Ara Mina finally reveals identity of "Mystery Guy"

"Ano lang...prinamis ko sa sarili ko, gusto ko maging boyfriend ko, non-showbiz na. I want a quiet life now, yung pagdating sa lovelife, hindi ginugulo. Mabuti na yung hindi showbiz para tahimik na yung buhay ko," says Ara Mina of her present lovelife.


Sa unang pagkakataon ay nakitang magkasama sa publiko ang aktres na si Ara Mina at ang kanyang non-showbiz na boyfriend na si Raymond Ilusorio-Yap, isang businessman.

Magkasamang dumalo ang dalawa sa opening ng bagong branch ng clinic ni Dra. Vicki Belo sa The Residences, Greenbelt, Makati City, noong Biyernes, February 18.

Tahimik lang si Ara nang natuon ang atensiyon sa kanila ni Raymond ng entertainment press na nandoon noong gabing iyon.

"A, siya si friend," maikling sagot ni Ara sa mga tanong ng reporters.

Nagsalit-salit ng tanong ang press tungkol sa detalye ng relasyon ng aktres sa non-showbiz boyfriend niya.

"Kailangang pa ba 'yan? Huwag na, baka ma-culture shock siya," sambit ni Ara.

Bakit ngayon lang sila nakitang magkasama sa publiko?

"Yeah, sobrang bihira lang talaga," matipid pa ring sagot ni Ara.

Pabiro niyang dagdag, "Akala ko nga wala kayo dito sa venue. Kasi, ano lang, invited din kasi siya, so kailangan naming pumunta, di ba?"

Tipid din ang mga sagot ni Raymond nang siya naman ang tanungin ng press tungkol kay Ara.

"She's a very nice girl," sambit ng businessman.

QUIET RELATIONSHIP. Ano na nga ba ang estado ng relasyon nilang dalawa?

"Getting to know... Bata pa ako, e. Hindi pa ako puwedeng magpakasal!" natatawang biro ng 31-year-old actress.

Pagkalipas ng ilang minuto ay naging mas kumportable ang dalawa sa mga tanong ng press kaya nagkuwento na ng kaunti si Ara.

"Oo, siya si Mystery Guy," pag-amin ng sexy actress. "Nagkilala kami sa blind date, hindi ko siya kilala.

"Ano lang, prinamis ko sa sarili ko, gusto ko maging boyfriend ko, non-showbiz na. I want a quiet life now, yung pagdating sa lovelife, hindi ginugulo. Mabuti na yung hindi showbiz para tahimik na yung buhay ko.

"Kasi, mas maganda kung magtrabaho ka na lang, di ba? 'Tsaka, ewan ko, pag kasama ko siya, feeling ko, hindi ako artista."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nang tanungin siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kung gaano na sila katagal ni Raymond, sumenyas si Ara gamit ang kanyang mga daliri. Dalawang taon na raw sila.

MAKING SURE. Si Raymond na ba ang lalake para sa kanya?

"Well, at this point in my life, sana siya na kung siya na, di ba? Pero kung kasalan yung pag-uusapan, I'm too young for that," biro ulit ni Ara.

Turning serious, aniya, "Hindi, darating yun, 'wag nating madaliin. Kasi kahit bukas na bukas, puwede ka magpakasal, e."

Gusto daw niyang makasiguro at hindi magpadalus-dalos.

"Kailangan makilala n'yo muna yung isa't isa para sure na sure. Ayaw ko kasi na dumating sa point na hiwalayan. Kasi may dream family ako. I'll be honest, kasi galing ako sa broken family, ang ano ko, ang dream ko, magkaroon ng buong family," pahayag ng aktres.

Hindi pa raw nila napag-uusapan ang kasal.

"Malalaman n'yo yun, magpapa-interview naman ako. Kasi once in a lifetime lang yun mangyayari, so kailangan bongga. Parang fairy tale para rin sa mga kapatid ko, sa family ko.

"Feeling ko nga, pagka lumalakad na ako sa altar, hindi na makakapagsalita ang mommy ko at mga kapatid ko. Parang sabihin na lang nila, 'Ay! si Ate, sa wakas!'" nakangiting sabi ni Ara.

ON RAYMOND. Paano ba mailalarawan ni Ara ang boyfriend niya ngayon?

"He's very smart. He's very responsible. Very supportive. Talagang quiet lang. He's not seloso," sagot nito.

Kilala na rin daw si Raymond ng family niya at vice-versa.

"Wala akong masasabi sa family niya. Sobrang bait!" bulalas ng aktres.

Ano ang profession ni Raymond?

"Businessman. Basta CPA [Certified Public Accountant] siya. They have a family business, pero hindi na dapat pag-usapan 'yan," pakiusap ni Ara.

Si Raymond ay anak ng socialite na si Sylvia Ilusorio Yap. Lolo nito ang business tycoon na si Don Emilio Yap, nagmamay-ari ng Manila Bulletin, Manila Hotel, at iba pang mga negosyo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Para matapos na ang interview, sinabi ni Ara na, "Okay yun, basta wala na lang intriga. At least kahit papaano, hindi ko siya ipinagdamot sa inyo, and thank you sa pananahimik ko ng mga nakaraan, pinagbigyan n'yo ako."

Back to her jolly mood sinabi niya, "O, ayan na, ha! Siya si Mystery Guy. Para sa iba pang mga nagwa-wonder, di ba?"


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN