Liezl Sicangco wants daughters Queenie and Kylie Padilla to return to Muslim faith

"Gusto ko lang sana iparating sa dalawa kong anak, Kylie at Queenie, na bumalik na sila sa pagka-Muslim. Sa nakikita ko kasi, hindi nakakabuti sa mga anak ko ang pag-aartista kung di rin naman sila nakakasunod sa kagustuhan ng Panginoong Allah," says Liezl Sicangco.


Nakatanggap ang PEP (Philippine Entertainment Portal) ngayong araw, March 22, ng text message mula kay Liezl Sicangco na may kahilingan para sa kanyang dalawang anak na sina Queenie at Kylie Padilla.

Nasa Australia si Liezl samantalang parehong nasa Pilipinas ngayon ang mga anak nila ng dati niyang asawa na si Robin Padilla.

Ayon kay Liezl, "Gusto ko lang sana iparating sa dalawa kong anak, Kylie at Queenie, na bumalik na sila sa pagka-Muslim. Sa nakikita ko kasi, hindi nakakabuti sa mga anak ko ang pag-aartista kung di rin naman sila nakakasunod sa kagustuhan ng Panginoong Allah.

"Inaamin ko hindi po ako perfect na tao, bumalik lang ang faith ko two months ago. Mahirap po talaga na wala ang Panginoon sa buhay ng tao. Sana magtuluy-tuloy na ang aking pananampalataya. God willing..."

Ayaw naman magsalita si Liezl kung ano ang mga reklamo nito sa dalawa niyang dalagang anak dahil baka isipin raw ni Robin na nakikigulo siya sa promo ng pelikula nila ni Mariel Rodriguez na Tum, My Pledge of Love.

Kaya raw nagpadala si Liezl ng ganung text message dahil nag-aalala na siya sa nakikita niya sa mga anak niya.

"Mabuti pa dati nung Muslim sila, hindi ko nakikitang naka-mini-skirt sila. Hindi ko na kasi nagustuhan ang ayos nila ngayon," bahagi ng pahayag ni Liezel nang nakausap namin siya sa telepono.

Matagal na raw niyang hindi nakakausap si Kylie, pero si Queenie ay madalas naman daw tumatawag sa kanya.

Aware din daw si Liezl sa pagkaka-link ni Kylie kay Aljur Abrenica. Hindi naman daw siyang tutol kung tatanggap na ng manliligaw ang anak dahil 18 na raw ito.

Pero sana raw ay huwag naman masyadong magmamadali si Kylie dahil bata pa ito.

Sana raw ay makausap niya ito para mapayuhan niya pagdating sa pagtanggap ng manliligaw.

Ang inaalala lang ni Liezl ay parang ang laki ng ipinagbago ng ayos ng mga dalaga niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dahil daw sa mga trahedyang nangyayari, sana raw ay magbalik-loob na ang dalawang anak niya at hindi iyung mga nababalitaan niya at nakikita sa TV.

Hindi pa nakausap ng PEP si Kylie, pero ipinarating namin sa manager niyang si Betchay Vidanes ang pahayag ni Liezl. Naintindihan naman daw niya ang ipinag-aalala ni Liezl kaya kakausapin daw niya si Kylie.

Napapabalita na rin kasing madalas na nakikitang magkasama sina Kylie at Aljur, pero ganun pa rin naman ang sagot nila—na magkaibigan lang daw talaga sila.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN