Ritz Azul draws motivation as dramatic actress from her family’s misfortunes

"Dumating pa sa point na magpapasukan na, gusto ko talagang mag-aral. Yung Papa ko, tatahimik lang. Sasabihin niya, ’Okey lang ba hindi ka mag-aral?’ Sabi ko, ’Okey lang po, Papa. Naiintindihan ko naman po.’ Pero pinilit niya na magkapera kami," recalls Ritz Azul about one of the lowest moments of her life.


Dalawa ang shows ng Star Factor finalist na si Ritz Azul sa TV5—ang primetime series na Mga Nagbabagang Bulaklak at ang youth-oriented musical-variety program na Fantastik.

Sa dalawang shows na ito, ang pagkakaroon ng commercial ads sa Mga Nagbabagang Bulaklak ang ipinagdadasal nang husto ni Ritz.

"Kasi, wala pa po siya hanggang ngayon," pagtatapat ni Ritz sa PEP (Philippine Entertainment Portal) nang makapanayam namin siya sa taping ng Fantastik sa Broadway Centrum studio ng TV5.

Patuloy niya, "Nag-ano nga po kami sa PANA, nag-promote po kami doon kasama po sina Ms. Ruffa [Gutierrez], si Ate Valerie [Concepcion], at saka si Ate Arci [Muñoz]. Ayun nga po, si Ate Arci, talagang bigay-todo sa pagsasalita para magka-commercial na."

Ang PANA, o Philippine Association of National Advertisers, ang grupo ng advertisers na naglalagay ng ads sa mga TV show.

Wish lang naman ni Ritz na magkaroon na ng commercial load ang pinagbibidahan nilang soap ni Arci. Pero hindi naman daw siya nagwu-worry na baka hindi sila pasukin ng advertisers.

"Balita ko po mataas ang ratings, marami raw pong nanonood. Sa akin lang po, sana po magkaroon na ng commercials," asam niya.

Limang taon ang kontrata ni Ritz sa TV5. Kahit mahaba ang taon ng kontratang pinirmahan nito, balewala ito sa young actress dahil alam niyang aalagaan siya ng network.

FROM BAHRAIN TO THE PHILIPPINES. Marami ang humahanga sa potensiyal ni Ritz na maging isang mahusay na drama actress. Sa edad nitong 17, hindi makapaniwala ang mga kasamahan niyang may napaghuhugutan na ang young actress.

"Siyempre po, marami na rin akong pinagdaanan," nakangiti niyang sabi.

"Naranasan ko pong nahirapan nang sobra na walang pera. Tapos yung bahay namin na parang kahoy lang, plywood...sa Pampanga po.

"Naranasan ko na pong magkaroon ng pera. Naranasan ko na pong mawalan ng pera."

Kuwento ni Ritz, maganda ang buhay nila no’ng nasa Bahrain sila. Nagbago lang ang estado ng buhay nila nang magdesisyon ang mga magulang niya na umuwi sila ng Pilipnas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Doon po kasi ako sa Bahrain ipinanganak. Ang father ko, maganda po ang trabaho doon. Ang mother ko naman, pag gusto niyang magtrabaho, makakapagtrabaho naman siya. Parang happy-go-lucky lang yung kami doon.

"Pero no’ng umuwi kami dito sa Pilipinas, ayun, nawala lahat," saad niya.

Parehong Pinoy ang mga magulang ni Ritz. Pero may maliit na porsiyento raw ng dugong Chinese, Indian, at Spanish ang mga ito.

Fifteen years nanirahan sa Bahrain ang kanyang mga magulang. Noong four years old si Ritz ay umuwi na sila sa Pilipinas.

"Noong una kasi, pabalik-balik kami sa Bahrain at sa dito po. Hindi ko alam kung bakit kami nag-stay na dito sa Philippines.

"Pero hindi naman po ako nagsisisi sa pag-uwi namin dito kasi masaya naman ako sa buhay namin. At least, marami akong natutunan.

"Yun nga, nagagamit ko pa siya sa Nagbabagang Bulaklak. Parang nagiging totoo at natural na siya sa akin. Nire-reminisce ko na lang," saad ng young actress.

LIFE EXPERIENCES. Malinaw pa sa isip ni Ritz na noong bumalik sila dito sa Pilipinas ay maayos ang buhay nila. Kaya lang, bumagsak ang pizza business nila.

Kuwento niya, "No’ng time na yun, sa St. Mary’s pa ako nag-aaral no’n. Mahal ang tuition fee.

"Tapos no’ng nalugi na [yung negosyo namin], tumira kami sa bahay ng tito ko na parang plywood, tapos may hollow blocks sa ilalim. Tapos yung mga gamit namin, binili lang sa palengke na mga tigsi-singkuwenta pesos.

"Tapos, nagkaroon uli ng konting pera, ipinagawa namin [yung bahay], hindi lang natapos. Naka-recover lang kami kamakailan lang. Pero hindi na po natapos yung bahay kasi nagpalipat-lipat na kami ng bahay."

Nakatira ngayon si Ritz sa bahay ng kanyang tita sa Caloocan.

Halinhinan ang kanyang ina at ama sa pagbabantay at pagsama-sama sa kanya sa taping at iba pa niyang commitments.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pag umuuwi raw sila ng Pampanga, sa isang maliit na kuwarto sila tumutuloy na dati na nilang tinitirhan.

"Yung monologue ko sa Star Factor na pinanalo ko po, talagang ni piso wala kami. Tapos bumabagyo pa noon. Wala kaming pagkain.

"Dumating pa sa point na magpapasukan na, gusto ko talagang mag-aral. Yung Papa ko, tatahimik lang. Sasabihin niya, ’Okey lang ba hindi ka mag-aral?’ Sabi ko, ’Okey lang po, Papa. Naiintindihan ko naman po.’

"Pero pinilit niya na magkapera kami. Meron pong..." putol ni Ritz sa susunod na sasabihin dahil pinangingiliran na siya ng luha sa kanyang mga mata.

"Ayaw ko pong umiyak kasi naka-makeup ako!" bulalas niya.

Patuloy na kuwento niya, "Meron po kaming mga tanim sa bakuran namin, may talbos ng kamote. May papaya rin. Yun po ang inuulam namin. Kasi wala kaming pambili.

"Tapos, may saging na saba doon sa likod namin. Sakto po no’n, nakalabas na lahat ng saging at saka yung puso. Ngayon, habang bumabagyo, pinitas po niya yun, tapos isinako niya. Ako, no’ng mga time na yun, nanonood lang sa kanya.

"Masakit po sa akin yun na... hindi ko po alam kung nahihiya ako. Parang nakakahiya na kahit alam ko po na mahal na mahal nila ako, nahihiya ako na kahit buhay nila, ibibigay nila sa akin. Yun po yung naramdaman ko no’ng sinagasa ng tatay ko yung bagyo para lang mapitas niya yung saging.

"Ibinenta po niya yun sa palengke sa halagang 200 pesos, kasama po yung puso niya. Tapos, nag-try siya na makapag-enrol ako sa St. Mary’s sa halagang 100 pesos, at yung mga gamit sa school, hiningi na lang po niya. Yung natirang 100 pesos, ibinili na lang po namin ng kaunting ulam," kuwento ni Ritz.

Kahit maliit yung kuwartong tinutuluyan nina Ritz sa Pampanga, nagawa nilang gawing maayos ito mula sa kanyang kinikita sa showbiz.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang ama ni Ritz ang lagi nitong kasa-kasama sa mga lakad niya sa showbiz dahil sobrang mahiyain daw ang kanyang ina.

"Kaya nga sina Eula, sina Christian [co-finalists niya sa Star Factor], nagugulat sila pag nandiyan si Mama. Kasi nga mahiyain kasi yun, hindi sumasama," sabi niya.

PRIZE MONEY. Halagang P50,000 ang nakuha ni Ritz sa kanyang partisipasyon sa Star Factor. Pero wala ring natira sa kanila dahil ipinambayad ito ng utang at ipinambili ng mga gamit na kailangan niya sa kanyang pag-aartista.

"Hindi pa nga po bayad yung iba," banggit niya. "Ang utang ko po sa lola ko, P200,000 plus. Hindi pa po ako bayad nang husto.

"Nakiusap naman ako sa lola ko na unti-untiin ko na lang yung iba kong utang kasi pambibili ko pa ng ibang gamit yung natira sa nakuha ko sa contest. Sabi naman ng lola ko, sige, hindi naman po niya ako pinipilit na magbayad.

"Lola ko yun sa mother side. Nakakahiya na hindi pa ako nakakabayad ng buo, pero pumayag naman siyang unti-untiin kong bayaran."

Malaki raw ang potensiyal na maging big star si Ritz dahil hawig nito si Heart Evangelista, at pag tumawa ay nahahawig naman siya sa veteran actress na si Rio Locsin.

"Marami pong nagsasabi. Siyempre, flattered naman po ako. Ang ganda-ganda niya [Heart]. Yung kay Ms. Rio Locsin, flattered naman ako," aniya.

ON GOING SEXY. Pasado ring maging sexy star si Ritz, pero wala pa raw sa isip niya ang magpa-sexy.

"Siyempre, hindi ko po masasabi kung magpu-pose na ako sa men’s magazine. Pero siyempre, sa ngayon, ayoko po. Kasi siyempre, bata pa ako.

"Saka hindi ko po personality ang magpa-sexy. Kapag nagmu-mall po kami, comfortable clothes lang po na damit ang isinusuot ko.

"Yung sexy roles, yung mga gaya ng ginagawa ko lang sa Nagbabagang Bulaklak, konting labas ng skin, yun lang po.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Siguro yung seksing katulad ng si Cristine Reyes na naka-pose ng sexy sa billboard, hindi ko kaya yun. Hindi ko po talaga kaya. Pero hindi ko po masasabi. Pero sa ngayon, hindi ko po kaya."

Gusto pa rin subukan ni Ritz na sumali sa beauty pageant pagkatapos ng dalawang taon. Isa ito sa dahilan kung bakit ayaw niyang magpa-sexy para hindi siya ma-disqualify.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN