Ogie Alcasid's OPM group gains support from Congress; and he's flattered by Regine's new screen name

Ogie Alcasid and the Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit (OPM) joined forces with Congressman Freddie Tiñga in launching a nationwide campaign designed to revive the interest of young Filipinos in local music through education.


Maagang dumating ang singer-songwriter na si Ogie Alcasid sa press conference na ipinatawag ngayong araw, February 3, para ianunsiyo ang paglulunsad ng KLIK o Kulturang Lahi Inuuna Ko.

Ginanap ang presscon kaninang tanghali sa Max's restaurant sa Scout Tuazon, Quezon City.

Ang KLIK ay isang programa na magkatuwang na itinaguyod ni Taguig 2nd District Representative Freddie R. Tiñga at ng Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit (OPM).

Layunin ng KLIK na isulong ang pagpapalaganap ng musikang Pilipino sa hanay ng mga estudyante. Ito'y sa pamamagitan ng reporma sa music curriculum na kasalukuyang umiiral sa mga pampublikong paaralan.

Ang tanyag na kompositor na si Ryan Cayabyab ang siyang naatasan na bumuo ng revised curriculum. Nakaloob dito ang subjects na Music Appreciation, Music History, Notation, Songwriting, at marami pang iba.

Umaasa ang grupo nina Ogie na sa pamamagitan nito ay magkakaroon ng malalim na pagpapahalaga at kaalaman ang mga kabataan sa kasaysayan at pinagmulan ng musikang Pilipino. Makatutulong ang curriculum para tangkilikin nila ang mga awitin at komposisyon na sariling atin.

"Natutuwa ako kay Congressman Fred Tiñga at sa lahat ng mga congressman who are taking a pro-active stance in introducing, you know, studying OPM, studying Philippine music for the youth. Para naman maibalik natin ang pagmamahal sa kultura natin. Nakakatuwa, and this is just the start," masayang bungad ni Ogie nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at ng iba pang entertainment reporters.

LONG BATTLE AHEAD. Aminado si Ogie na isa lamang ang kakulangan ng edukasyon sa maraming problema na kinakaharap ng industriya ng musikang Pilipino.

During the presscon ay napag-alaman din ng media ang House Bill na ipinasa ni Congressman Tiñga sa Kongreso na naglalayong babaan ang mga ipinapataw na buwis sa entertainment industry at sa mga bumubuo dito, katulad ng producers, singers, musicians, at composers.

Bukod daw kasi sa hindi na kumikita ang mga ito, dahil na rin sa epekto ng piracy at Internet, ay lalo pa silang nahihirapan dahil sa malaking halaga ng buwis na sinisingil sa kanila ng gobyerno.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Natuwa naman siyempre si Ogie sa isinusulong na batas sa Kongreso ngunit inamin din niya na mahabang usapin at proseso ang pagdadaanan nito bago tuluyang maipanukala.

"'Yong ating pagbaba ng local amusement tax, that's really a long battle. Marami pang debate diyan and it's really a long battle," seryosong pahayag ni Ogie.

Nilinaw rin ni Ogie na hindi tinututulan ng OPM ang pagdating sa bansa ng foreign performers, lalo na tuwing sasapit ang "concert season" o ang buwan ng Pebrero.

Noong nakaraang buwan kasi ay nanawagan ang singer na si Kuh Ledesma na kung maaari ay limitahan ang pagpasok sa Pilipinas ng mga banyagang artista. Aniya, naaapektuhan ang kita ng mga Pilipinong mang-aawit dahil sa mahigpit na kumpetisyon.

"Uulitin ko, kami po sa OPM, we are not against foreign musicians coming over here. In fact, we learn from them and it's good for tourism," paglilinaw ni Ogie.

"Pero ang sa amin, nagkaroon ng ganitong programa para it's proactive. Aminin natin na talagang kulang ang bagong materyal at kulang ang bagong compositions. So let's start from the grassroots. Ibalik natin sa kabataan pati 'yong interes sa paggawa ng OPM [original Pilipino music]."

Hindi raw kasama ang paghihigpit sa foreign artists sa batas na inihain ni Congressman Tiñga sa Kongreso, dagdag ni Ogie.

"The regulation of foreign acts was a suggestion by Ms. Kuh Ledesma. Kami sa OPM, we are not for that. She opened up the topic during the dialogue but hindi namin na-discuss and we understand the sentiments of Ms. Kuh. But it's really a long shot.

"'Tsaka kailangan nating respetuhin 'yong consumers natin, 'yong mga concert goers natin, na meron silang choice. Kung gusto nilang manood ng foreign, kung gusto nilang manood ng Janet Jackson, ganun—that we have to respect."

APPOINTED CONVENOR. Kinailangan ni Ogie na umalis nang maaga sa presscon upang bumiyahe papunta naman sa Malacañang Palace para sa kanyang oathtaking bilang Convenor for the EDSA People Power Commission.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kasama sa trabaho ni Ogie ang pag-aayos ng mga gagawing programa ng gobyerno bilang paggunita sa makasaysayang People Power Revolution na naganap noong February 22-25, 1986.

Naging simbolo ng People Power Revolution ang namayapang pangulo na si Corazon "Cory" Aquino matapos niyang maibalik ang demokrasiya sa Pilipinas pagkalipas ng 14-year Martial Law ni Ferdinand Marcos.

"Our job, first of all, is to organize the festivities on February 25, and it doesn't just stop there. Kailangan po gumawa kami ng mga programa within six years, I suppose, para maibalik natin sa kabataan ang diwa ng EDSA [Revolution].

"Kasi siyempre, 25 years ago, ang kabataan natin, hindi naman nila alam kung ano ang nangyari sa EDSA. Hindi nila alam kung ano ba ang EDSA [Revolution]. So, trabaho namin through music and entertainment na ibalik ang diwa ng EDSA," sabi ni Ogie.

May suweldo ba siya bilang isang convenor?

"As of now, I don't know. I don't know kung may suweldo kami. At kung meron man, sasabihin ko sa inyo kung magkano! E, siyempre, 'yan ay pera ng taong-bayan, dapat lang na sabihin natin.

"Sasabihin ko sa inyo kung magkano ang suweldo ko. But when I was asked, hindi ko naman tinanong."

REGINE'S NEW NAME. Flattered naman si Ogie sa naging desisyon ng kanyang asawa na si Regine Velasquez na idagdag ang apelyidong Alcasid sa billing ng bago nitong primetime series na pinamagatang I ♥ You Pare.

"Actually, nalaman ko lang 'yan nung nakita ko 'yong tarpaulin. 'Aba! Regine Velasquez-Alcasid ka na pala! Ang suwerte mo, ha!'" pabirong paglalarawan ni Ogie sa kanyang reaksiyon.

"But I was touched by that gesture. I didn't know that. Alam ko kasi maraming mga artista, di ba, pag nag-asawa sila, ginagamit pa rin nila 'yong kanilang stage name?

"Well, desisyon ng honey ko 'yon and 'yon ang gusto niya. Pero I'm touched."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

This coming Valentine's Day ay may pupuntahang benefit show para sa isang kaibigang may sakit sina Ogie at Regine sa Music Museum.

Malamang daw ay 'yon na rin ang magsilbing date nila as husband and wife para sa espesyal na okasyon.

Kitang-kita sa aura ngayon ni Ogie na masaya siya sa kanyang buhay may-asawa at hindi naman niya itinanggi na mas inspirado siya ngayong magtrabaho, lalo pa't alam niya na laging nakaalalay sa kanya si Regine.

"Alam ninyo, kung tatanungin ninyo ako kung may pagkakaiba ba? Malaki! Iba ang pakiramdam ng may basbas ng Panginoon at pangalawa, may estado kayo bilang mag-asawa. So, iba talaga," nakangiting sabi ni Ogie.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN