Nadine Samonte denies cool-off rumor with boyfriend Emerson Chua

"Okey naman kami ni Emerson. Medyo busy lang kaming dalawa ngayon kaya nabawasan ang time namin together. Unlike noon na marami kaming time para magkasama," says Nadine Samonte on her relationship with boyfriend Emerson Chua.


Balik sa pagbibida si Nadine Samonte sa bagong afternoon drama series ng GMA-7, ang My Lover, My Wife (dating Moral).

Makakasama niya rito sina Maxene Magalona, Luis Alandy, Princess Snell, Jace Flores, at Marco Alcaraz. Mula ito sa direksiyon ni Jay Altarejos.

Dapat sana ay kasama sa cast ng Magic Palayok si Nadine bilang kontrabida sa love team nina Carla Abellana at Geoff Eigenmann. Pero mas maganda ang ibinigay sa kanyang bagong show kunsaan bida sila ni Maxene.

Ang pumalit sa kanyang role sa Magic Palayok ay si Chynna Ortaleza.

ENJOYS PLAYING KONTRABIDA. Nakapagpahinga nang matagal si Nadine dahil ang huling drama series niya ay ang Endless Love (2010), na tinampukan nina Dingdong Dantes at Marian Rivera. Naging kontrabida rin siya sa guest role niya sa Bantatay.

Inamin ni Nadine sa PEP (Philippine Entertainment Portal) na nag-e-enjoy siya sa kanyang pagiging kontrabida.

"Masarap palang maging bad girl, pero sa role lang at hindi sa totoong buhay!" tawa ni Nadine sa panayam namin sa kanya sa pictorial ng My Lover, My Wife sa Studio 4 ng GMA-7 noong Miyerkules, February 15.

"Kasi noong gawin ko yung role na Babaeng Impakta sa Darna, yung role na Shirley sa Endless Love, tapos yung Angel sa Bantatay, parang nag-enjoy talaga ako.

"Naging kontrabida rin ako before kay Lovi Poe sa Bakekang at kay Regine Velasquez sa Ako Si Kim Samsoon. For a change, hindi ka yung magda-drama at iyak nang iyak. Ikaw na yung nagpapaiyak sa kanila.

"Kahit naman dito sa gagawin kong bagong series, bida-kontrabida ako. Gusto ko na kasing gawin yung mga ganyang roles na nakaka-challenge. Yung pag-aaralan mo nang husto ang character mo."

Turning 23 years old na si Nadine sa March 2, kaya okey na sa kanya ang tumanggap ng roles na mapag-e-eksperimentuhan niya.

Aniya, "Let's face it, marami nang mas bata sa atin ngayon. Sila na ang nabibigyan ng mga pagkakataon na magbida. Okey lang sa akin kasi nakapagbida na naman ako ng ilang beses.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Tsaka okey lang for me na magbigay naman ako ng suporta sa mga bagong artista ngayon. Darating at darating din naman ang lahat ng artista sa ganyan posisyon, di ba?" ngiti niya.

Sa simula pa lang ng showbiz career ni Nadine pagkatapos niyang sumali sa first batch ng StarStruck, naging bida na siya sa drama series ng TAPE Inc. na Ikaw Sa Puso Ko. Nasundan itoy ng Leya: Ang Pinakamagandang Babae Sa Ilalim Ng Lupa. In both series, naging partner niya ang ex-boyfriend niyang si Oyo Sotto.

Ginawa ring bida si Nadine sa mga teleserye ng GMA-7 na Now & Forever Presents Ganti, Kung Mahawi Man Ang Ulap, Maging Akin Ka Lamang, Tinik Sa Dibdib, at Super Twins.

"Nakaka-pressure ang maging bida talaga," sabi ng young actress. "Kasi nakasalalay sa iyo ang buong istorya ng series, e.

"Napagdaanan ko na kasi 'yan and very grateful ako sa GMA-7 at sa TAPE Inc. na pinagkatiwalaan nila ako sa maraming projects."

COOL OFF? Kinumusta rin namin siyempre ang love life ni Nadine. Ngumiti ang dalaga at sinabing okey naman sila ng businessman-boyfriend niyang si Emerson Chua.

May balita kasing cool off daw sina Nadine at Emerson kaya noong nakaraang Valentine's Day ay hindi sila magkasama.

"May gano'n bang balita? Nanahimik lang kami, cool off na?" natatawang sabi ni Nadine.

"Okey naman kami ni Emerson," diin niya. "Medyo busy lang kaming dalawa ngayon kaya nabawasan ang time namin together. Unlike noon na marami kaming time para magkasama.

"Ngayon kasi, may sinimulan na akong work, tapos siya rin naman may work din. Kaya hindi magtugma ang schedules namin ngayon.

"Noong Valentine's Day, talagang gusto ko sa bahay lang with my family sa Sta. Rosa, Laguna. Ayoko na ring lumabas noong February 14 kasi matrapik at puno ang restaurants.

"Si Emerson, kasama rin niya ang family niya noong Valentine's Day. Nagtawagan naman kami. Nagplano na lang kaming lumabas sa ibang araw kapag libre na ang schedule naming dalawa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Right now kasi, may workshop ako for the series, tapos nag-start na kaming mag-taping. Kami kasi ang papalit sa Koreana na one week na lang ang airing. Kaya sunud-sunod na ang taping ko," paliwanag pa niya.

Ayon sa mga lumalabas na balita, may kinalaman daw ang naging away ni Nadine at ng mommy niya kaya nag-cool off muna sila ni Emerson. Pero pinabulaanan ito ng young actress.

"Wala namang gano'n. Si Mommy naman, hindi siya nakikialam sa personal kong buhay. Although nagtatanong siya about us. Wala namang masama doon.

"Kami naman ni Mommy, nagkakaroon din kami ng tampuhan. Normal sa mag-ina iyon, di ba? Pero wala namang grabeng away. Yung normal lang," sabi ni Nadine.

Hindi rin daw totoong naglayas siya at tumira nang solo sa sarili niyang condo sa Quezon City dahil nagtampuhan sila ng mommy niya.

"Totoong tumira ako sa nabili kong condo. That was the time na nagte-taping kami ng Endless Love.

"Ang layo kasi ng Sta. Rosa, di ba? Para hindi ako mahirapan bumiyahe, tumira ako sa condo ko sa Quezon City.

"Hindi naman ako solo kasi may kasambahay naman ako. Si Mommy, binibisita niya ako once a week kapag may time siyang bumiyahe.

"Ngayon, sa bahay namin sa Sta. Rosa na ulit ako nakatira. Matagal akong walang regular show, di ba, kaya bumalik na ako doon sa house namin. Na-miss ko ang kuwarto ko at siyempre ang Mommy ko," saad ni Nadine.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN