Alex Gonzaga took four hours to get the right emotion during her acting workshop with Gina Alajar

"Piniga talaga ako ni Miss Gina. Yung dapat na one hour lang, umabot kami ng four hours! Nahiya ako kasi baka ang lakad siya, hindi na niya napuntahan dahil sa akin!" says Alex Gonzaga about her workshop with director Gina Alajar.


Inamin ni Alex Gonzaga na nahirapan siya sa acting workshop niya sa ilalim ng award-winning actress at TV director na si Gina Alajar. Yung isang oras kasi na acting exercise nila ay inabot ng apat na oras dahil hindi raw niya maramdaman at magawa ang damdamin na gustong makita ni Direk Gina.

Kuwento ni Alex sa PEP (Philippine Entertainment Portal), sa naturang acting exercise para sa kanyang pagganap bilang bida sa drama series ng TV5 na Babaeng Hampaslupa ay kailangang maglabas siya ng masakit na emosyon na manggagaling sa kanyang mga malulungkot na karanasan sa buhay.

Ang role niya kasi bilang si Grace sa naturang drama series ay daraan sa iba't ibang pagsubok sa buhay. Kaya kailangan handa si Alex na makapagbigay ng iba't ibang klaseng emosyon, lalo na ang emosyon ng kalungkutan at kawalan ng pag-asa.

"Ang naging problema ko nga, wala akong maisip na talagang malungkot na parte ng buhay ko. Promise, kaya wala akong mailabas na emosyon kasi masayahin akong tao talaga, e," sabi ni Alex.

Hiyang-hiya na raw siya kay Gina dahil ilang oras na raw silang nag-uusap at nagkukuwentuhan, pero wala pa rin daw siyang mailabas sa hinihingi nito.

"Lahat na yata naungkat na namin!" tawa ni Alex.

"As in tinanong ako ni Miss Gina kung pinapagalitan ba ako ng mommy at daddy ko. Sabi ko naman, 'Oo napapagalitan ako, pero hindi naman yung maiiyak ako'. Napagsasabihan lang naman ako kasi makulit ako.

"Tinanong din ako kung nag-aaway ba kami ni Ate [Toni Gonzaga]. Ano raw ba ang nararamdaman ko kapag hindi nagkakasundo ni Ate?

"Kami naman kasi ni Ate, bihira kaming mag-away. Magkasundo kasi kaming dalawa. Wala akong maisip din na instance na nagkatampuhan kami. Lagi lang kaming masayang magkapatid.

"Umabot na kami sa mga friends ko... Kung may nakasamaan ba ako ng loob? May kagalit ba ako?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sa totoo lang, wala akong kagalit, e. Para sa akin, lahat kaibigan ko. 'Tsaka kung may taong galit sa akin, hindi ko alam kasi lahat naman binabati ko. I would not know kung galit ba ito sa akin or hindi. Basta ako, bumabati at genuine ang pagbati ko talaga.

"And never akong nagtanim ng sama ng loob to anybody. Kung may nakatampuhan man ako, the next day wala na 'yon. Okey na kami kaagad. Kaya walang rason para malungkot ako, e."

FINALLY! Natawa na lang daw si Alex nang sabihin ni Gina na magtatagal talaga sila sa exercise na 'yon hangga't hindi nito nakukuha ang hinihingi niyang emosyon.

"Piniga talaga ako ni Miss Gina. Yung dapat na one hour lang, umabot kami ng four hours! Nahiya ako kasi baka ang lakad siya, hindi na niya napuntahan dahil sa akin!" tawa niya.

"Pero nagbigay na lang ng sitwasyon si Miss Gina sa akin na nakatulong talaga. It's something na ayaw na ayaw kong mangyari, pero hindi malayong mangyari. Kumbaga, hindi ko mapipigilan 'yon.

"Doon ako na-break ni Miss Gina. Tapos, nagpatugtog pa siya ng music sa background at doon na talaga ako umiyak. As in, tuluy-tuloy! Something na hindi ko alam na magagawa ko.

"Sabi nga ni Miss Gina, hindi nga siya titigil hangga't hindi ko nagagawa ang exercise. May paraan ang lahat para magawa ko 'yon. Ngayon, alam ko na ang magiging motivation ko kapag sinabi ng director namin na umiyak ako nang todo.

"I'd like to thank Miss Gina sa pagtitiyaga niya sa akin. Akala nga niya walang pag-asa, pero meron pa rin pala siyang mahuhugot sa akin," mahabang pahayag ni Alex.

GIVING UP ONE SHOW. Dahil kailangan mag-concentrate si Alex sa kanyang pagbida sa Babaeng Hampaslupa, nagpaalam muna siya sa isang show niya sa TV5.

"Nag-goodbye muna ako sa Lokomoko U, pero meron pa rin akong Juicy at P.O.5. Yung BFGF kasi tapos na kaya lumuwag ang workload ko. Three times a week kasi ang taping ko for Babaeng Hampaslupa at location kami parati.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ni-request ko talaga na huwag akong alisin sa Juicy kasi yun ang nagiging break ko from taping Babaeng Hampaslupa. Sa Juicy kasi, puwede akong magluka-lukahan. Yung masaya lang. I can be my wacky self sa show na 'yon.

"'Tsaka I've been hosting Juicy since 2008 noong magsimula siya. Kaya love ko ang show na 'yon. Sabi ko nga, kapag inalis ako sa Juicy, magdyu-Juicy akong mag-isa! Talagang maghu-host ako ng ako lang mag-isa!" tawa ni Alex.

ATE TONI. Dahil sa hectic work schedule ni Alex, bihira na raw silang magkausap ng kanyang Ate Toni. Kapag nagkikita raw sila sa bahay nila, mabilisan lang daw dahil parati rin daw nagmamadali si Toni dahil na rin sa mga trabaho nito.

"Kung hindi ako ang aalis, si Ate naman ang umaalis. Hindi na kami nagkaroon ng time na sabay kaming walang work. Pero we always communicate naman. Text, Twitter, or chat sa Internet na lang ang nangyayari.

"Siyempre, nami-miss ko si Ate. Kaming dalawa pa naman, kapag nagkasama kami, tawanan, chikahan, at asaran kami. Nami-miss ko nga 'yong mga times na 'yon kaya minsan malungkot sa bahay lalo na kapag pareho kaming wala.

"Kaya nga noong may nagtanong sa akin kung bakit hindi pa ako kumuha ng condo unit ko sa Quezon City para malapit ako sa studio or sa mga location ng tapings... sa Taytay, Rizal pa kasi ang house namin. Sabi ko naman, iilan na nga lang kami sa bahay, tapos aalis pa ako, e, di wala nang nakausap sina Mommy at Daddy?

"Kaya kahit malayo ang house namin, I don't mind kasi that's my home at doon na ako lumaki talaga. 'Tsaka buo kaming pamilya na nandoon parati at happy kami sa house namin. I can't see myself living in another place. Uuwi't uuwi ako sa Taytay pa rin."

Isa sa nami-miss ni Alex sa kanyang Ate Toni ay ang mga pangaral nito sa kanya. Tulad na lang sa pagiging gastadora niya. Tinuturuan siya ni Toni na magtipid dahil hindi raw habambuhay ay malakas siyang kumita sa showbiz.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Naku, guilty ako diyan! Aminado ako na gastadora ako. Super! Kaya si Ate, naloloka sa akin. Nagugulat na lang siya na may bago na naman akong bag, sapatos, damit. Sinasabi ko naman na discounted naman yung iba kaya mura kong nakuha!" tawa niya.

"Pero gusto ko na talagang magbago. Sakit na raw kasi yung sobrang paggastos, e. Kaya pinipigil ko na ang sarili ko na mamili nang mamili. Kailangan ko na ngang mag-ipon habang bata ako at habang nandiyan ang mga shows ko.

"Si Ate kasi, practical shopper siya. Bibili lang 'yan kapag kailangan niya. Marami naman kasi siyang sponsors kaya hindi siya gumagastos sa mga damit at sapatos. Nag-i-invest siya sa mga alahas and properties. Yun ang itinuturo niya sa akin ngayon na dapat ko lang sundin talaga."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN