Frencheska Farr still gets shy in front of crush and Captain Barbell co-star Richard Gutierrez

"Actually, hanggang ngayon nga, nag-a-adjust ako kasi nahihiya pa rin po ako, e. Kahit na po ilang beses ko na siyang nakasama sa shoot, nahihiya pa rin po talaga ako. Pag kakausapin niya ako, natatameme ako, e," says Frencheska Farr about Captain Barbell co-star Richard Gutierrez.


Hindi naman daw disappointed ang singer-actress at Are You The Next Big Star? female winner na si Frencheska Farr sa hindi niya pagkakapili bilang isa sa leading ladies ni Richard Gutierrez sa Captain Barbell.

Nabalita kasi noon na isa si Frencheska sa napipisil para maging leading lady ng aktor para sa pagbabalik ng Mars Ravelo superhero sa telebisyon. Ngunit ang mga gaganap na leading ladies ni Richard ay sina Lovi Poe, Isabel Oli, Solenn Heussaff, at Michelle Madrigal.

"Actually, hindi naman ako disappointed. Kasi ang tingin ko dun, dahil medyo nai-intimidate nga ako kay Richard, ewan ko ba kung bakit—so parang feeling ko noon, baka malaki yung role na leading lady para sa akin.

"Kaya nga nung sinabi sa akin na best friend ni Isabel [Oli] yung role ko, okay lang. Parang nabunutan ako ng tinik kasi natakot din ako na baka hindi ko magampanan yung role nang maayos," sabi ni Frencheska.

Na-interview ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Frencheska sa Gloria Maris restaurant pagkatapos ng special press screening ng pilot episode ng Captain Barbell kagabi, March 24, sa Cinema 2 ng SM The Block. Mapapanood ang Captain Barbell sa GMA-7 simula sa Lunes, March 28.

Bakit naman siya nai-intimidate kay Richard? Crush niya ba ito?

"Siguro ganun na nga. Kasi siyempre, nung hindi pa ako nagso-showbiz, nung hindi pa ako kumakanta sa TV, napapanood ko na siya. Crush na crush ko siya noon. Tapos ngayon, kaharap ko na siya at kinakausap niya ako. Nahihiya ako," rebelasyon ni Frencheska.

Kahit nga nagkatrabaho na sila ng aktor bilang leading man niya sa kanyang first music video, sa kantang "Today I'll See The Sun," ay nahihiya pa rin daw siya sa aktor.

"Actually, hanggang ngayon nga, nag-a-adjust ako kasi nahihiya pa rin po ako, e. Kahit na po ilang beses ko na siyang nakasama sa shoot, nahihiya pa rin po talaga ako. Pag kakausapin niya ako, natatameme ako, e."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang mga qualities ni Richard na hinahangaan niya kaya niya naging crush ito?

"Actually, type ko po talaga yung hitsura niya. Guwapong-guwapo, wow, Richard Gutierrez! Kaya nung na-meet ko siya in person, grabe, talagang natameme ako!

"Nung nakilala ko siya, hindi ko akalain na kakausapin niya ako. Ganun yung feeling ko na, 'Wow, si Richard Gutierrez kinausap ako!'

"Ang bait pala niya. Hindi lang pala siya guwapo, ang bait pa niya. Pantay-pantay ang tingin niya sa lahat ng cast. Kahit na bago ako, hindi niya ako iniitsapuwera. Kinakausap niya ako at kinukumusta," kuwento ng 18-year-old singer-actress.

FIRST TELESERYE. Ang Captain Barbell ang unang teleseryeng kalalahukan ni Frencheska kaya excited daw talaga siya.

"Ito yung first teleserye ko sa GMA. Nung sinali po nila ako sa Captain Barbell, malaking blessing po iyon para sa akin. Kasi na-feel ko po talaga na pinu-push ako ng GMA, hindi lang sa singing kundi pati sa acting. And okay na okay po ako doon kasi yun naman po talaga ang gusto ko, e. Gusto ko rin naman pong ituloy yung nasimulan ko na si Emir."

Ang Emir ang first movie ni Frencheska na directed by Chito Roño. Kahit baguhan lang siya ay pinuri ng maraming kritiko ang magaling na pagganap niya rito.

Bagamat hindi siya naging leading lady ni Richard sa Captain Barbell, masaya pa rin si Frencheska dahil kasama siya sa cast at maganda pa ang role na ibinigay sa kanya bilang si Celina, isa sa superheroes na makakasama ni Captain Barbell sa Liga ng Kalayaan.

"Tuwang-tuwa ako kasi yung role ko, boses ang ginagamit. Nasa boses ang powers ko. Kumakanta ako. Tapos, sa tingin ko, yung role ko rito, madaling ma-appreciate ng mga bata kasi kikay ako, madaldal, makulit.

"Sobrang layo nung character ko dito sa character ko sa Emir. Kasi sa Emir, ang bigat, e. This time, sa Captain Barbell, ilalabas ko naman yung brighter side ko na hindi pa nakikita ng mga tao sa akin, yung pagiging masayahin on cam."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ba ang kayang gawin ng "powers" niya?

"Kaya ng boses ko na patalsikin ang mga tao kapag sumisigaw ako. Kaya ko ring magpatulog ng mga tao. Depende kasi sa kanta ko, naa-adjust yung powers ko," sabi ni Frencheska.

THEME SONG PRINCESS. Kahit na busy ngayon sa acting si Frencheska ay hindi naman daw niya pinababayaan ang kanyang singing career.

"Up to now po, pino-promote ko pa rin yung first album ko, yung Inside My Heart. Meron pa rin akong mall shows. At saka every Sunday po ay napapanood pa rin akong kumakanta sa Party Pilipinas.

"Hindi ko po puwedeng pabayaan ang pagkanta ko dahil yun talaga ang first love ko. Happy lang ako na binibigyan din ako ng break ng GMA sa acting. Kaya ko naman pong pagsabayin ang singing at acting."

Tinatawag ngang "Theme Song Princess" si Frencheska dahil madalas siya ang napipili ngayon ng GMA para kumanta ng theme song ng mga Kapuso shows, gaya ng "Ang Pag-ibig Kong Ito" ng toprating Korean drama na Temptation of a Wife at ang "Everytime" ng teen drama na Tween Hearts.

Si Frencheska rin ang kumanta ng love theme ng Captain Barbell, titled "Isama Mo Ako," na second single din niya sa kanyang album.

Ano ang feeling na bukod sa pagiging cast member ay may contribution din siyang kanta sa show nila?

"Actually, kanina nung nanonood ako ng pilot episode, para akong kinikilabutan sa mga nangyayari. Nakaupo ako at pinapanood ko yung sarili ko, tapos boses ko pa yung naririnig sa love theme. Parang, wow, sunud-sunod lang talaga ang blessings! Natutuwa ako kasi yung kanta ko, ginawa siya for Captain Barbell talaga."

LIVING UP TO HER TITLE. Aminado si Frencheska na nabibilisan siya sa nangyayari sa kanyang career dahil after more than one year pa lang ay nakagawa na siya ng album, pelikula, at TV shows.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nabibilisan po talaga ako, pero masayang-masaya ako!" sabi niya.

Pakiramdam ba niya ay napu-fulfill na niya ang titulong napanalunan bilang female winner ng Are You The Next Big Star?

"Napi-feel ko na talaga na eto na," sagot niya. "Kailangan ko nang ituloy ito. Pinagpe-pray ko rin na huwag maputol, tuluy-tuloy lang. Ginagalingan ko naman at ibinibigay ang best ko para hindi naman sayang ang effort ng mga taong tumutulong sa akin.

"At saka gusto ko ring ipakita sa maraming tao na may dahilan kung bakit ibinigay sa akin ang ganitong opportunity. Siyempre, may mga nagsasabi na sa dami ng singers sa GMA, bakit ako ang nabibigyan ng magagandang projects. Gusto kong ipakita na I deserve kung ano yung ibinibigay sa akin ng network."

ACTING NOMINATION. Isa rin sa blessings na tinanggap ni Frencheska ang kanyang first acting nomination sa Breakthrough Performance by an Actress category ng 8th Golden Screen Awards ng Entertainment Press Society (ENPRESS) para sa Emir.

Nominado rin sa naturang kategorya sina Andi Eigenmann (Mamarazzi), Carla Abellana (Shake Rattle & Roll 12: "Punerarya" episode), at Maxx Eigenmann (Romeo and Juliet).

"Nagulat ako doon. Sinabi nga sa akin na nominated ako. Pag-check ko sa website ng Golden Screen, ang daming nominations pala ng Emir!

"Nakakatuwa na nabigyan ng ganung recognition yung Emir. Tapos, na-nominate pa ako. Malaking karangalan yung ma-nominate, di ba? Ang kalaban ko pa, magagaling din!

"Ako, kahit hindi manalo, okay lang ako. Kung mananalo naman, siyempre sobrang magiging masaya ako," sabi ni Frencheska.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN