Gov. Chavit Singson slams son Ronald's "fair-weather friends"

"Dumating ako ng past 12 noon, hindi na puwede. Umaga lang ang dalaw, hindi na pala puwede ang hapon. Kung alam ko lang na umaga, mas maaga sana ako. Umuwi ako na hindi siya nakausap," says Gov. Chavit Singson (inset) about his failed attempt to visit his son, Ronald Singson (main photo).


Nagpaunlak si Ilocos Sur Governor Luis " Chavit " Singson na magbigay ng update sa PEP (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa kalagayan ng kanyang anak na si Ronald Singson sa Hong Kong jail.

Labingwalong buwan—o isa't kalahating taon—na pagkakakulong sa Tung Tau Correctional Institution ang hatol ni Judge Joseph Yao ng Wan Chai District Court kay Ronald noong February 24, 2011 dahil sa drug trafficking. (CLICK HERE to read related story.)

UNSUCCESSFUL VISIT. Isang minimum security jail sa Stanley, Hong Kong ang Tung Tau Correctional Institution.

Noong nakaraang Biyernes, March 11, sinubukan ni Gov. Chavit na dalawin si Ronald sa kulungan, pero nabigo siya.

Kuwento niya, "Galing ako kahapon doon dahil dalawang dalaw lang sa isang buwan [ang allowed]. So, nagpunta ako dahil noong nakaraang buwan, hindi namin siya nadalaw.

"Dumating ako ng past 12 noon, hindi na puwede. Umaga lang ang dalaw, hindi na pala puwede ang hapon. Kung alam ko lang na umaga, mas maaga sana ako. Umuwi ako na hindi siya nakausap.

"Mula noong February 24, hindi ko pa nakakausap. Biglaan kasi ang punta ko, dinalaw ko na rin. Akala ko merong dalaw sa hapon.

"Ganoon kahigpit. Istrikto doon. 'Yon ang batas doon. Hindi kagaya dito [sa Pilipinas] na anytime of the day, puwede.

"Doon kasi, maganda ang implementation nila. Sinusunod ang batas. Dito sa atin kung minsan, hindi sinusunod. 'Yon ang diperensiya."

NO COMMUNICATION AT ALL. Ayon pa kay Gov. Chavit, hindi pa niya nakakausap ang kanyang anak mula nang makulong ito.

"Walang cell phone, bawal. Wala pa kaming contact. After the hearing, inihiwalay na siya, wala nang nakausap sa amin. Pati yung anak niya, sumisigaw. Hindi namin mailapit.

"Nababalitaan ko lang sa mga taga-roon na mas maganda ang kalagayan niya ngayon at puro matatanda ang mga kasama niya

"Basta tatlong tao at dalawang beses lang ang dalaw kaya noong unang buwan niya na pagkasentensiya. Hindi namin madalaw dahil nakunsumo na ng mga kapatid."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagbalik-tanaw rin si Gov. Chavit sa huling pag-uusap nila ni Ronald.

"Mga 70 percent, alam na namin na makukulong siya. Napakaliit ng chance na hindi siya mahatulan.

"Yung huling usapan namin, sabi ko, 'Ito na siguro ang huli nating pag-uusap. Diretso ka na sa kulungan after ng hearing.' Malungkot siya, so nagyakapan na lang kami.

"Mabigat sa isang pamilya dahil 'yon ang nangyari sa buhay niya. Sabi ko sa kanya, 'Yung pagkadapa mong 'yan, yung nangyaring 'yan, gamitin mong tuntungan para marating mo ang mas malawak na kinabukasan.'

"Lahat ng anak ko, mahal ko," sabi pa ni Gov. Chavit. "Kapag hindi ko naturuan, pababayaan ko siya.

"Paglabas niya, sinabi naman niya na tutulong siya sa lahat, lalong-lalo na sa mga kababayan niya, hindi lamang sa kababayan, kundi pati sa buong Pilipinas kung anuman ang maitutulong niya, yung kawanggawa."

FAIR-WEATHER FRIENDS. Nagbigay rin si Gov. Chavit ng pahayag tungkol sa mga kaibigan at kasamahan ng anak sa Kongreso.

"Maraming kaibigan na sumusuporta sa kanya. Hindi lang sila makadalaw," sabi niya. "Ang masakit lang diyan, yung mga kasamahan niya sa Congress na hindi naman karamihan, yun ang mga maiingay.

"Ako, nakiusap na ako na sana huwag siyang tanggalin [sa Kongreso] dahil nasa ibang bansa. Kailangan iligtas muna natin dahil biktima 'yan. 'Oo' ang sabi naman nila, pero kinabukasan, iba na. Yun bang tatadyakan ka nila.

"Kaya mahirap yung mga kaibigan mo na fair-weathered [sic] friends kung tawagin. Kaibigan mo sila kapag mahusay ang panahon. Kapag bagyo na, wala na sila."

JOMARI YLLANA. Speaking of friends, kumusta na ang kabigan at business partner ni Ronald na si Jomari Yllana? Ayon sa balita noon, si Jomari dapat ang kasama ni Ronald nang magpunta ito sa Hong Kong at mahulihan ng cocaine.

Ani Gov. Chavit, "Yun nga ang balita ko, si Jomari ang supposed to be na kasama sa Hong Kong tapos nag-back out daw agad. Ayoko nang pag-usapan, pero mula noon, nawala na, e. Malapit na malapit 'yon sa kanya, so hindi ko na alam. Hindi na kami nagkausap ni Jomari.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nag-usap kami bago lumabas [ang balita], e, hinahanap na siya ng media. Sabi ko sa kanya, 'Pakiusapan mo sila dahil aalamin ko muna ang tunay na nangyari.'

"Kinabukasan, front page, siya na ang lahat nag-publish. Siya na nagsasalita. So, ba't ganoon 'kako sa kanya. May mga sinasabi siya na 'ipagdarasal ko siya sa Mahal na Birhen,' kung ano-ano na ang sinasabi. Hindi ko na maintindihan ang kanyang mga sinasabi, so pinabayaan ko na lang."

ADVICE TO ALL. Nagbigay rin ng mensahe si Gov. Chavit sa lahat kaugnay ng nangyari sa kanyang anak.

"Huwag subukan at huwag maglaro sa drugs. Kasi ang mga kabataan ngayon, patikim-tikim sila. Maraming drug pusher ngayon, hindi mo alam ang mga kaibigan mo na dumidikit-dikit, mga pusher na 'yan.

"So, mag-ingat lahat at palaging ipa-drug test ang mga anak. Ako, ipinapa-drug test ko sila. Pati ang mga elementary na anak ko, katatapos lang sa drug testing, three days ago.

"Tayong mga magulang, i-check natin ang ating mga anak, kapaligiran, mga empleyado. Kagaya ko, hindi mo aakalain na yung family driver namin, positive sa drugs. May suspetsa ako na baka maimpluwensiyahan ang mga bata.

"Negative naman yung mga bata, yung driver ang positive. Hindi ko pa siya nakakausap. Kailangan na tanggalin ko na dahil baka kung ano pa ang gawin," sabi ni Gov. Chavit.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN