Empress gets five stitches on her forehead a day before debut party

Empress turned 18 last February 20 and she celebrated this special day with a grand debut party. But unknown to many, the young actress had a minor injury that resulted in five stitches on her forehead.


Sobra-sobra ang pasasalamat nina Becky Aguila at Mrs. Gina Schuck sa matagumpay at maayos na pagtatapos ng debut party ni Empress Schuck noong Linggo ng gabi, February 20, sa Grand Terrace sa Commonwealth Avenue, Quezon City.

Si Becky ang manager ni Empress samantalang si Mrs. Shuck naman ang ina ng young actress.

BIRTHDAY EVE. May rason kung bakit nakahinga nang maluwag hindi lang sina Becky at Mrs. Schuck kundi maging ang mga malalapit na kaanak ng young dramatic actress sa matiwasay na pagtatapos ng debut.

Isang araw kasi bago sumapit ang kaarawan ni Empress ay naaksidente ang young actress sa bahay nila.

Kuwento ni Becky sa PEP (Philippine Entertainment Portal), noong umaga ng Sabado, February 19, ay bumangga si Empress sa glass sliding door sa kanilang bahay.

Hindi raw nakita ni Empress ang salamin ng sliding door habang papasok siya sa isang bahagi ng bahay. Kaya ang nangyari, tumama ang mukha ng young actress sa sliding door na siyang rason ng pagkabasag ng pintuan.

Nagtamo ng mahabang sugat sa kanyang noo si Empress at natuklap ng bahagya ang balat nito sa ilong.

Nataranta ang mga kasamahan ni Empress sa bahay nang makitang umaagos ang dugo sa may noo ng batang aktres at may sugat ito sa bandang ilong niya. Dali-dali naman nilang dinala sa ospital ang dalaga para lapatan ng lunas.

FIVE STITCHES. Noong araw ring 'yon ay may pictorial si Empress para sa ini-endorse nitong product. Hindi na pinakansela ni Becky ang kanilang commitment dahil nagawan naman ng paraan na matakpan ang bahaging may sugat ang aktres.

Pero nang makita ni Becky ang sugat sa noo ni Empress, sinabihan nito ang ina ng young actress na kailangan nilang ipatahi ito.

Kuwento ng talent manager, "Iyak nang iyak si Empress kasi nga sa trauma sa nangyari sa kanya. Tapos, nagwu-worry siyang baka raw magkaroon siya ng peklat. Siyempre, natatakot yung bata na baka maapektuhan ang career niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"No'ng makita ko yung sugat, sinabi ko sa mommy niya niya na kailangang tahiin yung sugat ni Empress kasi one inch yung haba. Saka nakalabas yung laman. Hindi puwedeng hindi yun tahiin kasi baka ma-infect pa dahil bukas, e.

"Sinabi ko rin kay Empress na 'we have to do something on your wound para hindi ito lumala, mahirap na.'"

Pagkatapos ng pictorial, agad na pumunta sina Empress at Becky sa Belo Medical Clinic para ipagamot ang sugat sa noo ng alaga niya. Hindi raw nagdalawang-isip ang doktor na tumingin kay Empress at agad nitong tinahi ang sugat.

Limang stitches ang ginawa sa noo ni Empress. Pero hindi na tinahi pa ang sugat niya sa ilong dahil maliit lang naman daw ito kahit natuklap ang balat.

Para mapakalma raw si Empress, sinabihan na lang ni Becky ang alaga na huwag itong mag-alala kung sakaling mag-peklat ang tahi sa sugat nito. Marami naman daw paraan para ma-minimize ang scar nito sa pamamagitan ng iba't ibang treatment.

"Ang importante kasi natahi yung open wound, kaysa naman ma-infect ito at baka mas lalong lumaki yung scar," sabi ng talent manager.

SAVING EMPRESS' EYES. Malaki naman ang pasasalamat ni Becky at ng ina ni Empress sa Belo Medical Clinic dahil naisalba rin ang kanilang alaga sa posibilidad ng pagkabulag o pagkasira ng mata nito.

Habang ginagamot kasi ang sugat ni Empress ay nakita ang isang maliit na bubog sa ibaba ng mata ng aktres kung saan lumalabas ang luha.

Ani Becky, "Laki talaga ng pasasalamat namin, kasi kung hindi nakita at naalis yung bubog na yun, possible na kapag nag-rub ng mata niya si Empress, pumasok yun sa mata niya mismo. Either mapunit ang mata niya or mabulag siya.

"Sabi ko, nalinis na't lahat yung mukha niya at sugat niya doon sa pinagdalhang hospital sa kanya, hindi nakita yung maliit na bubog?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Alam mo, mahal talaga ng Diyos si Empress kasi hindi Niya hinayaang may mangyaring hindi maganda sa bata. Kaya gumawa Siya ng paraan para matanggal yung bubog na yun na puwede talagang maka-damage sa paningin ng alaga ko."

BIRTHDAY CURSE? Halos wala ngang makapaniwala sa pinagdaanang aksidente ni Empress dahil ang ganda-ganda nito sa kanyang debut at walang trace ng sugat nito. Pero sabi ni Becky, natakpan ng buhok ng aktres ang sugat at napatungan din ng makeup.

Ngayon daw na-realize ni Becky na totoo ang kasabihang pag malapit na ang birthday ng isang tao, dapat daw ay mag-ingat ito ng todo.

Pinayuhan ni Becky si Empress na dagdagan nito ang pag-iingat para hindi siya makaranas ng aksidente. Magdasal din daw ito nang taimtim para gabayan siya sa pang-araw-araw niya sa showbiz.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nakaranas ng aksidente si Empress.

Namatayan na rin daw ng kuko ang young actress sa isang eksena nila ni Matt Evans sa taping ng dating show nilang Rosalka. Naipit kasi ang daliri ni Empress sa pintuan sa taping nila.

Hindi man accident-related, pero na-deform din daw ng konti ang mukha ni Empress sa taping ng Rosalka. Masyado raw kasi ang pagkakabanat sa mukha nito na sinasabayan pa ng paglalagay ng makapal na makeup kaya nag-iba ang itsura ng mukha nito.

Pinakiusapan ni Becky ang staff ng show na huwag banatin pababa ang mukha ni Empress para hindi ito ma-deform.

"Mabait na bata lang talaga si Empress kaya hindi mo siya mariringgan ng reklamo," sabi ni Becky. "Pero she's doing good. Kaya nga no'ng mag-guest siya sa The Buzz, sinabi niya doon na nagpapasalamat siya sa lahat ng mga magagandang nangyayari sa buhay niya at yung mga blessings na natatanggap niya ngayon."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN