Senator Kiko Pangilinan on KC Concepcion's relationship with Piolo Pascual: "Kung saan siya masaya, masaya din kami."

"Simple lang yung samahan namin ni Sharon. Magkasundo kami. Sa araw-araw ng aming pagsasama, ginagawa niya yung gusto niya, at ginagawa ko yung gusto niya. Tsaka ako ang laging may huling salita sa bawat debate, I have the last say... Yes dear," says Senator Kiko Pangilinan about his marriage with Megastar Sharon Cuneta.


Nakausap ng (PEP) Philippine Entertainment Portal at ng ibang miyembro ng press si Senator Francis "Kiko" Pangilinan sa launch ng ika-apat na branch ng joint venture restaurant niya with Mr. Rikki Dee, ang Mesa Grill Restaurant, kagabi, March 15, sa Tomas Morato, Quezon City.

Masayang-masaya ang senador sa pinakabago nitong venture. "Napakagandang lugar at pinupuntahan talaga ng mga kababayan dito sa Quezon City," aniya.

Hands-on siya sa business niyang ito.

"Marami sa mga items [sa menu], pero hindi naman lahat, ay ako ang nag-suggest," pagbibida ng senador.

"And I try to continue to suggest. Alam mo sa mga bagay na ito, you should never rest. Pagka-meron kang pinasukan na anumang bagay, kailangan lagi mong inaalagaan, lagi mong inaaruga, you should always be on top of it," payo ni Senator Kiko sa mga gustong pasukin ang ganitong klase ng business.

Dagdag pa niya, "Tsaka hindi ko linya. Sabi ko matututunan ko din yung mga bagay na iyan at tsaka sabi ko, pwede naman ako umasa sa mga magagaling at magtulungan kami. Eto ang nangyari!"

Nakatulong din na mahilig talaga siya sa pagkain.

"Kapampangan kasi ako. Kaming mga Kapampangan, mahilig magluto so, ayun, mahilig din kumain. Ako dati, hindi mahilig magluto, mahilig lang kumain," biro pa nito.

"Ang gusto ko ay Filipino food, kahit noong kami ay nasa America ni Sharon. Sila mahilig sa mga pasta-pasta. Ako, ang talagang hinahanap ko yung lutong Pilipino, lutong bahay," sabi ng senador.

Isa nga ang pagluluto sa pinag-aaralan niya ngayon. Ngunit, proud na proud siya sa luto ng kanyang misis na si Sharon Cuneta.

"Ang paborito ko naman sa luto niya—maraming siyang niluluto—merong turkey, merong porkloin.

"Noong nasa Boston ako, lahat. Pero natigil na ngayon. Dati, adobo, sinigang na baboy, afritada. Sabi nga niya [Sharon], 'Ang dami-dami kong inaral na mga recipe, e, puro Filipino food pa rin ang paborito mo!'" kuwento niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

SHARON'S BATTLE. Nabaling naman ang usapan sa pagpapapayat ng kanyang misis na kanyang sinusuportahan.

"Siyempre, gabi-gabi, binubulungan ko siya," ang sabi ni Senator Kiko nang tanungin kung paano siya nagbibigay ng suporta kay Megastar.

Ano nga ba ang binubulong nito?

"Habang natutulog siya, sinsabi ko, 'Ang sexy mo na!'" ang naging hirit ng senador.

Sa seryosong tono, sabi ni Senator Kiko, "I give her encouragement, sinasabi ko sa kanya na kaya niya 'yan, na magagawa niya 'yan, konti na lang. Ako ay isang hamak na cheerleader lamang sa kanyang efforts na nakikita ko naman na nagkakaresulta."

Parte din ng routine niya ang pag-eehersisyo.

"Ako, regular din talaga ever since ang exercise ko. Pero magkaiba kami ng routine. Nasa isang kuwarto siya. Ako naman sa labas. Pero we both put... importance on health," sabi niya.

KC & PIOLO. Hindi rin naiwasan na mapag-usapan ang kanilang mga anak.

Una na rito ang kanyang adoptive daughter na si KC Concepcion at ang pag-amin ni Piolo Pascual ng kanilang relasyon.

Naging maikli ang naging pahayag ng senador nang hingan siya ng kanyang opinion tungkol sa relasyon ni KC at ni Piolo.

"Basta we have met on several occasions. He has joined us on a number of our family gatherings," aniya.

Dagdag pa niya, "Kung masaya si KC, siyempre happy din ako. Kung saan siya masaya, ika nga, masaya din kami."

Bukod kay KC ay biniyayaan sina Senator Kiko at Sharon ng dalawa pang anak na babae na sina Frankie at Miel.

Meron din silang bunso na lalake na si Baby Miguel na kung saan inaayos pa ang adoption papers nito.

Sa kasalukuyan daw ay kuntento na silang mag-asawa at hindi na sila nagbabalak na magkaroon pa ulit ng isa pang supling.

"We are adopting a boy. Four na yun, e. Sa akin, e, kailangan mabigyan ng panahon at oras ang bawat isa sa kanila. Tsaka mahirap nang mabuntis si Sharon, medyo marami nang mga kumplikasyon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Maybe, maybe...we are happy now with four. Ang obligasyon ng mga magulang, dapat lahat ng mga anak ay bigyan ng tamang oras at panahon kaya kung dadagdagan pa namin 'yan, e, di mababawasan ang oras ng bawat isa," paliwanag ni Senator Kiko.

Paano nga ba niya nama-manage ang time niya?

"Ako, simple lang, basta lahat ng mga bagay na pinasukan ko, dapat 110 percent. Bilang senador, bilang asawa, bilang ama, bilang partner dito. Disiplina lang na balansehin ang oras at hindi napapabayaan ang bawat larangan," sabi niya.


SECRET OF A SUCCESSFUL MARRIAGE. Bago matapos ang interview ay tinanong ng press si Senator Kiko kung ano nga ba ang sikreto ng kanilang pagsasama ng Megastar?

"Simple lang yung samahan namin ni Sharon," sagot niya. "Magkasundo kami. Sa araw-araw ng aming pagsasama, ginagawa niya yung gusto niya, at ginagawa ko yung gusto niya.

"Tsaka ako ang laging may huling salita sa bawat debate, I have the last say... Yes dear," biro nito.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN