Angel Locsin appreciates Imortal co-star John Lloyd Cruz's devotion to his family

"Kaya mas naging exciting yung samahan namin, kasi parang, 'Ano ba yung bago kong makikita ke John Lloyd? Ano ba yung bago kong matututunan sa kanya?' Sa ngayon, I'm happy na meron pa rin konting mystery para mas exciting," says Angel Locsin about Imortal leading man John Lloyd Cruz.


Dahil sa mataas na rating ng primetime series na Imortal, na pinagbibidahan nina Angel Locsin at John Lloyd Cruz, nagdesisyon ang ABS-CBN management na magkaroon ito ng second season.

Siyempre pa, masaya si Angel na nagkaroon ng panibagong yugto ang kanilang show ni John Lloyd.

"Siyempre, we're very proud and happy. Hindi naman namin akalain na kakagatin ng tao. Natatakot kami nung umpisa kasi vampires, warewolves, tapos naku-compare kami sa Twilight, na alam naman natin na sobrang patok na patok, di ba?

"And ngayon, masaya kami na ang Imortal ay nagkaroon ng sariling identity. Nagpapasalamat kami sa lahat ng tumatangkilik nito. Kung hindi sa kanila, hindi po magiging successful ang Imortal," pahayag ni Angel.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Angel sa presscon ng second season ng Imortal kahapon, February 2, sa Dolphy Theater ng ABS-CBN.

Parehong naghahanda sina Angel at John Lloyd sa kanilang mas malulupit na fight scenes para sa Season 2 ng Imortal.

Sabi ng aktres, "Siyempre, araw-araw kami naghahanda. Ayaw namin mapahiya sa mga tumututok sa Imortal gabi-gabi. Mula sa mga dialogues hanggang sa mga palaban na eksena, pinaghahandaan talaga namin 'yan."

Ano sa tingin ni Angel ang dahilan kaya tinatangkilik ng mga manonood ang Imortal?

"For me, hindi namin kakayanin ni Lloydie na kaming dalawa lang. Nagsimula 'yan siyempre sa mga kapitan namin, yun pong mga magagaling naming directors, sa lahat ng mga artista, sa crew. I'm very proud talaga na 'eto yung team namin. Iba talaga yung Team Imortal.

"Sa ganda rin po kasi ng pagkakalikha ng istorya ng Imortal, ako, I'm expecting talaga na aabot siya ng second season. And we're very happy na 'eto, isasarado na namin yung isang season, tapos papasok na yung ikalawa.

"Ang new season po namin ay tungkol sa kung paano mo kakalabanin ang mahal na mahal mo. Paano kung ang taong mahal na mahal mo ay mortal mong kaaway?"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

MOVIE TEAM-UP. Dahil tagumpay ang unang pagtatambal sa telebisyon nina Angel at John Lloyd, maraming nagtatanong kung posible bang sa pelikula ay magtambal din sila.

"Well, kung may mga nagre-request, masaya," sabi ng aktres. "Siguro nakita nila na may chemisty kami ni Lloydie sa Imortal.

"Siyempre natutuwa ako, kasi siyempre si Lloydie, ang dami nang pinanggalingang leading ladies. Ako, hindi ko naman talaga naisip na matawag ako na isa sa leading ladies niya.

"Sana magkaroon nga ng chance na gumawa rin kami ng movie together, yung feel-good movie lang."

First time ni Angel na nakatrabaho si John Lloyd. Ano ang mga nadiskubre niyang magagandang katangian nito?

"Alam naman nating lahat kung gaano kahusay na artista si Lloydie at kung gaano siya ka-professional. Pero ako, ang mas hinangaan ko talaga sa kanya ay kung paano siya sa pamilya niya.

"Like minsan... kasi nagkakausap kami ng mom niya, nung mga kasama niya, sa taping. Ikinukuwento nila sa akin kung papaano si Lloydie sa bahay, na siya raw, as much as possible, hindi siya nagpapa-serve. Kunwari andiyan yung pagkain, siya pa yung magsi-serve sa mommy niya, sa daddy niya, sa family niya. Hindi siya dumidepende sa mga kasama nila sa bahay.

"Sa observation ko, parang lahat ng nire-request ng family niya, ibinibigay niya. Like sa mga material na bagay, vacation, yung oras niya, kung kakayanin talaga. Yun ang na-appreciate ko sa kanya.

"Kasi sa trabaho namin, bihira yung ganoon ka-close sa family. Yung gagawin mo talaga yung lahat para sa pamilya mo."

Masasabi ba niya na super-close na sila ngayon ni John Lloyd?

"Well, marami pa kaming dapat kilalanin sa ugali ng isa't isa," sagot ni Angel.

"Kaya mas naging exciting yung samahan namin, kasi parang, 'Ano ba yung bago kong makikita ke John Lloyd? Ano ba yung bago kong matututunan sa kanya?'

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sa ngayon, I'm happy na meron pa rin konting mystery para mas exciting."

MAALAALA MO KAYA. After Imortal, ano ang susunod niyang project sa ABS-CBN?

"May gagawin ako para sa anniversary ng Maalaala Mo Kaya. I'm very excited sa makakasama ko kasi matagal ko na siyang gustong makatrabaho. Wala pang chance na magkasama kami talaga, ngayon pa lang.

"Hindi ko alam kung allowed akong sabihin kung sino siya. Basta malalaman ninyo na lang kung sino siya. Abangan ninyo na lang," sabi ni Angel.

OYO-KRISTINE WEDDING. Ikinasal noong January 11 ang ex-boyfriend ni Angel na si Oyo Sotto kay Kristine Hermosa sa Batangas. Inimbita ba siya ni Oyo sa kasal nito?

"Hindi pa lumalabas yung balita na ikakasal sila ni Kristine, nag-usap na kami [ni Oyo]. Basta nag-usap kami, ganoon, ganoon. Ang awkward naman kasi talaga, di ba, na nandudun yung ex mo sa kasal mo?

"I'm very happy for Oyo kasi nahanap niya na yung gusto niyang makasama sa buhay forever. Iba talaga yung pagmamahalan nila. I'm happy for them.

"Sabi ko nga kay Oyo, napag-iiwanan na ako," saad ni Angel.

Biro naman kay Angel, kailan naman sila pakakasal ng bokalista ng Parokya Ni Edgar na si Chito Miranda, ang sinasabing boyfriend niya ngayon?

"Bakit naman kami magpapakasal, e, tropa ko lang siya?" mabilis na sabi ni Angel.

"Sa ngayon po, wala talaga akong boyfriend. Pero hindi naman ibig sabihin na pag loveless ka, lonely ka, di ba?"


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN