Pokwang denies rumor that she made a scene because a project went to Melai Cantiveros

"Natatawa na lang ako dun sa mga isyung nagwawala daw ako. Bakit? Bakit, di ba? Ang cheap-cheap para gawin ko 'yan! 'Tsaka magagawa ko ba yun, e, di binatukan lang ako ni Mr. M!" says Pokwang about a report that she allegedly threw a tantrum inside the office of Star Magic after Mana Po role went to Melai Cantiveros.


Pinabulaanan ng comedienne na si Pokwang ang lumabas na balitang nagwala raw siya sa opisina ng Star Magic.

Nagwala raw si Pokwang dahil napunta kay Melai Cantiveros ang lead role sa afternoon soap na Precious Hearts Romances Presents Mana Po. Ayon pa sa report, nagulat na lang daw si Pokwang kung bakit napunta kay Melai ang naturang proyekto na dapat sana ay pagbibidahan niya.

Pero ayon kay Pokwang, walang nangyaring ganoon.

"Actually, hindi ko alam na may Mana Po, huh! Nalaman ko lang 'yan nung ikuwento sa akin ni Melai. Walang offer sa akin na Mana Po.

"Natatawa na lang ako dun sa mga isyung nagwawala daw ako. Bakit? Bakit, di ba? Ang cheap-cheap para gawin ko 'yan!

"'Tsaka magagawa ko ba yun, e, di binatukan lang ako ni Mr. M [Johny Manahan, Star Magic boss]! Ang laki-laki ng respeto ko sa tao para gawin ko yun," saad ni Pokwang.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Pokwang sa taping ng gag show ng ABS-CBN na Banana Split noong Biyernes, March 4.

Patuloy niya, "'Tsaka ako, ang masasabi ko lang, hindi ako suwapang sa trabaho, hindi ako suwapang sa grasya. Kung ano yung para sa isang tao, ibigay natin, huwag tayong magdamot, hindi ba? Kasi yun ang sikreto para maging successful ka sa buhay, huwag kang suwapang."

Isa pang sinasabing dahilan ng "pagwawala" ni Pokwang ay dahil hindi na raw siya nabibigyan ng proyekto ng ABS-CBN, unlike before na sunud-sunod ang mga show niya.

Ano ang masasabi ni Pokwang dito?

"Hindi, huwag tayong manguna. Kasi may mga plano naman ang management, huwag natin siyang pangunahan.

"Kaya ako, hanggang ngayon, nananatiling artista ng ABS-CBN kasi nagtitiwala ako sa kanila, di ba? Tiwala ako sa kanila kung ano ang para sa akin, ibibigay nila.

"At alam ko naman, di ba, hindi ako pasaway na artista, hindi naman ako sakit ng ulo, hindi naman ako nale-late, hindi ako nagpapa-packup, di ba? At wala akong karapatan na gawin yun dahil mahal ko trabaho ko. Kaya yun ang isa sa pinanghahawakan ko, hindi ako naging sakit ng ulo."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

TELESERYE. Hindi rin daw totoong hindi na siya binibigyan ng proyekto sa ABS-CBN dahil bukod sa Banana Split ay makakasama siya sa cast ng isang bagong teleserye.

Ani Pokwang, "Hindi ko alam kung puwede ko nang sabihin. Basta may bago akong project sa ABS, isa siyang teleserye. Abangan n'yo lang. Sa April mag-i-start na kami. Hindi ako pababayaan ng management. Hello!"

Hindi ito ang first time na gagawa ng teleserye ang mahusay na komedyana.

"Nag-Crazy For You na kami dati nina Toni [Gonzaga] at Luis [Manzano]. Tapos yung Ysabella, Krystala [na parehong pinagbidahan ni Judy Ann Santos], di ba?

"Kasi nung nag-start na yung Wowowee, nung nilagay na ako doon, three and a half years kong ginawa yun. So, medyo nalayo ako sa teleserye. Kaya nae-excite na akong gawin saka nami-miss ko rin naman," sabi ni Pokwang.

TEMPTATION ISLAND. Isa pang nilinaw ni Pokwang sa PEP ang dahilan kung bakit hindi na siya kasama sa remake ng Temptation Island ng Regal Films.

"Ang isyu kasi diyan, kung napupuna ninyo, ilan po kaming ano dun, ABS stars—Angelica [Panganiban], Shaina [Magdayao], at saka ako. Pinull-out po kami kasi nga, nag-co-produce ang GMA-7. So, hindi kami pinayagan na, alam ninyo, na sana maunawaan ninyo na lang," saad niya.

Aminado si Pokwang na may panghihinayang siya na hindi na siya kasali sa Temptation Island.

"Kasi marami akong mga bading na kaibigan na nagsasabi na sayang kasi maganda yung project. Actually, nung in-offer sa akin yun, excited na akong gawin. Di ba, very '80s pa 'yang pelikulang 'yan?

"Talagang pinanood ko pa sa YouTube yung original, na talagang nakakatawa yung character na ibinibigay sa akin bilang si Deborah Sun," lahad niya.

Si Rufa Mae Quinto ang ipinalit kay Pokwang sa pelikula.

"Ay, mabait naman si P-chi [palayaw ni Rufa Mae]. Nakatrabaho ko siya sa Apat Dapat. At saka ibigay natin kung sino talaga ang deserving na tao, matuloy lang yung project kasi maganda naman talaga, di ba?"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

MELAI CANTIVEROS. Ganito rin ba ang pananaw niya kay Melai, na sinasabing kaya nababawasan ang project ni Pokwang dahil napupunta ang iba sa Pinoy Big Brother Double Up grand winner?

"Ay, hindi ako nababawasan ng trabaho. Parang ganun pa rin naman kagaya ng dati. Kaya lang kasi ngayon, moment niya, pagbigyan natin siya," saad ni Pokwang.

So, naniniwala siyang panahon ngayon ni Malai?

"Yes!" mabilis niyang sagot. "Ganoon lang talaga yun, di ba? Gaya nga ng sabi ko, hindi lang tayo ang anak ng Diyos."

Noong nasa loob pa ng PBB house si Melai ay ikinukumpara na siya kay Pokwang. At ngayong nakalabas na siya sa PBB ay patuloy pa rin siyang ikinukumpara kay Pokwang.

Okey lang naman daw yun kay Pokwang.

"Hindi naman maiiwasan yun," sabi niya. "Napagdaanan na 'yan ng mga big stars natin...ng mga Megastar [Sharon Cuneta], Diamond Star [Maricel Soriano]. Napagdaanan nila yung kumpa-comparison. Ngayon pa kaya sa panahon namin, ang dami-dami namin?"


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN