Jomari Yllana says friend Ronald Singson's return is more important than their business venture

"Ang partnership, ano 'yan, e, walang iwanan 'yan hanggang sa huli, lalo na pag may pinagdadaanan yung kaibigan ko. Ang tunay na pagsubok sa pagkakaibigan is doon...sa mga pagsubok na dumarating sa inyo. Doon mo makikita kung gaano katatag ang mga magkakaibigan, at natutunan ko 'yan kay Ronald," says Jomari Yllana (in photo) about Ronald Singson, a former congressman currently serving an 18-month prison term in Hong Kong because of drug trafficking.


Si Jomari Yllana ang isa sa celebrities na sumali sa Nivea Sun Summer Rush event na ginaganap ngayong weekend sa Misibis Bay, Cagraray Island, Albay.

Siya ang team captain ng Yellow Team, pero hindi nga lang sila nagwagi sa adventure race, na isa sa summer activities ng naturang Nivea event.

Bago nagsimula ang kanilang race kaninang hapon, March 25, nagpaunlak si Jomari ng interview sa PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press na nag-cover ng event.

Pero nakiusap itong huwag nang pag-usapan ang tungkol sa sentimiyento ni Ilocos Governor Chavit Singson tungkol sa "fair-weathered friends" ng anak niyang si Ronald Singson. Kabilang na umano riyan ang aktor. (CLICK HERE to read related story.)

Nilinaw lamang ni Jomari na may pinagdadaanan din siya ngayon dahil sa sinapit ng "best friend" niyang si Ronald Singson, na ngayon ay nagsi-serve ng 18 buwan niyang sentensya sa isang Hongkong prison matapos ma-convict ito sa drug-trafficking charges.


BUSINESS IS LAST PRIORITY. Sa ngayon ay hindi na raw muna magiging active ang Fearless Productions na pinagsamahan nina Jomari at Ronald.

Ang Fearless Productions ang nag-produce ng reunion concert ng dating mag-asawa na sina Martin Nievera at Pops Fernandez, at ang back-to-back concert ng American Idol Season 7 winner and runner-up na sina David Cook at David Archuleta, respectively.

Ayon kay Jomari, wala raw muna silang mga concert na ipu-produce. Hintayin na lang daw ang paglabas ni Ronald at ang pagiging handa na nitong magtrabaho uli. Obvious naman daw na naapektuhan ang kanilang production company dahil sa pinagdadaanan ngayon ng kanyang kaibigan.

"Naapektuhan in the sense na hindi ko kayang gumalaw na wala siya. I prefer na mag-slow down nang konti at antayin siya. Pagdating sa kanya, parang napakadali ng lahat, e," malungkot na pahayag ni Jomari.

Pero ang mas concern daw niya sa ngayon ay makabalik na sa ating bansa si Ronald at hindi na raw muna nito iniisip ang kanilang negosyo. Isa raw siya sa pinakamasayang tao kapag nakita na niya sa ating bansa ang matalik na kaibigan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Actually, sa totoo lang, yung negosyo is the last of my priorities, e," pakli nito.

"I would rather have my friend backā€”more than the negosyo, more than the concerts, more than any show. I would rather have my friend happy back home."

Sa kanilang partnership sa Fearless Productions, marami raw siyang natutunan kay Ronald sa negosyo. Pero ang pinakamahalaga raw sa kanya ay ang kanilang friendship, kaya yun daw ang ipinagdarasal niya sa ngayon.

VISITING RONALD. Nadalaw na raw ni Jomari si Ronald sa Hong Kong nung nakaraang taon. Pinag-iisipan nitong dalawin sa kulungan ang kaibigan, pero hindi pa raw niya masabi kung kailan at kung puwede siyang makapasok.

Ang pagkakaalam daw niya ay limitado lang ang puwedeng makadalaw, pero susubukan daw niyang maka-request na sana ibigay sa kanya ang isang slot na puwedeng dumalaw sa nagbitiw na kongresista.

Ang tanging suportang maibibigay raw niya sa ngayon ay ipagdasal na sana malagpasan na ni Ronald ang mga pangyayaring ito.

Ani Jomari, "Lalo akong naka-focus sa kanya, spiritually lalo. Physically, hindi masyado dahil hindi naman puwedeng makasama natin agad-agad, kasi meron siyang kinalalagyan ngayon sa akin.

"Ang partnership, ano 'yan, e, walang iwanan 'yan hanggang sa huli, lalo na pag may pinagdadaanan yung kaibigan ko. Ang tunay na pagsubok sa pagkakaibigan is doon sa mga pangyayari na pinagdadaanan n'yo, yung mga pagsubok na dumarating sa inyo. Doon mo makikita kung gaano katatag ang mga magkakaibigan, at natutunan ko 'yan kay Ronald."

Kaya iniiwasan daw ni Jomari na magbigay ng anumang reaksiyon sa sinabi ni Governor Chavit Singson ay dahil hindi raw niya alam kung ano ang pinanggalingan nito.

Hindi rin daw niya alam kung meron nga bang tampuhan dahil hindi naman daw nagbago ang pagiging magkaibigan nila ni Ronald.

"Sa totoo lang, hindi ko alam talaga. So, pag dumarating yung panahon na hindi mo alam, hindi mo alam kung ano yung nasa harap, hindi mo alam kung ano yung nasa likod, sa akin, pag dumarating ako sa punto na ganyan, nagdarasal na lang ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Respeto na lang. From the beginning, mula nang makilala ko sila, respeto lang para sa kanila," sabi ni Jomari.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN