Shalani Soledad gets surprise birthday party from Willing Willie family

"Sana marami pa akong magawa bilang konsehal. Sana mag-improve tayo as a host, at sana mas gumanda ang programa... Sana pati ang lovelife din maging masaya," wishes Valenzuela councilor Shalani Soledad for her 31st birthday.


Inakala ni Valenzuela councilor and Willing Willie host Shalani Soledad na maliit na salo-salo lamang ang inihanda ng kanyang ina para sa pagsalubong ng kanyang ika-31 na kaarawan.

Subalit nagulat siya nang makita niya ang isang malaking asalto na inihanda para sa kanya ng mga Kapatid niya mula sa Willing Willie.

"Ang ine-expect ko talaga is small party lang. I was only expecting my family, close friends, ’tapos nagulat ako, marami," masayang sabi ni Shalani sa PEP (Philippine Entertainment Portal).

Halos mag-a-alas diyes na ng gabi nang dumating ang konsehala kagabi, Abril 26, sa Gazebo Royale sa Visayas Avenue, Quezon City.

Naghihintay na roon para batiin siya ng "maligayang kaarawan" ang kanyang mga kapamilya at kaibigan.

Bukod sa kanyang ina na si Evelyn San Ramon, na naging punong-abala sa paghahanda ng asalto, ikinatuwa rin ni Shalani ang pagdalo ng kanyang ama na matagal niyang hindi nakapiling—ang dating chairman ng Banco Filipino na si Adolfo Aguirre.

"This is my first birthday na kasama ang daddy ko," nakangiting sabi ni Shalani habang tinuturo kung nasaan ang kanyang ama.

Kumpleto rin ang lahat ng staff ng Willing Willie, na pinangungunahan ng main host nito na sa si Willie Revillame.

Nandoon din sa pagdiriwang ang ilang bigwigs ng Kapatid network at Wil Productions na kinabibilangan nina TV5 vice president and COO Robert Barreiro, at ang mag-amang Atty. Boy at King Reyno.

Kasama rin sa mga dumalo ang executives ng Viva Entertainment na sina Vic del Rosario, Veronique del Rosario, at Vincent del Rosario.

Namataan din ng PEP sina Senator Manny Villar at ang anak niya at kasalukuyang Las Piñas representative na si Mark Villar.

Samantala, maaga namang dumating si dating Department of Enviroment and Natural Resources secretary Mike Defensor.

Si Valenzuela District 2 councilor Riche Dolorito Cuadra ay kabilang naman sa mga naging abala sa paghahanda ng surprise birthday party sa kapwa niya konsehal na si Shalani.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang pagsasalu-salong ito ay asalto na rin para kay TV5 President Ray Espinosa, na hindi naman nakadalo kagabi.

Naghanda rin ng cake ang grupo para sa business unit head ng Willing Willie na si Jay Montelibano, na nagdiwang din ng kanyang kaarawan kamakailan.

VERY GRATEFUL. Nang bigyan ng pagkakataong magsalita si Shalani sa entablado, ilang sandali bago ang kanyang aktuwal na kaarawan, nagpasalamat siya sa mga importanteng taong naging parte ng kanyang buhay.

Sabi pa niya, "The past year po was very unexpected year for me. Ang dami pong mga events. But through it all, thank you po sa mga suporta na ibinigay ninyo."

At sa pagkakataon naman na nagsalita ang kanyang ina, siniguro nito na parating susuportahan ang dalagang konsehala sa kanyang mga planong gawin.

Ani Evelyn San Ramon, "It has been one year since I told her, nag-isip-isip na kami ng pamilya ko, and I think there’s someone who have influenced us, and to think na tumatanda na ang anak ko. Kung anuman ang gusto niya, gagawin niya.

"Medyo nagluwag-luwag kami sa kanya. Ang sabi ko nga sa kanya, ’Kung anuman ang gusto mong gawin sa buhay mo, nandito lang kami para suportahan ka.’"

Noong nakaraang taon, matatandaan na bukod sa pagiging pulitiko, sinubukan na rin ni Shalani ang maging parte ng showbiz sa pamamagitan ng paghu-host ng daily variety show na Willing Willie.

BIRTHDAY WISHES. Sa kanyang ika-31 na kaarawan, hinihiling ni Shalani na manatiling masaya ang kanyang buhay.

Nabanggit niya pa sa PEP, "Sana marami pa akong magawa bilang konsehal.

"Sana mag-improve tayo as a host at sana mas gumanda ang programa...

"Sana pati ang lovelife din maging masaya."

Halos ganito rin ang naging birthday wish ng co-host ni Shalani na si Sugar Mecado. Aniya, "Sana this year matagpuan mo na ’yong tunay na magmamahal sa ’yo."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tulad ng kanyang hiling, umaasa rin ang ina ni Shalani na magkaroon na siya ng apo sa kanyang anak na babae.

"But I told her, the only wish I have nowadays is sana magkaroon na ako ng apo sa kanya. Kunin man ako ng ating Panginoon, makita ko man lang kahit five minutes," saad ni Evelyn San Ramon.

(Ito rin ang sinabi noon ni Evelyn na tanging pangarap niya nang makapanayam siya ng YES! Magazine January 2011 issue. Ito ang naging unang full-length at in-depth interview/feature kay Shalani. Ang YES! ay print affiliate ng Philippine Entertainment Portal, www.pep.ph, o PEP.)

ON HOSTING WILLING WILLIE. Samantala, pagdating naman sa pagiging host ng Willing Willie, halos lahat ng staff ng show ay inihayag kung gaano kabuti maging katrabaho ang konsehala.

Sabi pa nga ni Sugar, "Si Ma’am Shalani, sobrang bait at mapagbigay. At saka sobrang alalay po siya. Nice person po kaya love na love ko siya."

Sa ngayon ay "off-the-air" pa rin ang programa sanhi ng kontrobersiyang kinasangkutan nito kamakailan. (CLICK HERE to read related article.)

Gayunman, siniguro ni Shalani na mas pinabuti na ang programa para sa kanilang pagbabalik, na ayon sa balita ay sa Mayo 7.

Sabi ni Shalani, "Abangan sana ng mga manonood ang pagbabalik dahil mas pinaghahandaan po talaga namin ’yong show.

"Nami-miss din namin ang show kaya sana abagan nila ang pagbabalik namin, at sana lalo nilang ma-enjoy."

Samantala, naging mailap naman sa media ang kontrobersiyal na TV host na si Willie Revillame kagabi. Umupo lang siya sa tabi ng Viva at Wil Productions big bosses at hindi na umikot sa venue.

In-enjoy lamang niya ang triple birthday celebration na inihanda ng kanyang grupo para kina Shalani, Atty. Ray Espinosa, at Jay Montelibano.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN