Wendell Ramos gets warm welcome from TV5 co-stars: "Happy ako kasi hindi nila ipinaramdam sa akin na ako yung bagong-pasok sa show."

Wendell Ramos explains why he's happier these days: "'Yong magandang plano nila (TV5) for my career, doon ako napa-oo. Bukod sa TV shows ay gagawa rin daw ako ng movie for them. Ang importante rin ay wala kang binu-burn na bridges... hindi mo rin naman masasabi kung magtatrabaho ka ulit sa istasyon (GMA-7) na yun, di ba?"


Masaya si Wendell Ramos dahil mainit ang naging pag-welcome sa kanya ng mga co-stars niya, pati na rin ng production staff, sa sitcom ng TV5 na Hapi-er Togeder. Ito at napapanood tuwing Martes ng gabi pagkatapos ng Mga Nagbabagang Bulaklak.

"Happy ako kasi hindi nila ipinaramdam sa akin na ako yung bagong-pasok sa show. Maganda agad ang treatment nila sa akin sa first taping pa lang. At saka yung iba naman sa kanila nakatrabaho ko na rin before sa kabilang istasyon.

"Si Kuya Joey (Marquez) matagal ko nang kakilala, at saka dati kaming hawak ni Tito Dougs," sabi ni Wendell. Ang tinutukoy na Tito Dougs ay ang yumaong si Douglas Quijano, na manager din dati nina Richard Gomez, John Estrada, Lucy Torres, at marami pang iba.

Kumportable rin daw siya agad sa ibang cast ng sitcom na kinabibilangan nina Long Mejia, Leo Martinez, Nova Villa, Soxy Topacio, Tuesday Vargas, Keanna Reeves, Kean Cipriano, Carla Humphries, Princess Ryan, Jon Avila, Gerald Yranon at Sammy Lagmay.

Pati ang direktor nilang si Al Tantay ay nakasuporta rin sa kanya.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Wendell sa press visit sa taping ng Hapi-er Togeder sa RSVP Studios sa Sucat, Parañaque last March 31.

HAPPY KAPATID. Ayon kay Wendell, bagay na bagay raw ang title ng show sa kasiyahang nararamdaman niya ngayon bilang isang Kapatid pagkatapos niyang lumipat sa TV5 mula sa GMA-7.

"Happier? Masasabi nating ganun dahil nakikita naman ng mga tao na hindi lang isa ang show ko dito sa TV5. Dere-deretso akong napapanood ng mga tao dito sa Hapi-er Togeder at sa Babaeng Hampaslupa.

"Okay din naman doon sa pinanggalingan kong network, kaya lang ngayon mas hindi pa kami ganun karami dito sa TV5 kaya mas maraming trabaho rin ang naibibigay sa mga stars nila. Siguro right timing lang din. I feel blessed at masasabi ko na happier talaga," aniya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagpapasalamat nga raw siya sa bagong manager niya na si Perry Lansigan at binuksan nito ang oportunidad na makapagtrabaho siya sa ibang network. Si Perry ay manager din nina Dingdong Dantes, Jolina Magdangal, Goeff Eigenmann at marami pang iba.

Pero ano ba ang dahilan at pinili niyang lumipat sa TV5?

"Siguro para ma-explore din namin at para maiba rin. Napagdesisyunan namin ni Perry na i-try ko naman sa ibang istasyon. Nagpaalam kami sa GMA at maayos naman lahat."

Isang factor din ba na malaki ang offer ng TV5?

"Hindi ko naman ide-deny iyan, kasi sa panahon ngayon siyempre naghahanap ka rin naman kung saan ka kikita ng mas malaki. Pero ang mas malaking factor ay iyong magandang plano nila for my career, doon ako napa-oo.

"Bukod sa TV shows ay gagawa rin daw ako ng movie for them. Ang importante rin ay wala kang binu-burn na bridges... hindi mo rin naman masasabi kung magtatrabaho ka ulit sa istasyon na yun, di ba?"

Two years non-exclusive contract ang pinirmahan ni Wendell sa TV5.

SAYING GOODBYE TO BUBBLE GANG CAST. Hindi na bago sa comedy show si Wendell dahil noong nasa GMA-7 pa siya ay regular siyang napapanood sa Bubble Gang. Marami raw siyang natutunan sa show na nagagamit niya ngayon sa Hapi-er Togeder.

"Napakalaki ng naitulong ng Bubble Gang sa akin. Although magkaiba nang konti ang format kasi gag show yun, sitcom naman itong Hapi-er Togeder.

"Sa Bubble Gang kasi parang lagi kang nagwo-workshop dahil iba-ibang sketches ang ginagawa namin doon. Wala kang mini-maintain na character, unlike dito sa Hapi-er Togeder.

"So, kumbaga, pagdating ko dito, medyo hasa na rin tayo sa mga dapat gawin."

Kumusta naman ang friendship niya sa mga iniwang kasamahan sa Bubble Gang?

"Okay naman. Sina Ogie [Alcasid], Bitoy [Michael V], Antonio [Aquitania], nakakausap ko pa naman."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang sinabi sa kanya nina Ogie at Michael V noong last taping day niya?

"Actually, hindi nila alam na lilipat na ako. Naririnig lang kasi nila. And then nung last taping day ko, nilapitan ko sila isa-isa—yung apat, sina Antonio, Ogie, Michael V, at Boy2 (Quizon).

"Sinabi ko sa kanila na lilipat na ako. Nagpaalam ako nang maayos para walang isyu.

"Sabi ni Ogie, 'Okay, good luck. Okay yan. I'm happy for you.' Si Michael V ganun din. Sabi niya sa akin, 'Walang problema.'

"Tapos tinanong niya ako kung nagsisisi ba ako sa desisyon ko kasi nakita niya ako tahimik lang sa isang tabi. Sabi ko, 'Hindi naman nagsisisi. Pero siguradong mami-miss ko kayo. Kasi syempre matagal ko na kayong kasama e.'

"Sabi ni Michael V, 'Huwag mong isipin yan kasi mahihirapan ka lang. Isipin mo lang na nandito pa rin kami, nandito pa rin ako para sa iyo. Alam mo naman ang bahay ko, e.' So, natuwa ako doon sa sinabi niya."

ANTONIO AQUITANIA. Sa mga kasamahan niya sa Bubble Gang, si Antonio raw ang talagang apektado sa pag-alis niya dahil best friend niya ito at silang dalawa ang tandem talaga.

"Tandem kami, e. Kumbaga kung may Ogie at Michael V, meron namang Wendell at Antonio. Nung nagpaalam nga ako, sabi ko, 'Pare, lilipat na ako.'

"Tahimik lang siya. Actually, siya yung malungkot noon e. Kasi buddy-buddy talaga kami, e.

"Pero hindi naman nawala yun kasi pumupunta pa rin siya sa bahay. Nagba-basketball kami. Minsan binibisita niya ako sa taping."

Kay Wendell nalaman ng PEP na may posibilidad din na lumipat si Antonio sa TV5. May kinalaman ba siya rito kung sakaling matuloy ngang lumipat ang kaibigan niya?

"Wala naman. Desisyon niya yun, e. Kasi ang alam ko, hindi lang naman ako ang may offer sa TV5. Kaya nga nagkakaroon sila ng non-exclusive contract sa other artists. Kasi hindi naman sila naghihigpit sa artists nila."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang advice na ibibigay niya kay Antonio?

"Siya lang naman ang makakapagdesisyon talaga niyan, e. Kung ano yung sa tingin niya ang mas makakabuti sa kanya.

"Kung matutuloy siya sa TV5, magpaalam lang din siya nang maayos sa GMA-7 kasi malaki rin naman ang utang na loob namin sa GMA, dahil inalagaan din nila kami for 15 years.

"Basta kahit nasaan man siyang network, nakasuporta lang ako lagi sa kanya. Kung mapupunta siya sa TV5, mas masaya dahil magkakasama na naman kami."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN