Amy Austria says Lorna Tolentino convinced her to return to TV via Minsan Lang Kita Iibigin

After four years of being away from showbiz, Amy Austria accepted the role of a rebel soldier in ABS-CBN's upcoming primetime series Minsan Lang Kita Iibigin.


Matagal-tagal ding hindi nasilayan sa telebisyon ang mahusay at magandang aktres na si Amy Austria.

Kaya naman marami ang natutuwa ngayong mapapanood siyang muli sa bagong primetime drama series ng ABS-CBN, Minsan Lang Kita Iibigin. Gaganap siya rito bilang isang rebelde, kasama nina Coco Martin at Maja Salvador.

Matapos ang press preview ng Minsan Lang Kita Iibigin noong February 23, nagkaroon ang PEP (Philippine Entertainment Portal) ng pagkakataon na makapanayam at kumustahin si Amy.

Paano siya na-convince na tanggapin ang teleseryeng ito at magbalik-telebisyon?

"Before, kahit maganda yung project na ino-offer, tinatanggihan ko, di ko kinu-consider. Sabi ko, I stopped for almost four years," sagot ng aktres.

Ayon pa kay Amy, ang matalik niyang kaibigan na si Lorna Tolentino ang nag-convince sa kanya na tanggapin ang Minsan Lang Kita Iibigin.

Kuwento niya, "Nung nagpaalam na si Rudy Fernandez [Lorna's husband] sa mundong ito, I know how it feels na mawalan ng asawa."

Ang tinutukoy ni Amy ay ang pagkamatay ng una niyang asawa, ang mahusay ring aktor na si Jay Ilagan.

Patuloy niya, "Sabi ko kay Lorna, 'I'm here for you. Samahan kita, gusto mo lumabas tayo? Mag-abroad tayo? Gusto mo samahan kita sa bahay? Gusto mo samahan kita pag nagtrabaho ka? Aalayan kita. Or, gusto mo magbakasyon tayo?'


"Sabi niya, 'I'm okay, 'andito naman yung dalawang bata [Rap and Renz].' Ay, oo nga pala, may dalawa pala siyang anak na lalaki.

"Sabi ni Lorna, 'Pero pag kailangan kita, tatawagan kita, sasabihin ko sa 'yo.' And then, nang magkaroon ng offer kay Lorna para sa soap na ito, kinausap ako ni Lorna at sabi niya sa akin na gusto niya akong makasama sa soap na ito.

"Medyo nagulat ako, nasabi ko na lang 'Sige!' Tapos ayun, tinanggap ko na 'tong project na ito. Hindi na ako nakatanggi na gawin ang teleseryeng ito kasama si Lorna."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Natatandaan pa ba niya kung kailan sila huling nagsama ni LT sa telebisyon?

"I guess yung sitcom namin with Vera Production na Mare Ko."

Ang huling teleserye namang ginawa ni Amy ay ang Walang Kapalit noong 2007, kunsaan nakasama niya sina Claudine Barretto at Piolo Pascual.

Ano ba ang kanyang mga pinagkaabalahan noong matagal siyang nawala sa showbiz?

"Wala, plain housewife lang!" tawa niya.

Non-showbiz ang napangasawa ni Amy na nagngangalang Duke Ventura, isang businessman.

Dahil muling aarte siya sa telebisyon, hudyat ba ito na tuluy-tuloy na ang pagbabalik-showbiz niya?

"Depende, depende sa asawa ko. Pero so far, nag-e-enjoy naman ako sa mga pangyayari ngayon," sagot ng aktres.

Mapapanood ang Minsan Lang Kita Iibigin simula Lunes, March 7.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN