settle down, makikipag-settle down ka sa matino, di ba? Sa matino at yung mamahalin ka nang tapat.

"Kasi kapag nakipag-settle ka sa isang lalaking mamahalin mo, hindi ako tumitingin sa pera, e.

"Ang titingnan ko lang, number one, faithful ba ito sa akin?

"Number two, hindi ba ito aasa sa akin?

"Number three, wala ba itong bisyo?

"Si Ariel, ang trabaho tatlo. Twenty years na siyang nasa PLDT. Meron siyang trabaho sa Channel 5.

"Nagho-hosting pa siya. At nagpo-produce pa siya [ng show], yung sa nanay niya, yung 13 episodes."

Ang tinutukoy ni Cristina ay Mommy Elvie's Problematic Show, ang reality show sa TV5 na pinagbidahan ni Ariel at ng kanyang ina na si Mrs. Elvie Villasanta.

"Si Ariel ang producer nun, binili ng TFC yung palabas na yun, yung 13 episodes. Pinalalabas sa TFC kasi tapos nang ipalabas sa Channel 5.

"So, ngayong tapos na yung ipinagawa niyang bahay, puwede na raw niyang harapin ulit ang paggawa ng 18 episodes," saad niya.

Close daw si Cristina kay Mommy Elvie.

"Medyo naman, mabait naman sa akin," nakangiti niyang sabi.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ang sabi lang niya sa akin, kung saka-sakaling may mangyayari sa buhay niya, alam daw niya na maiiwanan niya ang anak niya sa tamang babae."

CHANGING ARIEL'S STYLE. Ano ang mg katangian na nagustuhan niya kay Ariel?

"Yung wala siyang kinakasama. Libre siya.

"Merong sariling trabaho. At saka yung totoong tao. Simple lang.

"Mapagmahal sa nanay at mapagmahal saka-partner sa buhay.

"Walang bisyo. Hindi naninigarilyo. Hindi umiinom. Walang barkada.

"Ang mundo niya, ako lang," pag-e-enumerate ni Cristina.

Si Cristina rin ang nagbago ng style ng pananamit ni Ariel.

"Total transformation!" sambit ng businesswoman.

Pumayag si Ariel? Na nakilalang mahaba ang buhok at flamboyant ang damit at accessories?

"E, para bang iyon ang magic ng love, e!" natatawa niyang sabi.

"Ngayon, maiksi na ang buhok, laging naka-suit. Kasi bagay naman sa trabaho niya as consultant ng PLDT. Corporate naman siya.

"May sariling driver at saka yung kanyang pamumuhay, kahit na simple lang, may sarili siyang pera."

Sa kanya ba ay may binago si Ariel?

"Meron din," sagot ni Cristina.

"Halimbawa nasa opisina ako, nasa boardroom ako, galit ako, bigla siyang magte-text, masaya na ako. So, sa opisina, hindi na mainitin ang ulo ko."

Dagdag niya, "Pareho rin kaming matipid. Kahit na kumikita ako ng malaki, one-fourth lang nun ang ginagastos ko. Three-fourths nun, itinatago ko for the future. Pareho kami dun."

PRE-NUPTIAL AGREEMENT. Ini-reveal din ni Cristina sa PEP na nagpirmahan sila ng pre-nuptial agreement ni Ariel.

"Nakapirma na, pumirma na siya at siya ang nag-suggest nun," sabi niya.

Pumayag din si Cristina, pero hindi niya raw inisip na baka may magsabing duda siya kay Ariel.

"Oo naman," sambit niya.

"Pumayag ako kasi, unang-una, may anak din siya, may dalawa siyang anak.

"Pangalawa, hindi pa siya annulled, kaya kami nagpakasal sa Hong Kong. Kasi legally separated pa lang siya.

"Pupunta kami next month sa San Francisco para i-divorce siya ng kanyang foreign wife.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Filipina ang ex-wife niya, pero kasal na sa Amerikano doon, kaya foreign wife na yun.

"Kaya yung divorce niya, iho-honor na dito sa Pilipinas. Kasi, once na ang asawa mo foreigner na, yung divorce na yun valid na sa Pilipinas."

Si Cristina naman ay annulled na sa kanyang dating asawa.

MULTIPLE WEDDINGS. Nabanggit din ni Cristina sa amin na may second wedding sila ni Ariel sa Macau, at may mga kasunod pa ito.

"Actually, nag-apply na kami, e. Galing kami dun sa Macau, kauuwi lang namin. Nag-apply kami dun.

"So, after one month, babalik kami dun para magpakasal sa Macau.

Ang third wedding nila ay magaganap sa Singapore at ang fourth ay sa Ukraine.

Bakit marami silang weddings?

"Kasi, since hindi pa kami makapagpakasal talaga sa Pilipinas, sa bawat bansang pupuntahan ko na kasama ko siya, magpapakasal kami," sagot ni Cristina.

Sa ilang bansa sila magpapakasal?

"All over the world!" natatawa niyang sabi.

Gusto ba nilang ikasal din sila nang bongga dito sa Pilipinas?

"Gusto ni Ariel simple lang," sagot niya.

Malamang June next year sila ikasal dito sa bansa.

Si Ariel na raw talaga ang lalaki para kay Cristina. Kahit dalawang buwan pa lamang ang relasyon nila, alam daw nilang pareho na mahal nila ang isa't isa.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN