Barbie Forteza likes the bond that she has developed with the cast of Tween Hearts

"Wala pong inggitan, walang selosan. Kahit may bago po, wala lang din, parang dati na po siyang cast. Madali pong mabuo yung bonding naming lahat," says Barbie Forteza about the cast of Tween Hearts.


Ang buong akala ni Barbie Forteza at ng buong cast ng Tween Hearts ay hanggang eight weeks lang magtatagal ang kanilang youth-oriented program sa GMA-7. Pero hindi raw nila akalain na mae-extend ito, at posibleng umabot hanggang April 2011 ang kanilang programa.

"Masaya at saka sobrang nagpapasalamat kami sa GMA at sa lahat ng fans namin.

"Kasi kung hindi dahil sa kanila, hindi magri-rate ang show namin at hindi kami mae-extend.

"At saka, mas masaya, kasi ngayon, mas nagiging close kami. Ngayon, parang mas gusto mo nang mag-taping kesa sa bahay," sabi ni Barbie.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Barbie sa taping ng Tween Hearts sa Fairview, Quezon City.

Bago ang Tween Hearts ay napanood si Barbie at ang ka-love team niyang si Joshua Dionisio sa primetime series na Pilyang Kerubin.

Nami-miss na ba niya na magkaroon ng primetime show?

"Okay lang naman po," sagot ni Barbie.

"Masaya rin naman po kapag may primetime kasi araw-araw po kaming magkakasama.

"Pero, kung kami po ang papipiliin, siguro po mas maganda na yung ganito para may pahinga at saka may break ng konti."

Ayon kay Barbie, kung may nagugustuhan man siya sa Tween Hearts ay ang nabuong bonding ng cast sa set.

"Wala pong inggitan, walang selosan.

"Kahit may bago po, wala lang din, parang dati na po siyang cast.

"Madali pong mabuo yung bonding naming lahat.

"At saka po kapag nanonood po ako ng Tween Hearts, natatawa po ako. Kahit po yung iyakan na scene, natatawa po ako!" natatawa rin niyang kuwento.


CHRISTMAS PLANS. This Christmas, ano ang balak niyang gawin?

"Siguro po, mas maganda po na sa bahay na lang," sagot ni Barbie. "Kasi, kung lalabas po, ang dami rin tao. So, mas maganda rin po na sa bahay na lang, magpahinga."

Wala ba silang plano ni Joshua na lumabas na magkakasama?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Baka po hindi. Kasi kami po sa Laguna, sila Joshua naman po, sa Bulacan.

"Parang North at saka South. Baka po before, pero sa Christmas po, baka hindi."

Any Christmas wish?

"Sana po, hindi lang sa marami akong gustong gawin, pero gusto ko po talagang makagawa ng horror movie."

Noong hindi pa siya nag-aartista, paano niya isine-celebrate ang Christmas?

"Tulad pa rin po dati, kapag tanghalian, doon kami sa bahay namin, kasama namin ang mga kamag-anak namin sa mother side ko.

"Kapag hapunan naman po, sa kamag-anak naman po ng tatay ko. Sa Christmas eve po, nagha-hamon kami.

"Pero last year, hindi na talaga namin hinintay ang Christmas dahil talagang inaantok na po kami. Basta bumati na lang kami.

"Noong Christmas na, nag-rent kami ng karaoke.

"Noong Bagong Taon naman, naglagay kami ng P1,000, P5,000... Halos every year naman po, ganoon po ang ginagawa namin."

Ano ang kaibahan ng Pasko niya ngayong mas kilala na siya?

"Wala naman pong masyado," sabi ni Barbie.

"Siguro, mas madalang na lang or kunwari... Siguro, mas konti na lang ang matatanggap kong regalo.

"Alam n'yo na!" natatawa niyang sabi.

"Pero siguro, mas magiging masaya ako kasi na-miss namin ang isa't isa, kami ng mga pinsan ko, dahil minsan na lang kami nagkikita-kita."

Naging maganda ang 2010 para sa kanila ni Joshua. Ano naman ang ine-expect niya ngayong 2011?

"Sana po magkaroon ako ng movie, kaming dalawa. At saka sana rin po, makasama naming muli si Direk Andoy Ranay next year," asam ni Barbie.

Si Andoy Ranay ang direktor nina Barbie at Joshua sa Pilyang Kerubin.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN