Makati City RTC postpones TRO filed by ABS-CBN against TV5's Willing Willie

"Hindi ako nakikipag-away sa ABS [CBN]. Ang maganda nga nito, makagawa ako ng kabutihan para sa aming kapwa. Maraming salamat sa inyo at sana ay tuluy-tuloy tayo na magsama pa. Tayo naman ay naniniwala sa hustisya at sa katotohanan," pahayag ni Willie Revillame kaninang umaga pagkatapos ng hearing sa kaso na isinumite ng ABS-CBN na TRO at writ of injunction laban kay Willie, sa staff ng Wil Productions, at sa TV5 na pinangungunahan ni TV5 President Rey Espinosa.


Mapapanood pa rin ngayong gabi ang variety-game show ng TV5 na Willing Willie.

Ito ang naging resulta ng unang hearing kaninang umaga, Nobyembre 30, sa petition para sa temporary restraining order (TRO) at writ of injunction na isinampa ng ABS-CBN laban sa dati nitong talent na si Willie Revillame, mga staff ng Wil Productions Inc., pati na ang TV5, noong Oktubre 24 sa Makati City Regional Trial Court.

CHRONOLOGY OF EVENTS. Unang nag-file ng petition ang ABS-CBN ng TRO at writ of preliminary injunction laban kay Willie noong Oktubre 4 sa Quezon City Regional Trial Court (QC RTC), bago pa man umere ang bagong show nito sa TV5 na Willing Wille.

Nakasaad sa nasabing petition ang pagbabawal kay Willie na lumabas sa anumang show habang hindi pa natatapos ang kanyang kontrata sa ABS-CBN. (CLICK HERE to read related story.)

Subalit nabigo ang ABS-CBN na pigilan ang pag-ere ng Willing Willie noong Oktubre 23 nang ipagpaliban ng QC RTC sa panguna ni Judge Luisito Cortez ang pagpapalabas ng hinihinging TRO isang araw bago ang pilot show ng programa ni Willie sa TV5. (CLICK HERE to read related story.)

Matapos na ipagpaliban ang paglabas ng TRO ng QC RTC noong Ocotober 8 na hearing, nagsampa uli ang kampo ng ABS-CBN noong October 15 upang mapabilis ang desisyon ni Judge Cortez.

Nabigo ang Kapamilya network na makuha ang TRO mula sa QC RTC sa pangalawang pagkakataon kung kaya't minabuti nilang ihain ito sa Court of Appeals (CA).

Ibinasura naman ng CA ang petisyon ng ABS-CBN sa three-page resolution na isinulat ni Associate Justice Prsicilla Baltazar-Padilla (CLICK HERE to read related story.)

Makalipas ang halos tatlong linggo, muli na namang bumuwelta ang ABS-CBN at nagsampa ng P127-million copyright infringement case laban kay Willie, sa mga staff ng Wil Productions, at sa TV5 noong October 24 sa Makati City Regional Trial Court.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon sa kampo ng ABS-CBN, nagkaroon ng infringement sa dating noontime show ni Willie, ang Wowowee. Marami raw pagkakatulad ang Wowowee at ang Willing Willie.

Hinayag din sa nasabing complaint na bukod sa bagong show at bagong titles ng segments ng Willing Willie ay hindi maitatangging isang "copycat" ng Wowowee.

Binuweltahan naman ni Willie ang nasabing kaso nang nagpa-live interview siya noong Linggo, November 28, sa espesyal na edition ng Aksyon, ang primetime newscast ng TV5.

Sa interview, sinabi ni Willie na hindi niya maintindihan kung bakit hindi siya tinitigilan ng ABS-CBN. Aniya pa, "Kung hindi ma-TRO 'to, hindi ako titigilan ng mga 'yan!" (CLICK HERE here to read related story.)

THE HEARING. Bandang alas-nuwebe kaninang umaga, November 30, dumagsa ang humigit-kumulang isang libong supporters sa harap ng Makati City Trial Court nang datnan ng mga miyembro ng media ang lugar.

May mga dala-dala pang mga maliliit na placards at banner ng kanilang pagsuporta kay Willie.

Ginanap ang hearing sa Branch 66 ng Makati RTC with Hon. Joselito Villarosa as the presiding judge.

Nakapaskil sa labas ng court branch ang court calendar kung saan nakasaad ang kumpletong kaso.

Ito ang nakasaad: "Civil Case No. 10-1055, ABS-CBN Corp. vs Wilfredo Revillame, et. al., Hearing on the Prayer for Temporary Restraining Order and a Writ of Preliminary Injunction."

Kumatawan sa ABS-CBN ang abugado nilang si Atty. Bienvenido Somera. Habang si Atty. Leonard de Vera naman ang kumatawan sa defendants.

Dumating sa korte nang sabay si Willie at ang kanyang co-host sa Willing Willie na si Valenzuela City Councilor Shalani Soledad. Pareho silang nakasuot ng puting polo.

Nagawa pang magbiro ni Willie sa five-minute recess sa hearing. Sinabi niya, "Magpapakasal na kami dito sa judge ni Shalani!"

May mga ninong at ninang na din daw sila sa loob ng korte.

WILLIE SUPPORTERS. Dumating din ang dancers ng Willing Willie na lahat ay nakasuot ng puti na may black na riboon na nakatali sa kanilang braso.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon sa isa sa mga kilalang dancers ng programa na si April "Congrats" Gustilo, ito ang kanilang paraan ng paghingi nila ng hustiya.

"Bakit kayo magpa-file ng case kung nakakatulong kami sa tao? Si Wil ang nag-iisip at saka yung mga writers namin. Sabi nila, wala naman daw kinontribute si Wil sa Wowowee before, which is not true.

"Kasi halos lahat nga contribution niya. Hindi namin ginagaya. Kasi, sino ba yung Wowowee? Di ba, si Wil?

"'Tsaka kung ganito lang din na nakakatulong sa tao, dapat pabayaan na lang nila. Dapat maging masaya na lang sila," sabi ng 19-year-old dancer.

Present din kaninang umaga ang mga masugid na taga-suporta ni Willie—ang dating aktres na si Daisy Romualdez at ang showbiz writer at TV host na si Cristy Fermin.

"Willie, nandito lang ako nagsusuporta sa 'yo. Lakasan mo lang loob mo dahil alam kong tama ka!" pahayag ni Daisy sa isang interview sa labas ng courtroom habang ginaganap ang hearing.

Naroon din ang mga big boss ng TV5 na sina Mr. Rey Espinosa (president), Bobby Barreiro (vice president), at Perci Intalan (vice president for entertainment and production).

"ETO NA NAMAN." Sa isang interview, habang ginaganap ang hearing, naglabas ng saloobin si Intalan tungkol sa kasong kinasasangkutan na naman ng Willing Willie.

Aniya, "Parang 'eto na naman. Kasi, nakaisang buwan na din yung show. Kumbaga, may momentum na siya.

"Etong mga bagay na ito, ine-expect, sort of, nung simula. Nagulat na lang din ako na meron na naman, 'tsaka ibang issue naman ngayon."

Nagbigay din ng komento si Intalan tungkol sa copyright infringement case na isinampa ng ABS-CBN sa Willing Willie.

"Nagulat ako kasi pare-pareho tayong nasa industriya, alam na natin ito, e. Sabi nga nila, walang original ideas. We have original people to think of ways to twist other people's ideas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ganun tayo, aminado tayo dun at yung mga shows natin, may mga shows tayo na kamukha ng sa ibang istasyon. May mga shows din sila na kamukha ng mga shows natin. May mga shows tayong lahat na may kamukha sa Amerika," sabi ni Intalan.

Dagdag pa niya, "Nakakalungkot for everybody involved sa show, kasi kita ko naman, e. I mean, kami sa TV5, lalo na kaming nandito before nag-Willing Willie.

"Nakita namin dumating yung grupo ni Willie, nakilala namin sila nang lubos. Nakilala namin sila before na former Wowowee staff ng ABS-CBN, and then eventually nagkaroon na sila ng idea of their own.

"Of course, dala-dala mo 'yong how people do things from other companies, and then slowly naging magkakapatid na tayo.

"Nakakalungkot nga kasi people have moved on, may mga sarili nang set of fans, nakikilala na din yung show. So, ganun."

AFTER THE HEARING. Nagkaroon naman ng kaguluhan pagkatapos ng hearing at paglabas ng mga tao at personalidad sa loob ng courtroom.

Nakipaggitgitan ang mga marshall sa mga miyembro ng press na gustong kumuha ng pahayag mula kina Willie at Shalani, habang palabas sila ng courtroom.

Sa gitna ng kaguluhan ay nagbigay ng maikling pahayag si Willie nang tanungin kung papapayag ba siyang i-reformat ang Willing Willie.

Aniya, "Kung ano man ang mangyari, basta panalo ang case namin. Kung ire-reformat man, mas maganda, mas maraming matutulungan. "

Tikom naman ang bibig ni Shalani, habang halatang pinoprotektahan ni Willie sa nagtutulakan at naggigitgitang mga tao.

Nagkaroon naman ng pagkakataon ang ibang miyembro ng press na makapanayam ang lawyer ng kampo ni Willie na si Atty. Leonard de Vera at ang TV5 president na si Rey Espinosa.

Ayon kay Atty. De Vera, hindi nararapat na mag-file ng writ of injunction ang ABS-CBN dahil hindi pa napapatunayan kung may basis ang pagsampa ng copyright infringement.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagbigay ng assurance si Atty. De Vera na magpapatuloy pa rin sa pag-ere ang Willing Willie hangga't hindi pa nag-i-issue ng TRO ang korte.

"I don't think mag-i-issue ang court ng any order this week. Dahil bukod sa papakinggan 'yong sides ng ABS-CBN, na sabi nila dadalawa lang ang witnesses nila, may karapatan din kaming mag-issue ng ebidensiya which is to be scheduled yet next week.

"So I don't think there will be any order stopping the show or dismissing the case within this week," saad ni Atty. De Vera.

Bakit sa Makati City RTC nag-file ng reklamo ang ABS-CBN?

"Well, there is no harm for them to keep on trying. So if Quezon City is not good enough, they can try other cities," sagot ni Atty. De Vera.

May plano ba silang mag-file ng counter affidavit?

"We have 15 days to file our answer. Kakatanggap lang namin 'to last week. I am certain that the other lawyers in this case, myself included, will have to talk about the damages.

"Hindi naman puwedeng bubugbugin lang nang bubugbugin kami dito all the time. There ought to be a cost factor for all these troubles they are causing," tugon ng abugado.

Samantala, sinabi ni Mr. Espinosa na "confident" sila na mananalo sila sa kaso.

"HINDI AKO NAKIKIPAG-AWAY." Bago naman umalis at sumakay sa sasakyan na gagamitin sa motorcade ay sinabi ni Willie na, "Hindi ako nakikipag-away sa ABS [CBN]. Ang maganda nga nito, makagawa ako ng kabutihan para sa aming kapwa.

"Maraming salamat sa inyo at sana ay tuluy-tuloy tayo na magsama pa. Tayo naman po ay naniniwala sa hustisya at sa katotohanan."

Sumakay sina Willie at Shalani at nag-motorcade mula Makati City Hall hanggang three blocks away.

Pagkatapos ng motorcade ay namataan sina Willie at Shalani na sumakay sa black Honda Civic ni Shalani.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

CLICK HERE to view more photos.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN