Governor Vilma Santos has many movie offers, but Batangas remains her priority

"Ang priority ko muna is Batangas. Pag nakita kong smooth na yung Batangas, yung mga improvement na dapat kong gawin, smooth na at imo-monitor na lang, then I can do one [movie]," says Batangas Governor Vilma Santos-Recto.


Napuno ng press at Vilmanians ang second floor ng Annabel's restaurant sa Tomas Morato, Quezon City, kaninang tanghali, November 26, dahil sa ipinatawag na get-together, thanksgiving, at pre-Christmas party ni Batangas Governor Vilma Santos.

Wala nang maupuan ang mga nahuling dumating kaya marami na ang nakatayo. Kaya naman nahirapan din dumaan ang mga gustong bumaba para mag-CR o magsigarilyo, o ang mga lilipat ng kabilang table para sa simpleng kuwentuhan sa kanilang kasama, dahil nga sa dami ng tao.

Mga 12:30 ng tanghali dumating si Governor Vi—na kilala rin sa titulo niya sa showbiz na "Star For All Seasons."

Pagpasok niya sa function room ay hinarang siya agad ng mga photographer at cameramen para makuhanan ng litrato at video.

Hindi agad nagpunta ang actress-politician sa gitna, kung saan may nakahandang podium. Inisa-isa muna niya ang lahat ng mesa sa loob ng kuwarto upang batiin ang lahat na dumalo sa pagtitipong 'yon.

Bukod sa kumustahan ay pinagbigyan din niya ang lahat ng gustong magpalitrato kasama siya.

Inabot ng halos 30 minutes si Governor Vi bago siya nakarating sa gitna para bumati sa lahat.

THANKSGIVING. Ayon sa gobernadora ng Batangas, ipinatawag niya ang pagtitipong iyon bilang pasasalamat sa press at sa kanyang loyal fans para sa lahat ng suportang ibinigay sa kanya at kanyang pamilya ngayong taon.

Bukod kasi sa pagwawagi niyang muli bilang governor, nanalo rin siya sa Star Awards for Movies ng Philippine Movie Press Club (PMPC) as Best Actress para sa kanyang pagganap sa pelikulang In My Life.

Ang kanya namang asawang si Ralph Recto ay nanalo ulit bilang senador.

Samantala, ang panganay na anak ni Governor Vi, si Luis Manzano, ay nanalo namang Best Talent Search Program Host sa PMPC Star Awards for TV para sa Pilipinas Got Talent.

Maging ang bunsong anak ng Star for All Seasons na si Ryan Christian ay napi-feature din daw sa entertainment columns kahit hindi naman ito artista.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bago magsimula ang pamimigay niya ng regalo sa press ay nagbigay ng maikling pahayag si Governor Vi.

Aniya, "Paano ako naging mayor, governor... hindi ko na alam. More than half of my life, ako po'y artista at ito po ang mundo ko.

"Pero ngayong ako'y napunta sa pagiging public servant, it is also very, very fulfilling.

"Kasi, yun naman po ang trabaho ko, na sa totoo'y walang kamera, pero nakakatulong sa kapwa natin.

"Pero one thing I assure you, dito po sa mundo ko ng show business, kahit po ngayo'y isang public servant na, tandaan ninyo, hindi ko po sisirain ang pangalan natin at ang pangalan ko."

Pagkatapos ng raffle ay pinagkumpulan na ng media si Governor Vi sa maliit na round table para sa interview.

BATANGAS GOVERNOR. Bagamat katatapos lang ng eleksiyon, kung saan nahalal siya sa second term bilang Batangas governor, hindi pa rin naiwasang itanong sa actress-politician kung may balak siyang tumakbo sa mas mataas na posisyon—senator, vice president, o kahit na president—sa 2013 elections.

"Wala," mabilis niyang tugon. "Basta't kung anong meron ngayon, yun lamang po.

"Pinagkatiwalaan tayo ng another three years bilang gobernador, yun lamang po yun.

"I'll just do my best and God will take care of the rest.

"Pero political ambitions, wala po."

Tinanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Governor Vi paano kung alukin siya na tumakbo sa mas mataas na posisyon?

"Wala akong ini-entertain," diin niya.

"Pinagkatiwaalan ako ng Batangueño for another three years, yun lang ang focus ko sa ngayon. Wala nang iba.

"Wala akong pinaplano, wala akong iniisip na magiging senador o presidente. Hindi po.

"Hanggang gusto lang, nandirito ako."

Dagdag niya, "Pero I want to find time for myself also.

"Bata pa ako nagtatrabaho na ako, so gusto ko naman may time ako sa sarili ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ang trabaho ko ay hindi madali.

"Being a public servant is no joke, it is a sacrifice."

Bago naging governor ng Batangas si Ate Vi, nakatatlong termino siya bilang mayor ng Lipa City—mula 1998 hanggang 2007.

NEXT MOVIE. Higit sa kanyang pagiging isang public servant, unang nakilala ang isang Vilma Santos bilang isang artista.

Nagsimula bilang isang child star sa pamamagitan ng Trudis Liit noong 1963, halos limang dekada nang nasa mundo ng showbiz ang Star for All Seasons.

At hanggang ngayon, kahit nasa mundo na siya ng pulitika, hindi pa rin siya nawawalan ng movie offers.

Ang huling pelikula ni Ate Vi ay ang In My Life last year. Nakasama niya rito sina John Lloyd Cruz at ang anak niyang si Luis Manzano. Masasabi ng PEP (Philippine Entertainment Portal) nang walang alinlangan na napakahusay niya sa pelikula.

Ayon sa multi-awarded actress, may offers siyang gumawa ng pelikula, pero hindi ito ang prayoridad niya ngayon.

"Marami pong plano. May mga offers po na indie films, sa Star Cinema," banggit niya.

"But the thing is, sa ngayon, priority ko muna yung pagiging governor ko.

"Pinagkatiwalaan uli ako ng Batangueño to serve them again for three years. So, aayusin ko po muna lahat 'yon.

"Yung pagkukulang ko po in the last three years, 'eto po yung time para i-improve 'yon.

"So, pag everything is smooth, I will make sure na gagawa po ako ulit ng pelikula. Kasi parte na 'yan ng buhay ko.

"I'm very thankful sa lahat ng offers na dumarating, it's just that hindi ko makakaya na sabay-sabay lahat."

Pero anong movie project ang posible niyang unahin?

"Kay Sharon [Cuneta] ang alam kong inaayos," sagot ni Governor Vi.

"Kasi, may kontrata ako talaga sa Star Cinema, e—three movies. Isa dito yung kay Sharon Cuneta nga.

"But I think meron din yatang script si Chito Roño, it's a suspense movie.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"But, these are all plans, nakalatag. Again, ang problema, availability.

Meron din daw offer sa kanya na gumawa ng indie film.

"Yeah, basta maganda lang din yung script," sambit niya.

"But then again, the problem is my time.

"Gusto ko man dahil excited din akong makagawa ng indie, pero yung time ang problema."

Wala bang time frame kung kailan masisimulan ang next movie niya?

"Supposedly, next year gusto nila," sagot ni Ate Vi.

"But ang priority ko muna is Batangas. Pag nakita kong smooth na yung Batangas, yung mga improvement na dapat kong gawin, smooth na at imo-monitor na lang, then I can do one [movie].

"Pero hangga't hindi maayos ang Batangas, hindi ako pupuwedeng gumawa."

Nabanggit din ni Governor Vi na gusto niya ring magkaroon ng show sa ABS-CBN.

"I'm working on doing a TV show also... Hindi special, gusto ko show talaga.

"Pero parang gusto ko, mix—showbiz and then public service at the same time.

"So, ang hinahanap ko ngayon, TV show.

"Pero marami pang pag-uusap 'yan dahil marami pa akong ginagawa sa Batangas. Pero that's only once a week," saad niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN