Witness accounts confirm ex-AFP Chief Angelo Reyes's alleged suicide

Nakaburol ang mga labi ng dating AFP Chief na si Angelo Reyes sa Ascension Chapel sa Arlington Funeral Homes, Quezon City.


Ilang witnesses na ang na-interview ng media na nagkumpirma sa pagsu-suicide umano ni dating AFP chief of staff at dating Defense secretary na si Angelo Reyes.



Sa panayam sa isang hindi kilalang kagawad sa Marikina sa dzBB, sinabi nito na napanood niya kung paano bumagsak sa lupa ang dating sundalo.



Kuwento nito, bandang 7:00 AM nang dumating sa Loyola Memorial Park sa Marikina ang pamilya ni Reyes para bisitahin ang puntod ng mga magulang nito. Nauna umano niyang pinaalis sa puntod ang kanyang pamilya at mga bodyguard bago nito binaril ang kanyang sarili sa dibdib.



"Nauna ang anak niya, pinauna sa sasakyan, naghintay siya doon, pati bodyguard pinalayo. Maya-maya may narinig silang putok. Nakita nila si Secretary unti-unti bumagsak sa damo," lahad ng saksi.



Ayon naman kay Feliciano Recorba, isang maintenance supervisor sa Loyola, nakita niya kung paano binaril ni Reyes ang kanyang sarili.



Sa panayam nito sa GMA-7 News, sinabi ni Recorba na matapos umalis ang mga kasama ni Reyes sa puntod ay bumunot umano ng baril ang retired na heneral at nagbaril sa kaliwang bahagi ng kanyang katawan.



"Kitang-kita kong nagbaril siya sa kanyang sarili dahil mga 20 hakbang lang ang layo ko sa kanya," saad ni Recorba.



Dead on arrival na nang isugod sa Quirino Memorial Medical Center si Reyes. Ayon naman sa report ng Aksyon sa TV5, sa Ascension Chapel ng Arlington Funeral Homes sa Quezon City ang burol ng dating heneral at kalihim.

Ayon pa sa Aksyon, malapit umano sa ina si Reyes at madalas nitong bisitahin ang puntod ng mga magulang.



Bago bawiin ng buhay ay naharap sa matinding eskandalo ng korupsyon sa AFP si Reyes.



Siya ang dating AFP Chief sa panunungkulan ng dating Presidente Joseph "Erap" Estrada. Naging kontrobersiyal ang pangalan nito ng talikuran niya si Erap, na isa sa mga naging dahilan sa pagkaalis nito sa puwesto.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



Matapos ang career niya sa sandatahang-lakas ay in-appoint siya ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang Secretary of National Defense (2001-2003), Secretary of Environment and Natural Resources (2006-2007) at Secretary of Energy (2007-2010).

Iniwan ni Reyes ang asawang si Teresita at ang mga anak na sina Pablo, Angelito, Marc, Carlo, at Judd.

'WALA NA ITO, PARE.' Sa report na inilathala ng Newsbreak ngayong hapon, isiniwalat dito na "depressed" si Reyes ilang araw bago ang kanyang pagkamatay.



Ilang ulit umanong ipinarating ni Reyes sa kaibigan niyang dati ring sundalo, si retired Navy Commodore Rex Robles, ang mga katagang, "Wala na ito, pare."



Naging ganito umano ang mood ni Reyes matapos ang testimonya ni retired Lt. Col. George Rabusa sa Senado ukol sa malaking pabaong pera na tinanggap umano ni Reyes pagbaba sa AFP.



Ayon pa sa Newsbreak, nag-alala umano ang dating heneral na madamay ang kanyang pamilya kung magpapatuloy ang imbestigasyon sa mga nasabing anomalya.



Sa ngayon ay napagdesisyunan ng Senado na i-postpone muna ang hearing in aid of legislation tungkol sa isyung ito.



Samantala, nagpahayag na ng pakikiramay ang ilan sa mga opisyal na gobyernong may kaugnay kay Reyes.



Ayon kay dating Pangulong Joseph Estrada, aalalahanin niya si Reyes bilang isang mabuting heneral.



"I extend my deepest condolences to the family of Gen. Angelo Reyes. In spite of what happened at EDSA Dos, I will always remember him as a good general," saad ni Estrada sa isang statement.



Tinawag namang "makabayan" ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang namatay na dati niyang opisyal.



"He served the country well in uniform and in the halls of government, particularly in a critical moment in our history when our people called for radical reform of governance," saad ni Arroyo sa isang statement.



Samantala, malungkot naman si Pangulong Noynoy Aquino kahit na kaarawan niya ngayong araw.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



"Nagulat po tayo nung malaman ang balita kanina. Hindi lang sa medyo [na-dampen] siguro talagang [na-dampen ang araw ko]," saad ni Aquino sa GMA-7 News.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN