Nonito "The Filipino Flash" Donaire Jr. wins against Mexican boxing champ Fernando Montiel

Nonito "The Filipino Flash" Donaire, Jr. is the new WBC (World Boxing Council) and WBO (World Boxing Organization) World Bantamweight Champion when he beat Mexican boxer Fernando Montiel via TKO in the second round of their 12-round championship fight.


May bago na namang dapat ipagbunyi ang mga Filipino sa pagkapanalo ni Nonito "The Filipino Flash" Donaire Jr.

Itinigil ng referee na si Russel Mora sa 2 minutes, 25 seconds ng Round 2 ng 12-round championship match nina Donaire (25 panalo, 1 talo, 17 KOs) at Mexican boxer na si Fernando Montiel (44 panalo, 2 talo, 34 KOs) ang laban nang makitang hindi na epektibong makalaban pa sa mga suntok ni Donaire si Montiel.

Nauna nang pinagbagsak ng Filipino boxer sa round ding iyon ang Meksikano. Naiakyat na ngayon ni Donaire ang panalo niya sa 26.

Si Donaire na ngayon ang bagong WBC (World Boxing Council) at WBO (World Boxing Organization) World Bantamweight Champion.

PREDICTIONS. Sa mga naunang interviews sa parehong boxers, nag-predict na agad ng maagang knockout victory ang isa't isa.

Sabi nga ng maraming boxing writers at experts, isang magandang matchup sina Donaire at Montiel. Halos magkapareho kasi ng istilo ang dalawa.

Kilala sa pagiging agresibo, mabilis at technical si Montiel. Hinulaan nang papatumbahin nito si Donaire sa bilis, sa istilo nitong "punches in bunches" at accurate punching ang Filipino Flash.

Habang si Donaire naman, bukod sa pagiging mabilis ay may kakayahang magpabagu-bago ng fighting stances. Isa nga siyang "switch fighter" na nakakalaban sa orthodox (right handed) at southpaw (left handed) stance.

Natural na kaliwete si Donaire, ngunit sinanay naman siya noon ng kanyang ama, na siyang una niyang trainer na maging orthodox fighter, kaya't laging nauuna niyang isuntok ang kanyang kaliwang kamay na siyang lead hand niya.

Nang dumating na nga ang gabi ng laban nila, si Donaire ang nagtagumpay na maisakatuparan ang sarili nitong prediction.

FIRST ROUND. Sa unang round pa lang, ipinakita na talaga ni Jun (palayaw ni Nonito) ang intensyon niyang makipagpalitan ng suntok kay Montiel. Gumitna agad ng ring ang Filipino boxer at saka sinagot ang sinalubong sa kanyang jab ni Montiel ng isang mabilis na kumbinasyong kanan at kaliwang suntok.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Binatuhan ng matinding kanan ni Donaire si Montiel ngunit di nito ininda ang suntok. Pilit na gumaganti si Montiel ngunit kung di man makaabot sa mas matangkad na si Donaire ay di naman iniinda ng Pinoy ang mga suntok nito.

Natapos ang first round na pabor ang mga puntos sa Filipino Flash.

SECOND ROUND. Muling inokupa ni Donaire ang gitna ng ring sa second round at sinalubong agad si Montiel ng matinding kanan.

Nagpakawala rin si Montiel ng mga suntok na tumatama rin kay Donaire.

Sa palitan ng mga suntok ng dalawang boxers, kapansin-pansin na walang masyadong head movement o pag-ilag ng ulo si Montiel.

Ang istilong ito ng Meksikano ang siyang nagpahamak dito nang magpakawala ito ng isang malamyang right hook sa pisngi ni Donaire.

Nag-counter, o sa boxing jargon, nag-"overlap punch" si Donaire sa right hook ni Montiel. Habang nag-"roll" sa suntok ni Montiel si Donaire, na-expose naman ang mukha ni Montiel sa leading left hook ng Filipino fighter.

Ipinahamak si Montiel ng kawalan ng head movement nito at bumigay agad sa left hook ni Donaire. Bago pa bumagsak sa canvass, umabot pa ang right uppercut punch ng mabilis talagang si Donaire kay Montiel.

Kumisay pa si Montiel habang nakahiga sa canvas.

Binilangan agad ng referee na si Russel Mora ang Meksikano, ngunit bumagsak muli ito sa unang attempt na bumangon.

Nakatayo namang muli si Montiel at pinaabot sa mandatory standing eight counts, bago binigyan muli ng tsansa ni Mora na ipagtanggol ang sarili at bumawi sa kalabang Pinoy.

Hindi na nakasagot pa ng suntok sa mabilis na left hook muli ni Jun ang Mexican fighter at dito itinigil na ni Referee Mora ang laban.

DONAIRE VS. PACQUIAO IN THE FUTURE? Sa post-fight interview ni Donaire, inamin nitong sinusukat din niya si Montiel at sine-set up sa plano niyang atake kaya siya tinatamaan din ng mga suntok nito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sinabihan nga raw siya ng trainer niyang si Robert Garcia (trainer ng nakalaban ni Manny Pacquiao na si Antonio Margarito) na "take your time" para masukat nga ang kakayahan ni Montiel at ma-set up sa plano nilang counter-punching.

Nagpasalamat si Jun sa lahat ng mga taong tumulong sa kanyang pagsasanay, sa kanyang trainer, sa mga Filipino at sa lahat ng kanyang mga tagahanga.

Nagpahayag na ng intensyon si Donaire noon na matapos makuha ang bantamweight title ay gusto niya pang umakyat ng timbang upang makalaban ang mga magagaling sa weight division na super bantamweight.

Dating kampeon sa flyweight at super flyweight division si Donaire at ranked No. 5 sa Pound-for-Pound boxers in the world ng Ring Magazine. Nasa No. 1 spot ang kasalukuyang WBC Super Welterweight World Boxing Champion at WBO World Welterweight Champion na si Manny "Pacman" Pacquiao.

Tinanong tuloy si Jun kung sakaling ipagpatuloy niya ang pag-akyat ng kanyang timbang, may posibilidad ba silang magkaharap ni Pacman?

"I believe that Pacquiao has given me this opportunity, and I will always thank him for that, you know. I don't mind being No. 2, and definitely, that's a fantasy. But if it gets to that, it's the best against the best. And you know what, that'll be good for boxing," sagot ni Donaire.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN