Glaiza de Castro fulfills wish to celebrate Christmas in her new home

"Masasabi ko na mas merry ang Christmas naming pamilya kasi sunud-sunod ang mga biyaya na bigay ni Lord," says Glaiza de Castro.


Excited na ang bida ng top-rating GMA-7 telefantasya na Grazilda na si Glaiza de Castro dahil matutupad ang dream niya na mag-Pasko sila ng kanyang pamilya sa bago nilang bahay.

Sa taping set ng Grazilda sa Sta. Mesa, Manila, noong Biyernes, December 3, ikinuwento ni Glaiza sa PEP (Philippine Entertainment Portal) na marami nang Christmas decorations ang kanilang bagong bahay. Tuwing uuwi nga raw siya ay natutuwa siyang may nakikitang bago sa loob at labas ng kanilang bahay.

"Si Mommy kasi ang punong-abala sa pag-decorate ng house. Wala kasi akong time na tulungan siya dahil almost every day ang taping namin for Grazilda.

"Kapag nakakauwi nga ako, kahit pagod at inaantok ako, nagigising ako kasi nakikita ko yung mga nilalagay na decorations ni Mommy.

"Natutuwa ako, kasi noon, hindi kami makapag-decorate ng gano'n sa dating bahay namin sa Valenzuela.

"Ngayon, kahit na anong decorations, nailalagay na namin kasi babagay na. Kaya kapag pumunta kayo sa bahay, Paskung-Pasko na talaga.

"At yun nga, dream ko na mag-Pasko sa bagong bahay at natupad nga 'yon para sa amin this year," nakangiting lahad ng Kapuso actress.

BLESSINGS THIS YEAR. Tiyak na mas magiging bongga ang Pasko ni Glaiza dahil sobra-sobra ang blessing na dumating sa kanya ngayong taon. Sunud-sunod ang naging shows niya at nabigyan siya ng pagkakataon na maging bida sa Grazilda this year.

"Mas masagana tayo ngayong taon kasi nga, nakailang shows din ako," sambit niya.

"Ginawa ko ang Stairway to Heaven, Diva, Laff En Rol, Party Pilipinas, at itong Grazilda.

"Masasabi ko na mas merry ang Christmas naming pamilya kasi sunud-sunod ang mga biyaya na bigay ni Lord.

"Noon kasi, simple lang talaga ang Pasko namin sa Valenzuela. Kami-kami lang naman, tapos hindi nawawala ang mga luto ni Mommy.

"Kapag may mga naging shows naman ako sa taong 'yon, nakakapag-ipon ako at nakakapagbigay ako para sa Noche Buena at nakakabili ako ng pang-regalo sa family ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Importante kasi ay sama-sama kami sa Pasko.

"Ngayon kasi, mas blessed tayo kaya yung mga inaasam ko noon na ihanda sa Noche Buena ay maihahanda na sa lamesa namin.

"Mas marami na rin akong reregaluhan kasi dumami ang mga inaanak ko.

"Siyempre, yung mga close relatives namin na noon pang sumusuporta sa akin ay hindi ko makakalimutang regaluhan ngayong Pasko."

May naisip na bang bilhin si Glaiza para sa kanyang sarili this Christmas?

"Pinag-iipunan ko pa!" sabay tawa niya.

"Meron akong gustong gift para sa sarili ko. Pero secret na lang kasi pinag-iipunan pa natin.

"Kaya sana nga tuluy-tuloy ang biyaya galing kay Lord para mabili ko yung gift na 'yon para sa akin.

"Medyo may kamahalan, pero matagal ko namang magagamit."

NOT YET HER BOYFRIEND. Pagdating naman sa personal life niya, wala raw siyang maikukuwento dahil naka-focus siya ngayon sa kanyang career. Kaya ang balitang karelasyon na raw niya si Felix Roco ay tsismis lang daw.

"Actually, nagulat ako nang tinatanong na ako regarding si Felix. Boyfriend ko na raw ba kasi may lumabas na balita.

"Natawa lang ako kasi si Felix, matagal ko nang barkada 'yan. Silang dalawa ng kambal niyang si Dominic.

"Matagal na kaming magkakakilala. Kasi barkada nila ang brother ko na si Alchris [Galura].

"Before kasi, noong hindi pa ako sobrang busy, lumalabas kami ng mga 'yan.

"Kasama rin ang ibang friends namin, madalas sa coffee shop kami or kakain kami sa labas. Gano'n lang kami talaga.

"Ngayon kasi, wala nga akong masayadong time kasi halos araw-araw ang taping namin.

"Kaya nagulat ako noong mabalitang nakita raw kami ni Felix na nagde-date. Parang kelan kaya 'yon?

"Kasi matagal na akong hindi nakakasama sa kanila. Puro text lang kami or sa Twitter na lang kami nakakapag-usap.

"Kapag wala akong work, nasa bahay lang ako. Nandoon lang ako sa room ko at nagpapahinga kasi the next day, taping na naman.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kaya friends lang kami talaga ni Felix. Tsaka wala naman akong nararamdaman na gusto niyang manligaw, e.

"Mas okey kung magkaibigan na lang muna kami."

CARLA & GEOFF. Nadamay rin si Glaiza sa naging lovers' quarrel kamakailan ng leading man niya sa Grazilda na si Geoff Eigenmann at ng girlfiend nitong si Carla Abellana. Itinuturo raw siyang dahilan kung bakit nagkakaroon ng problema sa relasyon ng dalawa.

"Bakit naman ako? Parang hindi naman bagay!" natatawang sabi ni Glaiza.

"Natawa lang ako nang sabihing third party ako.

"Naku, kung alam lang nila, si Geoff, panay kuwento niya tungkol kay Carla! Kaya hindi puwedeng maging third party ako.

"'Tsaka nagkakausap kami parati ni Carla. Kaya alam niya na wala akong kinalaman sa anumang pinagdaanan nila.

"Pero okey naman na sila, di ba? Happy ako para sa kanila kasi bagay na bagay sila."

DANIEL MATSUNAGA. Maganda rin naman ang rapport ni Glaiza with Daniel Matsunaga, na gumaganap bilang Kasmir sa Grazilda.

Inunahan na rin ni Glaiza ang mga intrigero't intrigera na walang dapat ipag-alala ang girlfriend ni Daniel na si Heart Evangelista sa kanya.

Kuwento ng young actress, "Kaibigan ko rin si Heart at nagtu-tweet siya sa akin kapag nakakapanood siya ng episode ng Grazilda kunsaan kasama ko si Daniel.

"Walang problema kay Heart at si Daniel. Sobrang in love 'yan kay Heart.

"Kinikilig kaming lahat sa set para sa kanilang dalawa."

GRAZILDA. Ilang weeks na lang at malapit na ring matapos ang Grazilda.

Sobra ang pasasalamat ni Glaiza sa mga tumututok sa kanilang show at marami pa raw silang mga malalaking eksena na inihanda para sa ikatutuwa ng mga tagasubaybay nila.

"Marami pang magaganap sa Grazilda at tuloy ang matinding laban niya [Grazilda] kay Fabiola [Sheryl Cruz], Cindy [Yasmien Kurdi], at Veronne [Cherie Gil].

"Marami pang pagsubok na pagdadaanan ni Grazilda kaya sana ay nandiyan pa rin sila para masaksihan ito hanggang sa katapusan," sabi ni Glaiza.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN