Soxie Topacio directs first Melason movie titled Pureza

Soxie Topacio says that he did not think Ded na si Lolo would be a critical success."Lahat ay naghihintay ng sequel. Ayoko pa gawin. Kasi ang hirap i-top yung Ded na si Lolo. Actually, biro lang yung nilagay naming yung forty days sa dulo ng pelikula. Kaya ngayon, lahat ng tao nagtatanong kung kailan naman ang '40 Days'?"


Sa unang pagkakataon, gagawa si Soxie Topacio ng isang pelikula para sa Star Cinema.

Nangyari ito pagkatapos ng tagumpay sa takilya ng huli niyang pelikula, Ded Na Si Lolo, na iprinodyus ng APT Films ni Tony Tuviera.

Naging matagumpay sa mga kritiko at kumita rin sa takilya ang pelikula niya starring Roderick Paulate, Gina Alajar, and Elizabeth Oropesa.

Kaya sa pagpasok ng 2011, napili si Direk Soxie para magdirek ng isa sa mga patok na love team ng ABS-CBN—sina Melai Cantiveros at Jason Francisco, o mas tanyag sa bansag na "Melason."

Ang title ng pelikula ay Pureza.

Unang pagkakataon din ito na mahahawakan ng direktor sina Melai at Jason. Sa katunayan, hindi niya raw kilala ang dalawang Pinoy Big Brother Double Up Edition housemates bago niya tinanggap ang proyektong ito.

"In fact, pinadalhan ako ng mga DVD nila ng PBB at yung mga shows nilang iba. During that time, nasa Singko ako. Kakagaling ko lang din sa Siyete before that," sabi ni Direk Soxie, pagtukoy sa TV networks na TV5 at GMA-7.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Direk Soxie kamakailan during a lunch break sa set ng Pureza sa Manila na malapit sa riles.

Ayon pa sa direktor, kinausap daw siya ng isa sa mga taga-Star Cinema dahil may bagong tayong unit ang film outfit ng ABS-CBN at siya nga ang nakursunudahang magdirek ng first Melason movie.

Bukod pa doon, nakita niya na si Gina Marissa Tagasa ang nagsulat ng script. Si Gina ay anak ng komedyanteng si Mely Tagasa na matalik na kaibigan ni Direk Soxie.

Pinaka-naalala ni Direk Soxie ang unang pagkakataon na na-meet niya sina Melai at Jason.

"Luka-luka pala sila! E, luka-luka kasi yung script when I read it. Si Gina Tagasa ang nagsulat. Naloka ako sa script. Tawa kasi kami nang tawa!" kuwento ng actor-director.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Aniya pa, "Gusto ko lang din masaya lang naman. Ayoko ng masyadong drama. I think right now, the audience has so many problems. Ayaw na nilang umiyak kasi ang dami na din sa gabi. Yung mga teleserye, e, walang ginawa kundi magpatayan at mag-iyakan."

ONSCREEN & OFF-SCREEN MELASON. Ayon kay Direk Soxie, maganda ang chemistry ng dalawang baguhan sa industriya.

"Yung batuhan ng lines nila, e, nakakatawa. At wala silang pretensions. I think yun yung ace nila," sabi niya.

"Minsan nag-a-adlib si Jason. Sasabihin ko, 'O, Jason, ilagay mo yung sinabi mo.' Tapos, sasabihin niya, 'Ay, tama pala yung adlib ko.'

"Spontaneous silang dalawa."

Sabi ni Direk Soxie, parang hindi mag-boyfriend-girlfriend ang turingan nina Melai at Jason sa isa't isa.

"May angil. Sasabihin ng isa, 'Ano ba 'yan, ang panget-panget ng ginawa mo!'

"Tapos minsan, may eksena si Melai na close-up ng paa kasi hinihilot. Sabi ni Jason, 'Direk, huwag nang makeup-an. Talagang madumi naman na yung paa niyan!'

Pero nagusutuhan naman ng direktor ang magandang ugali ng dalawa.

"May respeto din sila. Alam nila na mag-'po' at 'opo.' Walang ere. Walang kaere-ere."

Natutuwa rin daw siya sa suporta ng mga fans ng dalawa.

"May dumarating na pagkain. Ano 'yan, kumpetisyon. Pizza nitong una. Mamaya iba naman 'yan. Friend chicken naman. Sa gabi, may catering pa.

"Nagsisigawan pa yung mga fans ng 'Melai, Melai!'"

MORE DIRECTING PROJECTS. Pagkatapos ng Pureza, may ilang pelikula pa raw na naka-lineup si Direk Soxie. May ilang pending project siya with Viva Films and another for Imee Marcos.

Pero uunahin niya raw muna ang isang pelikula with Maricel Soriano and Roderick Paulate na under pa rin sa APT.

Una raw siyang ipinadala sa Italy last year sa Lake Como ni Tony Tuviera. Na-in love si Mr T (ang palayaw ni Tony Tuviera) sa scenic view ng nasabing lake noong unang punta.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Afterwards, ipinadala niya si Direk Soxie upang mag-isip at sumulat ng pelikula na gamit ang lugar. Fifteen days ang itinagal niya sa nasabing lugar para mag-isip ng script na babagay para sa dalawang veteran actors.

"Ngayon, itutuloy na namin siya. Sa April kami magsu-shoot doon," banggit niya.

Gusto niya raw na summer ang season na abutan nila sa Italy, na ngayon ay dumaranas ng sobrang lamig na panahon.

"I want summer kasi kung naka-coat ang lahat, hindi ka makagalaw. Pilit ang comedy na mangyayari. Maganda ang summer para hot sila at makakagalaw," sabi niya.

DED NA SI LOLO SEQUEL. Samantala, hindi pa raw kayang gawin ni Direk Soxie ang sequel ng Ded Na Si Lolo. Marami ang nagtatanong sa kanya kung kailan na ang "40 days." Naglagay kasing teaser ito sa dulo ng pelikula na dati'y biru-biruan lang nila.

"Sa editing noon, sabi ko kay Direk Tony Reyes, na siyang nagsu-supervise noon, 'Alam mo, maganda ito kung lalagyan natin ng 'forty days' or 'babang luksa.' Lahat ng maiisip ko na parang series. Kaya nilagayan naming ng 'Abangan.'"


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN