Tom Rodriguez on his red briefs for Temptation Island: "Ako ang pinaka-preskong role doon. At least, may ventilation ako palagi!"

"Yung mga Twitter fans, nagtatanong sila... Halos lahat kasi nire-replyan ko ang Twitter fans. Nagtatanong sila kung bakit hindi ako nagri-reply. Sabi ko, ’Pasensiya na. Wala pong bulsa ang brief ko. Yun kasi ang costume ko. Hindi ko dala cell phone ko!" laughs Tom Rodriguez.


Bisaya ang punto ni Tom Rodriguez sa role niya bilang Umberto sa remake ng Temptation Island.

Pero sa totoong buhay, Waray ang dialect niya dahil sa Catbalogan, Samar, siya ipinanganak.

"Madali sa akin yung Waray, pero yung Bisaya, last year ko pa lang pinag-aaralan dahil yung ka-batch ko sa PBB [Pinoy Big Brother], halos lahat taga-Bisaya.

"Para at least, challenging naman," pahayag ni Tom nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa mismong shooting ng movie sa Ilocos Norte noong nakaraang linggo.

Ang mother ni Tom ang taga-Samar. Nung 12 years old pa lang siya ay nag-migrate na ang pamilya niya sa Arizona.

SUWERTENG SALING-PUSA. Ano naman ang feeling niya at nasa cast siya ng isang malaking movie?

"Suwerte na naman dahil malaki na naman [ang pelikula]," bulalas niya.

"Ang pinakamalaking suwerteng saling-pusa sa industriyang ito. Lagi akong napapasama...

"Here Comes The Bride, suwerteng saling-pusa. Nang masali ako sa VoizBoys, saling-pusa rin ako doon.

"Each project na nagagawa ko, sa awa ng Diyos... Ewan ko bakit, at nagtitiwala at nagtitiwala sila sa akin.

"Malaking pasasalamat ko at marami akong natututunan.

"Isang bagong experience. Marami akong napi-pickup at natututunan."

THE RED BRIEFS. Okey lang naman kay Tom kahit seksi ang role na pinagagawa sa kanya, lalo na dito sa Temptation Island.

Siya ang gaganap sa role na unang ginampanan ni Domingo Sabado sa original 1980 movie.

"Napanood ko yung original ng Temptation Island. Yung walang kamatayang red na brief na ’yon!" tawa niya.

"Pulang-pula. In-expect ko na. Halos lahat!"

Mas marami pa kasi ang mga eksena ni Tom na naka-red briefs sa pelikula kesa nakadamit.

"Yung mga Twitter fans, nagtatanong sila... Halos lahat kasi nire-replyan ko ang Twitter fans.

"Nagtatanong sila kung bakit hindi ako nagri-reply.

"Sabi ko, ’Pasensiya na. Wala pong bulsa ang brief ko. Yun kasi ang costume ko. Hindi ko dala cell phone ko!" natatawang kuwento ng actor-singer.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang feeling niya’t briefs lang ang kadalasan niyang suot sa eksena?

"Justified naman," sagot ni Tom.

"Sa whole film, kailangan naman talaga ’yon. Understandable pag ganooon kainit ang weather.

"Pag castaway ka, siyempre walang inhibitions. Hindi mo iisipin na ’May nanonood sa akin dito.’

"Kagaya nung nasa PBB kami, parang ganoon din ang feeling. Na feeling, after a while, kayo-kayo na lang.

"Kung ano ang nandoon, yun ang totoong buhay na nag-e-exist.

"So, sa character ko, justified, e, kung ganoon kainit. Bakit ka maglalagay ng extra clothes?

"May point naman!" natatawang paliwanag ng dating PBB housemate.

Si Marian Rivera ang kapareha ni Tom sa Temptation Island. So, nakita siya ni Marian na briefs lang ang suot niya?

"Lahat sila nakita na akong naka-brief!" tawa na naman niya.

"Ewan ko kung ano. Kasing-pula na ng mukha ko yung brief!

"Akala ko sa sunburn lang. Hindi pala. Sa sobrang hiya pala! Manhid ka na lang.

"Kaya nga nahuli ako ni Sweet [John Lapus] na naglalakad sa kuwarto, bago ang eksena, na naka-brief lang para masanay ako. Kung paano maging kumportable.

"Kasi nung una, ’Shit! Paano ko gagawin ito?’

"Kasi sa Here Comes The Bride, board shorts ako. Sa ibang roles ko, boxer shorts. Pero heto, parang nagpa-parade!

"At first, kinakabahan ako. But after a while, hindi mo na maiisip, e.

"Nakatulong sa init ng weather. Presko!

"Ako ang pinaka-preskong role doon. At least, may ventilation ako palagi!" tawa ni Tom.

May kapalit naman ang briefs?

"Yun nga, e, buti may mga extra sila!" natatawang sagot na naman niya.

"Yun ang lagi kong joke. Kasi itong si Umberto [pangalan niya sa movie], wala siyang eksenang naglaba man lang ng brief!"

MARIAN RIVERA. Kumusta naman ang working relationship nila ni Marian?

"Nasabi ko ito nung una, na sobrang intimidated ako. Sobrang kinakabahan at takot na takot.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero nung nakatrabaho ko na siya... Hindi lang siya kundi silang lahat, wala akong masabi. Sobrang ang babait nilang lahat."

Si Tom lang ang tanging taga-ABS-CBN na kasama sa cast ng Temptation Island.

Ang iba ay panay talents ng GMA-7: Marian Rivera, Heart Evangelista, Lovi Poe, Solenn Heussaff, Rufa Mae Quinto, John Lapus, Mikael Daez, at Aljur Abrenica.



"Kasi, unang-una, ako lang ang taga-Dos sa buong production.

"Feeling ko, mao-OP [out of place] ako. Sobrang takot.

"But they made me feel so welcome sa kung paano nila ako tratuhin.

"Never kong naramdaman na out of place ako," sabi niya.

Meron din silang kissing scene at intimate scenes ni Marian.

"Meron, at ako ang natatakot at nahihiya. Dinala niya ako throughout the whole thing," ani Tom.

Paano niya sinabi ’yon kay Marian?

"Ako ang nagtanong kung ano ang puwede at hindi puwede. Parang kinakabahan ako.

"She was so nice about it, and we got through it. We’re proud of the resulta.

"Okey naman siya. Kung ano ang napagkasunduan namin, it was both mutual naman," saad ng baguhang aktor.

Aminado si Tom na kinakabahan siya nang kunan ang love scene nila ni Marian.

"Gabi ’yon at ang lamig. Mahangin. Tapos, ganoon pa rin ang suot ko [naka-red brief].

"Walang kamatayang pagka-conscious! Maraming anggulo.

"Siguro, pagkatapos ng pelikulang ito, ang balat ko, baka hanggang dito na!" tawa ni Tom.

THE DIRECTOR. Malakas ang loob ni Tom na maghubad dahil si Chris Martinez ang director ng Temptation Island, na siya ring direktor ng aktor sa Here Comes The Bride.

"I’m very proud of what I did at may tiwala ako kay Direk Chris.

"So, kahit anong sabihin niya, lalakasan ko ang loob ko.

"I trust his vision dahil napakagaling niyang director," pagmamalaki ni Tom.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN