Danita Paner avoids asking boyfriend JC de Vera about his ex-girlfriends; recalls her stowaway days

"Gusto ko muna itong gawin kasi ngayon lang dumadating yung ganitong opportunity, e. Kasi suwerte ako sa TV5. Bago pa lang ako, ginawa na akong isa sa mga prinsesa ng primetime," says Danita Paner about stalling her studies to concentrate on her showbiz career.


Kumbinsido na si Danita Paner na ang pag-aartista talaga ang pupuntahan niyang career, lalo’t marami siyang shows sa TV5 kunsaan siya nakakontrata ngayon.

Ilan sa shows niya ay ang Sunday youth-oriented musical show na Fantastik at ang upcoming series na Bangis, na pagbibidahan ni Oyo Sotto.

Pero bago ito, naging leading lady si Danita ng real-life boyfriend niyang si JC de Vera sa natapos nang series na My Driver, Sweet Lover. Siya rin ang naging love interest ng comedian na si Empoy sa weekly romantic series na Luv Crazy.

Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Danita, nasa tono ng dalaga ang pagkainip sa susunod na project na pagsasamahan nila ni JC.

"Wala pa nga, e. Hindi pa kasi siya tapos kay Jasmine Curtis. Meron pa kasi silang ginagawa, yung Utol Kong Hoodlum," sabi niya.

Secure naman daw si Danita sa relasyon nila ni JC kaya dedma siya sa mga tsismis na nagli-link sa aktor kay Jasmine.

"Gano’n talaga. Pero pag na-in love ’yan sa iba, e, di wala na. Tapos na! Hindi, joke lang!" biglang bawi nito.

PROUD OF JC. Ayon kay Danita, anim na buwan na ang relasyon nila ni JC.

"Kasabay ng MyDSL [My Driver Sweet Lover]. Actually, bago pa mag-start yung show namin, lumalabas na kami. Mga six months," pag-amin niya.

Dahil sa respeto at pagmamahal ni Danita kay JC, nabawasan daw ang paglabas-labas niya para gumimik sa gabi.

"Oo nga, di ba? Nagkikita tayo sa Republiq," banggit niya nang minsang nagkita kami sa nasabing dance bar. "Nagpupunta lang ako doon pag kasama ko si IC [Mendoza]."

Hindi ba nagagalit si JC kapag lumalabas siya?

"Ay, siyempre, hindi nga rin maganda na lalabas ako na hindi siya kasama. Babae ako, di ba? Pag ako nagtatrabaho, tapos siya gumimik, siyempre ano rin sa akin yun. Saka hindi na rin ako tumatagal. Gusto namin chill lang," sabi ni Danita.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayaw na rin ni Danita na may mga ibang lalake na lumalapit sa kanya kapag nagba-bar siya.

"Oo, may mga lumalapit talaga, ang kakapal ng mukha!" tawa niya. "Ipinapakita ko talaga yung wallpaper ng cell phone ko sa kanila. ’Picture ng boyfriend ko! JC de Vera!’ Ang sungit ko!

"Proud talaga ako, wallpaper ko talaga siya. Kasi, gusto ko may assurance naman siya kahit lalabas ako na hindi ko siya kasama."

JC’S EX-GIRLFRIENDS. Wala raw masyadong alam si Danita sa mga girlfriends ni JC, gaya nina Michelle Madrigal at Rhian Ramos.

Nakabalita lang siya ng ilang mga detalye sa pinagdaanan ni JC sa dalawang Kapuso stars mula sa mga kuwentong naririnig niya sa press.

Nang malaman ni Danita na hindi umano proud si Rhian sa naging relasyon nila ni JC, nag-comment ito ng: "Ay, masakit nga naman nun." Pero bumawi naman siya sa pagsasabing maaaring may mga dahilan ang mga ex ni JC.

"Siguro may mga kanya-kanya naman silang reason, puwedeng sa career," sabi niya.

Ano ba ang kuwento ni JC tungkol sa mga ex niya?

"Ay, hindi namin pinag-uusapan. Very sensitive naman yun. Nahihiya ako.

"Ako, nagkukuwento ako pag nagtatanong siya. Inaasar ko siya minsan. Pero nahihiya akong magtanong.

"Pero minsan, sasabihin ko sa kanya na, ’Uy, ang laki ng billboard ni ano!’ Gano’n lang [dedma] siya habang nagda-drive," kuwento ni Danita.

Hindi raw talaga nagkukuwento si JC tungkol kay Rhian.

"Sensitive kasi, e. Siyempre kami, nirerespeto namin kasi past na yun, e. Eto na yung ngayon. Pero iniisip ko nga, ’Bakit sensitive?’ Sa akin naman, open ako, ’Sige, pag-usapan natin, rock and roll!’ Ewan ko."

Wish ni Danita na sana ay maka-move on na si JC kung anumang namagitan sa kanila ni Rhian.

Kung meron pa raw pagtingin si JC kay Rhian, ayaw nang malaman pa ni Danita.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sa kanya na yun. Huwag lang niya akong lolokohin. Sabi ko nga, ’Kung lolokohin mo ako, please, huwag kang magpahalata.’

"Kasi nung boyfriend ko si Kean [Cipriano], sobrang sensitive ako, emotional ako, e. Nahirapan akong mag-move on no’n," pag-amin niya.

Inamin din ni Danita na nagduda rin siya sa sincerity ng panliligaw sa kanya ni JC noon.

"Noong umpisa, iniisip ko baka mamaya ganyan. So, niloloko ko yun, e. ’Ang dami namang magaganda diyan. Ewan ko kung bakit ako. Gusto ko ng proof. Sabihin mo naman!’

"Kagabi lang yun, e. Natatawa lang siya. ’Bakit ka nagtatanong ng ganyan?’ ’Wala, gusto ko lang marinig.’ Nagbibiruan lang kami.

"Ayaw ko kasing madalas na magbiro ng mga ex niya, e. Pero ako, okey lang yung tungkol sa amin ni Kean. Nasa YouTube pa yata yun. Yung mga The Buzz-The Buzz namin ni Mommy [Daisy Romualdez] na ayaw ko nang maalala, dyusko! Saklap!"

ISTOKWA. Parte na raw ng buhay ni Danita na hindi niya maaalis ang ginawa niyang paglalayas noon.

"Ang dami ngang nagtatanong sa akin, ’Dati rebelde ka! Ganyan! Pinagsisihan mo ba yung mga ginawa mo yung paglalayas?’ Sabi ko, kung hindi ako umalis sa amin, hindi kami magiging ganito ni Mommy ngayon.

"Marami kaming natutunan sa isa’t isa na kahit anong sa iyo ng magulang mo in a negative way, ang intention lang nila ay mapabuti ka. Very cliché, pero totoo yun.

"Biruin mo, ako ang magluluto ng breakfast tuwing umaga. Minsan wala kang pangkain. Hindi ako makapunta sa mall dahil wala akong pambili. Ang sakit-sakit no’n sa akin. Gano’n yun for one year and two months.

"Pinanindigan ko talaga siya. Pero later part, kasama ko na yung daddy ko. Pero kahit lumayas ako no’n, nag-aaral ako," kuwento ni Danita.

Saan siya tumira noong naglayas siya?

"Una sa friend ko, tapos kay Daddy [Manny Paner]. Kinuhanan ako ng condo ni Daddy na malapit sa school ko sa Eastwood Libis."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang paglalayas daw ni Danita ang rason ng breakup nila ni Kean noon.

"Nag-break kami kasi galit na galit siya kasi ayaw niyang lumayas ako. Alam niya kasing pag lumayas ako, siya ang guguluhin. So, naghiwalay kami for two months ’ata. Tapos, no’ng nag-enroll ako, nagkita kami. Hindi niya kinaya, binalikan ako.

"Sobrang gulo-gulo. Kaya no’ng natapos na nagpunta ako ng States for three months, nag-restart ako ng utak," pagbabalik-tanaw ni Danita.

Ang Daddy Manny raw niya ang tumulong sa kanya para makatawid ng buhay noong panahong wala siya sa poder ng Mommy Daisy niya.

"Kasi noong una, hindi alam ng daddy ko. Kasi noong lumayas ako, ang dala ko lang pera, thirty thousand. Nag-ipon talaga ako. Tumagal siya for three months.

"Ang payat-payat ko. Tumira ako sa friend ko. Buti libre lahat. Mayaman naman siya.

"Nakakaloka nga kasi nagbu-Boracay ako noon, ang dala kong pera P2,500 for two weeks. Pag naiisip ko yun, ’Paano kong nagawa yun?’ Ang mga kinakain ko lang, yung mga mumurahing burger lang.

"Kasi, may kamag-anak naman ako. Basta, gano’n. Palagi namang may sumasalong kamag-anak sa akin. Pero pag iniisip ko talaga, ’Paano ko nagawa yun?’"

RECONCILIATION. Kuwento pa niya, "Kasi sinet-up yung pagbabati namin ni Mommy. May gig ako sa MYX, sa Mall of Asia, isang malaking event. Gumigig ako sa banda, 250, 500 pesos yung bayad sa akin.

"Sabi ng Tita ko, ’Uy, may ipakikilala ako sa iyo.’ ’Sino ’yan?’ Si Mommy naglalakad papunta sa loob. Takot na takot ako. Magagalit ba sa akin? Sasampalin ba ako? Sasabunutan o tatadyakan? Hindi. Lumapit lang siya sa akin, tapos niyakap niya ako.

"After a month, bumalik na ako sa house namin. Inunti-unti niya ako. Pag uwi ko, iba yung pakiramdam. May pagkain na masarap, may aircon na pagkalamig-lamig.

"Wala na akong kagat na mga kung anu-ano... Meron namang aircon doon sa tinitirhan ko. Tapos yung aparador ko, bumibigay. Saklap talaga!

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero pag iniisip ko, ang saya. Saka may magandang ending kahit paano. Kasi si Mommy, hindi talaga kami noon nagkakasundo," mahaba niyang kuwento.

Hindi na raw nakikialam ang mommy niya sa lovelife, pero hindi raw iyon ang rason ng kanyang paglalayas.

"Ang pinag-awayan talaga namin, yung gusto kong mangyari sa buhay ko. Ang gusto ko lang noon, magbanda. Kasi may album ako with Viva [Records].

"Ang gusto ko lang that time, magbanda at mag-aral. Gusto talaga niya [Mommy Daisy], mag-artista ako. Hindi siya masyadong supportive sa school ko, sa lahat.

"Ang ano lang naman niya, ’Mag-artista ka para makaipon ka.’ Mas gusto talaga niya mag-showbiz ako kaya kami nag-clash. ’Teka, mali ’yan!’ Nag-away talaga kami.

"Tapos, nag-boyfriend pa ako... Talagang magulo. Yung daddy ko, kakampi ko. Gusto ko talaga mag-aral kaya nga kahit lumayas ako, nag-aaral pa rin ako.

"Kaya ang dami ngang nagsasabing mga reporters na akala nila hindi ako magsu-showbiz, bakit ngayon nag-aartista ako. Sabi ko, ’People change. Sinuwelduhan po ako, nagbago po utak ko,’" nakangiti niyang sambit.

Dalawang taon lang ang inabot ni Danita sa pag-aaral pero balak niya itong ipagpatuloy kapag nakaipon na raw siya.

"Gusto ko muna itong gawin kasi ngayon lang dumadating yung ganitong opportunity, e. Kasi suwerte ako sa TV5. Bago pa lang ako, ginawa na akong isa sa mga prinsesa ng primetime.

"Pumirma na ako ng exclusive contract for three years. Noong August last year pa, no’ng nag-start yung My Driver... Kasabay yung pagpirma ko kay Tita Annabelle [Rama] as my manager at sa TV5."

Si Danita na ang humahawak ng sarili niyang pera at binibigyan na lang daw niya ang Mommy Daisy niya.

"Nag-stop nga. Mga tatlong buwan na akong hindi nagbibigay, baka nagagalit na yun sa akin. Kailangan ko nang magbigay.

"Kaya naman ako nag-iipon dahil gusto kong bumili ng bahay. Pero mukhang mahirap kaya condo muna. Mahirap mag-ipon kasi ang daming gastos," sabi niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN