Angel Locsin: "Hindi ko pa nakikita ang tamang guy for me."

"Hindi po ako sanay sa pelikula. Kung paano gamitin ang mata. Ang dami, ang dami po talaga. Pati sa posisyon at kung papaano ginagamit ang camera angle. Hindi ko alam kung papaano sa film. Kami ni Jake, para talaga kaming kinder rito, ang dami naming natutunan," says Angel Locsin about filming for In the Name of Love.


Ayon kay Angel Locsin, isang malaking karangalan at oportunidad ang mapili para maging bidang aktres sa bagong pelikula ng Star Cinema, ang In the Name of Love.

Ito ang una niyang pelikula katambal ang matinee idol na si Aga Muhlach, kasama rin si Jake Cuenca.

First time din ni Angel na maidirek ni Olivia Lamasan. Ilan sa mga blockbuster na pelikulang idinirehe ni Ms. Lamasan ay ang Sharon Cuneta starrer na Madrasta (1996), Claudine Barretto-Piolo Pascual starrer na Milan (2004), at John Lloyd-Vilma Santos starrer na In My Life (2009).

Pakiramdam nga raw ng young actress ay "baguhan" pa lang siya habang ginagawa nila ang pelikula. Ito ay sa kabila ng napakarami na niyang nagawang mga pelikula at teleserye.

Bakit niya nasabi ito?

"Kay Inang [Direk Olive] lang po, ang dami kong natutunan. Na ganito po pala kapag pelikula.

"Hindi po ako sanay sa pelikula. Kung paano gamitin ang mata. Ang dami, ang dami po talaga.

"Pati sa posisyon at kung papaano ginagamit ang camera angle. Hindi ko alam kung papaano sa film.

"Kami ni Jake, para talaga kaming kinder rito, ang dami naming natutunan," saad ni Angel.

Humarap si Angel, kasama sina Aga at Jake, sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media sa press conference ng In the Name of Love kahapon, May 5, sa Dolphy Theater ng ABS-CBN.

POLE DANCING. Kinailangan din ni Angel na mag-aral ng pole dancing para sa role niya sa pelikula.

Naging mahirap daw ito para sa kanya, pero ginawa niya ang lahat dahil na rin sa hinihingi ng movie nila.

Aniya, "Kilala n’yo naman po ako, hindi po talaga ako kumportable sa pagsayaw.

"Isa po yun sa bagay na hindi ko po talaga gagawin unless kailangan na kailangan.

"Dito, may chance akong gawin kasi hindi naman ako si Angel, ako po rito si Cedes.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At noong sinabi nga po sa akin na ito ang character ko, ito ang kailangan kong gawin, napatanong po talaga ’ko kay Inang.

"’Inang, ako po ba talaga ang kausap n’yo?’ Sabi ko talaga kay Inang, ’Ako po ba talaga ang artistang ka-meeting n’yo?’

"’Kasi, parang hindi ako ’to. Parang hindi po yata ako ang artistang para sa pelikulang ito.’

"Tapos, tinawanan po ako ni Inang. ’No, anak, para sa ’yo ’to.’

"Na-challenge ako, bukod pa sa first time kong gagawin ito. Siyempre, si Inang, Mr. Aga Muhlach ang kasama ko rito."

Dagdag pa niya, "Nag-aral talaga ako. I think one month or three months yata ako nag-aral ng pole [dancing] para magawa ang eksenang yun.

"Kasi, hindi siya basta-basta, and nagkaroon ako ng mga bruises.

"Actually, habang ginagawa namin ang mga eksena, nagbu-bruise na talaga ako riyan.

"But, nakita ko kung paano napaganda, at meticulous yung anggulo ni Inang. So, ginawa namin."

Ayon naman kay Direk Olive, ginawa nila ang pole-dance scene na yun for three days.

May time nga raw na nakita nitong hindi na kaya ni Angel dahil physically tasking at puro bugbog na ang katawan nito.

Kasabay pa naman nito noon ng pagte-taping ni Angel ng primetime series na Imortal, which is also physically tasking.

AGA MUHLACH. Ano naman ang na-discover niya kay Aga sa una nilang pagtatrabaho?

"Naku, grabe, nakaka-pressure!" sambit ni Angel.

"Kasi ako, sanay ako sa actor’s cue. Siya hindi, e. ’Okay, ready? Ready ako.’

"Ako, magkakaroon ako ng, ’Sandali, sandali, hindi pa ako ready, ha.’ So, kailangan kong humabol sa kanya.

"Ganoon siya kagaling, na akala mo nakikipagbiruan lang. Pero kapag sinabing ’Action,’ action!

"At kapag umarte, ang galing! Parang ibang klase. Ibang katrabaho talaga.

"Ako, masasabi ko na hindi ako nagko-compare ng mga nakakatrabaho ko. Pero iba talagang mag-alaga si Mr. Aga Muhlach.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ibang kaibigan, katrabaho, kapatid... halo-halo na."

WHAT SHE CAN DO FOR LOVE. Ano ba ang mga kaya niyang gawin in the name of love?

"I’m still single. Hindi ko pa nakikita ang tamang guy for me," sabi niya.

"At para sa akin talaga—yung ibibigay ko ang buong sarili ko sa kanya, puso at kaluluwa, at pagpapakasal sa kanya. Yun na siguro ang maibibigay ko."

Nasabi ni Angel na pagdating sa pag-ibig, walang usap-usap, tipong it just happened. Nangyayari ba yun sa kanya ngayon?

"Hindi ko pa po alam. Hindi ko pa alam.

"Sa ngayon kasi, masyado pang maaga para sabihin," sagot ng aktres, na ngayon ay nali-link sa football player na si Phil Younghusband.

Plano raw ni Angel na magbakasyon naman after doing Imortal and In the Name of Love.

"Mag-e-enjoy muna po ako sa buhay ko. Ngayon lang ako magkakaroon ng bakasyon.

"So, magba-bonding muna ’ko sa family ko at sa friends ko," sabi niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN