Director Dante Nico Garcia knows the risks of making new version of Iskul Bukol

Director Dante Nico Garcia admits that it was hard for him to handle his cast because of the different culture that they have from their original field of work.


Matapos ang mahigit 20 taon, muling mapapanood ang kinagiliwang sitcom noong late ’70s hanggang late ’80s na Iskul Bukol.

Si Dante Nico Garcia ang isa sa mga direktor ng bagong version ng Iskul Bukol na ipalalabas sa TV5. Siya rin ang direktor ng award-winning movie na Ploning, na pinagbidahan ni Judy Ann Santos.

Ang isa pang direktor ng Iskul Bukol ay si Soxie Topacio.

Sa interview sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sinabi ni Direk Ga (palayaw ng direktor) na hindi remake o sequel ng original na Iskul Bukol ang kanilang ginagawa.

"Mahirap i-remake yung unang Iskul Bukol," pag-amin ng direktor.

Ang original na Iskul Bukol ay pinagbidahan nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon. Kilala sila sa tawag na TVJ na naging daan para magkaroon sila ng noontime show na Eat Bulaga!.

Ginampanan nina Tito at Joey ang papel ng Escalera brothers, samantalang si Vic naman ang gumanap bilang Vic Ungasis.

Tumatak sa isip ng mga manonood ang karakter ng tatlo sa nasabing palabas. Kaya naman mahirap para sa bagong cast ang sundan o gayahin ang unang Iskul Bukol.

"Institusyon yung TVJ, na dun pa lang, mag-attempt ka pa lang dun, yung possibility ng failure, e, 90 percent na," sabi ni Direk Ga.

CHANGES MADE. Ang bagong version ng Iskul Bukol ay co-produced ng Archangel Media, Inc. of Mr. Jojo Oconer?

Bagamat bago ang characters at takbo ng istorya, mananatili ang pangalan ng palabas na Iskul Bukol at ng Wanbol University .

Hindi na rin naman bago si Direk Ga sa paggawa ng mga comedy na palabas o pelikula. Gaya na lang ng pelikulang OMG (Oh, My Girl!) na pinagbidahan ni Judy Ann Santos at Ogie Alcasid under ng Regal Films.

Kaya naman, katulong ang kanyang co-director na si Soxie Topacio, gumawa sila ng panibagong istorya kung saan magsisimula ang kulitan at harutan ng mga character sa bagong Iskul Bukol.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Dati sa campus lang sila nagkikita-kita, [ngayon] may dorm [na]...

"Kasi ang comedy, nanggaling dun sa naubusan sila ng titirhang dorm.

"Sila na hindi nila gusto ang isa’t isa sa campus, they ended up living in one dormitory," kuwento ng direktor.

Sa original na Iskul Bukol, ang kakatawanan ay umiikot kadalasan sa tatlong bida ng palabas, ang TVJ. Pero ngayon, mas marami na ang characters na pagmumulan ng comedy sa palabas.

"Ito ngayon, 11 sila na nag-iikutan. So, medyo mas complicated ng konti."

Naikumpara pa nga ni Direk Ga ang pagiging kumplikado ng mga character ng palabas sa sikat na social networking site ngayon, ang Facebook.

"Sabi ko nga, yung character ng tao sa personal, iba yung character niya sa mga status niya sa Facebook. Iba dun sa character niya sa profile picture niya.

"So, ganun na ka-complicated yung mga tao ngayon.

"So, ganun din yung nangyayari ngayon, ang complicated nung mga characters.

"In a way, mas madaming napaglalaruan, mas marami ka nang i-hate at i-love sa isang character. So, yun ang mararamdaman."

THE RISK. Ang Iskul Bukol ay pagbibidahan nina Sam YG at Alwyn Uytingco as the Balidoso twins, Keempee de Leon as Wacky, Fredison Lo as Rude, Regine Angeles as Barbie, and Jerald Napoles as Itor.

Bukod sa dami ng mga bagong character na lalabas sa bagong Iskul Bukol, nakadagdag pa sa challenge ng mga direktor ang iba’t ibang pinanggalingan ng mga gaganap sa palabas.

Unang beses ni Direk Ga na i-handle ang lahat ng cast ng Iskul Bukol ngayon.

Meron sa mga cast ang galing sa teatro, baguhan sa pagganap sa comedy genre, bago lamang sa pag-arte, may manunulat, at may matagal na din sa comedy.

"Yun ang naging mahirap para sa amin," sabi niya.

Bagamat lahat sila ay may konting background sa pag-arte, iba-iba sila ng nakasanayan base sa dati nilang mga trabaho.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ilan sa mga problema na nabanggit ni Direk Ga ay, "Yung prinsipyo kasi ng pagte-theater, alam mo na agad yung applause ng tao naririnig mo right away.

"Dito, wala, hindi mo mage-gauge yung approval ng audience until ma-edit siya...

"Yung problema din naman nung galing sa radio, mortal sin pag nag-dead air ka.

"Sa TV, kailangan mo mag-dead air para i-talk yung joke, para ipaangat."

Ang isa pang ipagsasapalaran ng team ng Iskul Bukol ay ang kawalan nila ng beteranong komedyante sa palabas.

"Wala talagang poste yung show, like sitcom ni Vic Sotto or Ai-Ai [delas Alas], or Aga Muhlach, yun sila pagbigay ng script. Kaya pa talagang i-raise ng totoong komedyante yung level ng comedy to 50 percent or 100 percent."

Kulang pa raw sa experience ang cast ng palabas, kaya naman umiikot talaga sa script nila ang mga pambatong linya ng mga character.

Pahayag ni Direk Ga, "Dito, script-based yun. Kailangan alam na namin kung hanggang saan yung nakakatawa.

"Yung adlib, sobrang limitado.

"Tapos kailangan namin i-read in the morning, i-read yung whole script, para ramdam na namin kung sino magpa-punch line sa ganitong lugar."

Pero sa kabila ng ilang mga pangamba nila, nagagawan nila ito ng paraan.

"Ang pinagkaiba niya sa regular na sitcom, rehearsed yung mga eksena.

"We try to rehearse it, may focal character yung bawat episode na hindi lang parati iisa lang."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN