Ariel Villasanta signed a prenup to prove he's not after his wife Cristina Decena's money

"Ayoko na may masabi ang ibang tao na ang habol ko ay ang pera niya. Magiging unfair naman 'yon for both [of us]. Hindi naman sa ano pa man, okey ang buhay ko. Hindi ako kasing-yaman ng asawa ko, pero maayos ang buhay ko," says Ariel Villasanta on signing a pre-nuptial agreement with wife Cristina Decena. The two tied the knot last November 6 in Hong Kong.


Kahit isang komedyante si Ariel Villasanta—na nakilala sa mga programang The Misadventures of Maverick & Ariel at Totoo TV—pinatunayan naman niya na seryoso siya kapag ang pinag-uusapan ay ang tungkol sa pag-ibig.

Alam na ng marami ang tungkol sa pagpapakasal niya sa kontrobersiyal na businesswoman na si Cristina Decena last November 6 sa Hong Kong. Ito ay sa kabila ng dalawang buwan pa lang silang magkakilala. (CLICK HERE to read related story.)

Katuwiran ni Ariel, pareho na silang may edad at may sariling mga anak, kaya bakit pa raw kailangan dumaan sa ligawan kung nagkakaintindihan na sila kahit sa napakaiksing panahon?

"Ako na nagsabi sa kanya na hindi ko na siya liligawan pa. Didiretsahin ko na siya," kuwento ni Ariel sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa Quezon City Sports Center last Wednesday, November 24.

"Sa edad namin," patuloy niya, "hindi na siguro tama na magligawan pa. Kasi para sa akin, kapag nanligaw pa, may bolahan pa 'yan, e. Siyempre, magpapa-impress ka sa babae, idadaan mo sa kung anu-anong bola para mapasagot mo siya.

"Hindi na kailangan ng ganyan sa aming dalawa ni Baby [tawagan nila sa isa't isa]. Diniretso ko na siya para wala nang mahabang usap-usapan pa."

TAKING CHANCES. Ang sinabi raw ni Ariel kay Cristina ay subukan nilang magkaroon ng relasyon. Kung hindi raw mag-work, walang masama dahil wala naman silang masyadong nai-invest na mahabang panahon sa ligawan.

"Naniniwala kasi ako sa taking chances, e," sabi ni Ariel.

"Yun ang sinabi ko sa kanya. Mag-trial relationship kami and see where it goes.

"Kung successful, then puwede pa kaming magtagal. Kung hindi, at least we tried.

"Yun nga, naging okey naman ang lahat.

"In the two months na nagkakilala kami, nakilala ko ang mga anak niya at nakilala naman niya ang Mommy ko [Elvie Villasanta].

"Kahit na sila Kuya Joey [de Leon, Ariel's cousin] at ang family niya, nakilala rin niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ang maganda diyan, tanggap kaming pareho ng mga pamilya at kamag-anak namin.

"Kelan lang, nag-dinner kami with Kuya Joey at ng wife niyang si Ate Eileen [Macapagal]. Masaya ang naging kuwentuhan.

"Si Mommy ko naman, gusto siya.

"Sinabi nga ng Mommy ko sa kanya, ngayon lang daw niya akong nakitang sobrang masaya at mukha na akong tao kapag lumalabas ng bahay!" sabay tawa ni Ariel.

THE NEW ARIEL. Si Cristina nga lang ang nakapagpilit kay Ariel na magpagupit ng mahabang buhok nito.

Never daw ginawa 'yon ni Ariel kahit ilang beses na siyang sinasabihan ng kanyang mga kaibigan at ng Mommy niya. Pero bumigay siya sa request ni Cristina.

Sabi ni Ariel, "Hindi talaga ako nagpapagupit, e. Kasi nga, may sarili tayong image, di ba? Kaya yung buhok ko, walang puwedeng makialam no'n.

"Pero noong i-request nga ni Baby na magpagupit ako, hindi ako nakahindi. Gusto kasi niya na kapag magkasama kami, mukha rin akong maayos.

"Kasi nga, mga investors at mga importanteng tao ang mga lagi niyang kausap. Tapos, president pa siya ng sarili niyang company at ng Rotary Club sa New Manila.

"Kapag makita nga namang kasama ako na gano'n ang hitsura, baka wala nang magtiwala sa kanya at hindi siya seryosohin. Kaya nagkaroon tayo ng overhaul.

"Pati ang pananamit ko, nag-suggest siya na ganito ang mga isuot ko since nagtatrabaho naman ako sa creative department ng PLDT for the last 20 years.

"Bakit naman daw hindi ako magdamit nang maayos at hindi yung para akong nagpapatawa parati. So, ginawa ko naman 'yon na hindi ako tumatanggi.

"Ewan ko kung paano ako napapayag. Siguro nga dahil sa naniniwala ako sa gusto niyang mangyari sa akin at panahon na rin na may makialam sa akin, di ba?

"Love ba ang tawag doon?" tawa niya ulit.

PRE-NUPTIAL AGREEMENT. Bago naganap ang kanilang simpleng wedding sa Hong Kong noong November 6, kinausap daw ni Ariel si Cristina at ang abogado nito na gumawa muna ng pre-nuptial agreement na pipirmahan nilang dalawa. Para raw 'yon sa proteksyon ng kanyang minamahal.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Maganda na yung maayos, di ba?" sabi ng komedyante.

"Ayoko na may masabi ang ibang tao na ang habol ko ay ang pera niya. Magiging unfair naman 'yon for both [of us].

"Hindi naman sa ano pa man, okey ang buhay ko. Hindi ako kasing-yaman ng asawa ko, pero maayos ang buhay ko.

"May sarili akong bahay sa Provident Village na pinaayos ko for one year dahil nga nasira ng bagyong Ondoy.

"May lima akong kotse at may driver ako.

"May trabaho ako sa PLDT at may kontrata ako with TV5.

"I also do corporate shows here and abroad. Babalik din ako sa pagpo-produce ng show.

"Kaya sa usapan about money, meron naman ako. Hindi nga lang kasing dami ng pera niya [Cristina].

"Kaya gusto ko na protected ang mga assets niya.

"Ang anumang meron siya bago kami kinasal, sa kanya 'yon. Wala akong pakialam doon."

LOVING SON. Ang isa raw sa nagustuhan ni Cristina kay Ariel—bukod sa kanyang pagiging masayahin at simpleng tao—ay ang pagiging mapagmahal nito sa kanyang ina na si Mommy Elvie.

Ani Ariel, "Nag-iisang anak lang kasi ako at kaming dalawa lang ni Mommy sa bahay namin.

"All my life, si Mommy lang ang lagi kong nakakausap pagkagaling sa school, sa trabaho.

"Hindi kasi ako mabarkadang tao. Lagi kong iniisip na walang kasama si Mommy sa bahay. Tsaka lahat ng gusto niya, binibigay ko.

"Yun nga lang, ayaw pa niyang bumalik sa bahay namin sa Provident Village kasi nagka-trauma siya noong bahain kami.

"Inuunti-unti ko siyang pinipilit na bumalik kasi nga napaayos ko na yung bahay. Pinataas ko na ang bahay just in case na mangyari ulit ang gano'ng baha.

"Ayoko namang ibenta kasi property yun ng parents ko. Ayokong mawala na lang siya basta-basta kaya kini-keep ko pa rin yun.

"Kami kasi ni Mommy, pareho kami ng ugali.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Magaling mag-punchline si Mommy, e. Kaya nga pinagpo-produce ko siya ng show niya.

"Sinasabi ko na nagmana ako sa kanya, ayaw naman niyang pumayag! Sa kapitbahay daw ako nagmana!" sabi ni Ariel na sinundan niya ng malakas na tawa.

CRISTINA'S TRAITS. Ano naman ba ang nagustuhan niya kay Cristina?

Kuwento ni Ariel, "Noong una kasi, hindi ko pa siya kilala personally. Kinuha lang kami ni Maverick [Relova] para mag-host ng isang charity event niya.

"Unang kita ko pa lang sa kanya, napansin ko, maganda ang mga kamay at pati yung paa.

"Kapag malinis kasi ang paa, ibig sabihin malinis ka sa buong katawan mo.

"Kaya gusto ko siyang makilala. Makakuwentuhan lang.

"Noong pumayag naman siyang lumabas kami, na-discover ko na straightforward siyang tao. Hindi mo siya mabobola o mapapaikot.

"E, gano'n din ako. Kaya nag-jive ang personalities namin.

"Pero ang maganda pa sa kanya ay yung pamilya niya ang importante sa lahat. Kahit saan siya pumunta, kasama ang mga anak niya at ang mother niya.

"Doon ako na-impress sa kanya."

KIDS AND WEDDINGS. Hindi naman itinago ni Ariel na may dalawa na siyang anak sa magkaibang babae. Kasal siya sa una, pero 24 years na raw silang hiwalay at legally separated na sila.

Nasa U.S. daw ang first wife niya at may ibang asawa na.

"Sa January, pupunta kami sa U.S. para ayusin ang divorce ko sa kanya," banggit ni Ariel.

"Matagal na kaming hiwalay at may kanya-kanya nang buhay.

"Gusto na lang naming maayos yung legal na pag-dissolve ng marriage namin. Para wala kaming problema ni Baby kapag nagplano na kaming magpakasal dito sa Pilipinas."

Habang hindi pa naaayos ang divorce ni Ariel sa unang misis niya, sa ibang bansa sila nagpapakasal ni Cristina.

Nauna nga sa Hong Kong at susunod naman daw sa Singapore. Pupunta rin daw sila sa Paris at Ukraine.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sinabi ko nga kay Baby na sa bawat bansa na pagbakasyunan namin, magpapakasal kami.

"Wala pa naman yatang nakakagawa ng ganyan, di ba? Gusto lang naming gawin para maiba lang," sabi ni Ariel.

Balak daw nilang mag-ampon—isang lalake at isang babae.

"Napag-usapan naman namin 'yan at gusto ko rin 'yan. Mapagmahal ako sa mga bata, e.

"Gusto ko nga mga foreigner na babies, e. Para ang dating, Brad Pitt at Angelina Jolie!" tawa pa niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN