Jason Francisco denies physically hurting girlfriend Melai Cantiveros

"Sa totoo lang, hindi naman po ako manalo sa kanya kaya imposible po na mabugbog ko siya. At saka kasi, simangutan ko lang siya, siya na ang nambabato ng tsinelas... Hindi naman niya ibabato, parang iaamba lang. Parang ganoon ang style niya. Kasi, malakas po talaga ang personality niya," says Jason Francisco about girlfriend Melai Cantiveros.


Dapat sana ay magkasamang nag-guest sina Jason Francisco at Melai Francsico sa The Buzz noong Linggo, November 28.

Pero si Jason lang ang nakasipot dahil, ayon sa Pinoy Big Brother (PBB) ex-housemate, "Tatlong araw na masama ang pakiramdam ni Isay. Hindi na niya nakayanan ngayon kaya hindi na siya nakapunta."

Si Charlene Gonzales-Muhlach ang nag-interview kay Jason.

Mula nang lumabas sina Jason ay Melai sa PBB house ay kung anu-anong intriga na ang naipukol sa kanila. Isa na rito ang pagiging sobrang selosa raw ni Melai at pagiging babaero naman daw ni Jason.

Hanggang ngayon ba ay yun pa rin ang problema nila?

"Hindi naman po, Ma'am," sagot ni Jason, na tubong-Mindoro.

"Kasi, medyo okay na kami sa ganyan. Naiintindihan na namin ang selos. Naiintindihan ko po dahil siyempre, babae siya."

Hindi ba siya nambababae? Faithful ba siya?

"Opo...talaga naman," mabilis niyang sabi.

BUGBUGAN ISSUE. Minsan ay naikuwento ni Melai na siya ay sinasaktan physically ng kanyang sariling ama noon. Ginawa na lang daw niya itong katatawanan na kapag daw galit siya sa ama, ang tawag niya rito ay "stepfather."

Pero inisip na lang daw ni Melai na dahil daw siguro sa pagmamahal at gusto siyang madisiplina kaya yun nagawa ng ama.

May lumalabas ngayong balita na si Jason naman daw ang "nambubugbog" kay Melai. Lalo na't noong nasa loob pa sila ng Bahay Ni Kuya ay mga insidente na tila nasasaktan ni Jason si Melai.

Kaya diretsahang tinanong ni Charlene si Jason: Gaano katotoo ang balitang binubugbog daw niya si Melai?

"Ay, sobrang napaka-hindi totoo niyan. Sobrang hindi!" mabilis na sagot ng Kokey star.

"Kasi, alam n'yo, malapit na po ang Pasko kaya dapat magmahalan. Bakit tayo magsasakitan?

"At saka, hindi ko yun kayang pagbuhatan ng kamay. At saka, siya nga minsan ang nangungurot sa akin.

"Pero hindi ko siya pinagbubuhatan ng kamay. Hindi ko po gagawin yun at saka, marami pong nanonood, masama po yun."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Gentleman ba siya?

"Opo, at saka nga po rumors, di ba? Ibig sabihin, tsismis. Hindi totoo," diin ni Jason.

MELAI DEFENDS JASON. Hindi man nakarating si Melai sa The Buzz, nakapanayam pa rin siya ni Charlene over the telephone.

Kinamusta muna siya ni Charlene at kung mataas ba ang lagnat niya.

"Okay na po. Kanina po mataas, pero ngayon po, bumaba na siya!" natatawang sabi ng komedyana.

Tinanong din si Melai tungkol sa isyung binubugbog diumano siya ni Jason.

"Bakit naman niya ako bubugbugin? Ako pa ang nagungurot sa kanya," sagot ni Melai.

"At saka, siguro kung binugbog niya ako, matagal ko na siyang binugbog din. Nagbugbugan na kaming dalawa!

"Yun po ang totoo."

WHO'S WHO. Pagkatapos ng bugbugan issue ay tinanong ni Charlene ang magkasintahan ng "light questions."

Sa siyam na buwan nilang relasyon, sino ang mas in love sa isa't isa?

"Ako... ako... siguro parehas naman kami," sagot ni Jason.

"Kaya nga kami magkasama, kasi pareho kaming in love sa isa't isa. Kung hindi na, e, di hindi na.

"Pero ngayon, magkasama pa rin, siyempre in love pa rin kami sa isa't isa."

Sino naman ang mas in love?

"Siyempre ako," sagot ni Melai.

"Babae naman talaga ang lahat-lahat over in love sa guy, di ba po?"

LEADER AND MEMBER. Sa mga away nila, sino ang mas madalas na nasusunod?

"Siya po!" mabilis na sagot ni Jason.

"Sa totoo lang, hindi naman po ako manalo sa kanya kaya imposible po na mabugbog ko siya.

"At saka kasi, simangutan ko lang siya, siya na ang nambabato ng tsinelas... Hindi naman niya ibabato, parang iaamba lang.

"Parang ganoon ang style niya. Kasi, malakas po talaga ang personality niya."

Sabi naman ni Melai, "Ako po ang palaging nasusunod, pero siya ang leader. Ako lang ang member."

Biro naman ni Jason, "Siya raw ang member, ako ang leader. Ano 'to, fraternity?"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Natatawang sagot ni Melai over the phone, "Kasi po, kapag nag-aaway kami, ako ang nasusunod... Pero, meron din siya.

"Madalas siya ang masusunod kapag may sasabihin siyang, 'O, matulog na tayo.' Dapat siya ang masunod dahil kung hindi, mag-aaway na naman kami."

Ayon kay Charlene, sa one year nila sa showbiz, may comment daw si Boy Abunda na mayaman na si Jason. Pero sino ang mas mayaman sa kanila ni Melai?

"Ay, hindi po totoo yun," tanggi ni Jason.

Dagdag niya, "Siguro mas mayaman 'yan [Melai], kasi may sasakyan.

"Okay lang... Pero ako, wala pa po. Nag-iipon pa lang."

Tinanong muli ni Charlene si Jason kung may sasakyan na talaga si Melai.

"Opo, hulugan!" sagot niya, na ikinatawa ng halos lahat sa studio.

Dugtong pa niya, "Pero malapit na po niyang mabayaran."

FIRST CHRISTMAS TOGETHER. Since first time nila magkakasama ngayong darating na Pasko, may plano na ba sila?

Sabi ni Jason, "Siyempre po, gustuhin man naming magsama sa Pasko, unahin muna namin yung pamilya.

"Kasi, kapag Pasko, uuwi kami sa probinsiya namin. Siya sa GenSan, ako sa Mindoro.

"Kasi, sobrang tagal na rin po na hindi ko nakikita pamilya ko at katulad din po niya.

"Siguro pagbalik na lang po, pasyal-pasyal.

"Pero sa Pasko, pamilya muna at maiintindihan naman po namin yun."

EXCHANGE GIFT. Tawanan naman muli ang mga tao sa studio, at maging si Charlene, nang magpalitan ng Christmas gift sina Jason at Melai.

Ayon kay Jason, bago sila maghiwalay sa Pasko saka niya ibibigay ang regalo niya kay Melai—isang SpongeBob wrap-around bath towel.

Paliwanag nito sa ibinigay na gift, "Mahilig po siya sa SpongeBob. Ito po yung tapis. Sa Binangonan, naglalaba siya ro'n. Kaya binili ko siya.

"Sa probinsiya, ganyan ang ginagamit sa paglalaba. Kaya binili ko na lang sa kanya para hindi na siya mahirapan."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Si Charlene naman ang nagbukas ng regalo ni Melai para kay Jason—dalawang Spider-Man tumblers.

Paliwanag naman ni Melai tungkol sa kanyang gift, "Kasi po, paborito niya ang Spider-Man. At saka, mahilig siyang uminom ng tubig kaya tumbler."

CHRISTMAS MESSAGE. Hiningan din ng message ni Charlene sina Jason at Melai para sa isa't isa in the spirit of Christmas.

Jason: "Siyempre, advance Merry Christmas at ang importante ngayon, magpagaling ka muna diyan. Kasi, bukas may taping tayo alas-sais ng umaga. Kaya kailangan, huwag ka munang magdaldal diyan. Uminom ka ng mga gamot na pampalakas para gumaling ka."

Melai: "Over naman ang mga gamot! Baka ma-overdose ako rito. Ang sasabihin ko lang, ikaw, mag-ingat ka diyan sa pag-commute mo dahil wala ka namang sasakyan. Ako, naghuhulugan ako ng sasakyan.

"Ingat ka, and then, huwag ka nang maglakad ngayon kasi bukas may taping tayo. Huwag ka nang maggala. Matulog ka nang maaga para bukas, may strength and courage ka."

Hirit naman ni Charlene kay Jason, wala bang "I love you?"

"Hindi naman... I miss you kasi araw-araw tayong nagkikita. Pero serious, I miss you pa rin kasi, wala siya rito... I love you," sambit ni Jason.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN