Claudine Barretto feels the pain of AJ Perez’s girlfriend, having lost Rico Yan before

"Mahirap kasi yung nararamdamang hirap na mawalan ng minamahal mo. Masakit para sa akin na makita yun kay Steph ngayon. Malungkot," says Claudine Barretto about Steph Ayson, the girlfriend of AJ Perez.


Napakaraming artista ang nakidalamhati sa mga naiwan ni AJ Perez sa kanyang burol mula pa sa La Salle Greenhills noong April 17 hanggang sa Christ the King Chapel ngayong gabi, April 25.

Isa na rito si Claudine Barreto, na dumalaw noong Easter Sunday ng gabi, April 24.

Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Claudine sa burol, nabanggit niya na kaibigan niya ang pamilya ng girlfriend ni AJ na si Steph Ayson.

"Family friend ako ng Ayson family. Kaibigan ko si Suzette, yung mother ni Steph.

"Andito ako bilang kaibigan at nakatatandang kapatid ni Steph," sabi ng aktres.

PARALLELISM. Bukod sa pagiging family friend, naihahalintulad din si Steph kay Claudine dahil namatayan din noon ng boyfriend ang aktres. Si Claudine ang kasintahan ng aktor na si Rico Yan nang pumanaw ito noong April 2002.

"Alam naman natin yung pinagdadaanan ni Steph. And what happened to me ay nararamdaman din ni Steph ngayon.

"Twenty-one years old na ako noon nung nangyari sa akin yun [Rico’s death], siya 17 pa lang ngayon.

"Mahirap kasi yung nararamdamang hirap na mawalan ng minamahal mo. Masakit para sa akin na makita yun kay Steph ngayon. Malungkot," saad ni Claudine.

Ano ang advice na maibibigay niya kay Steph sa pinagdadaanan nito ngayon?

"Medyo mahaba-haba pang sakit ang mararanasan ni Steph ngayon, lalo na pag dumating na yung libing.

"Masakit at mahirap yun, lalo na rin siguro sa friend kong si Suzette. Kasi tatlo ang anak ni Suzette, puro babae lahat, at itinuring na nila si AJ na anak na lalaki nila.

"So, I feel their loss na sobra-sobra talaga. Sabi ko sa kanila na ’andito lang kami, nagdarasal for them.

"At the same time, sa parents ni AJ, bilang ako parent na rin ngayon. Napakahirap at napakasakit na nakikita nilang wala na yung anak nila.

"So, narito rin ako talaga para to pray for the family of AJ."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Si Claudine ay kasal sa aktor na si Raymart Santiago.

Bagamat wala na si Claudine sa bakuran ng ABS-CBN at Star Magic—ang talent management na nangangalaga sa career ni AJ—ay nagkaroon daw siya ng pagkakataon na makilala si AJ, sa pamamagitan na rin ni Steph.

Kuwento pa niya, "Magkamukhang-magkamukha talaga sila ni Santino [anak ni Claudine].

"Three weeks ago nga, it was a graduation dinner nina Stephanie and AJ sa bahay nina Suzette. AJ greeted me, ’Hi Ate Clau!’ and I said, "Hay, naku, andito na naman si Santino pag lumaki!’

"So, ayun, ayun yung mga moments na hindi ko malimutan kay AJ.

"Makulit na bata si AJ. He is very good boy talaga at ang pagkakaalam ko, matalinong-matalinong bata si AJ.

"Wala akong masyadong masabi about sa kanya... Basta isa lang ang masasabi ko about AJ—he makes Steph very, very happy but now her heart is broken."

Nabanggit ni Steph sa isang interview na baka medyo matagalan pa bago siya makahanap ng kapalit ni AJ. Pero ano ang maipapayo niya kay Steph para maka-move on?

"Just keep on praying," sagot ni Claudine. "Kasi, I know naman na may plano ang Diyos kung bakit nangyari ang ganitong bagay.

"I believe na hindi ’to mangyayari kung walang dahilan. Alam ko na may dahilan ang lahat ng nangyayari sa atin.

"At alam ko na maganda yung rason ng Diyos why it happened."

Sa parte niya, ano ang mga nakatulong sa kanya para maka-move on pagkatapos pumanaw ni Rico Yan?

"A lot of good people... I can say that Suzette is one of that persons na nakatulong na makapag-move on ako agad," sabi niya.

Gaano katagal bago siya nakapag-move on?

"Matagal-tagal din," sabi niya.

"Until now, may kurot pa rin sa puso. Lalo na kasi may trauma, e. Biglaan.

"Hindi katulad na halimbawa me cancer or sakit lang yung taong namatay, at least may preparation for death.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Eto kasing kay AJ at yung kay Rico, biglaan, e, kaya medyo masakit."

Nabanggit kay Claudine ang litrato ni AJ kung saan nagpakuha siya katabi ng litrato ni Rico sa hallway ng ABS-CBN. Sinasabing magkamukha sina AJ at Rico. Ano ang masasabi ni Claudine dito?

"Hindi ko pa nakikita yung picture na yun. Pero hindi naman sila magkamukha. Magkamukha sila ni Santino, yung anak ko pag lumaki," sabi niya.

Sinasabi ring si AJ sana ang "the next Rico Yan." Ano ang reaksiyon ni Claudine dito?

"It can be...or better pa siguro. Sayang nga lang at wala na si AJ," aniya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN