Aljur Abrenica on possibility of doing project with Ai-Ai delas Alas: "Ipagdadasal ko po na makasama siya."

"Hindi ko nakikita ang sarili ko na mapupunta sa ganun, e. Kumbaga, respeto ko na lang po kay Ms. Ai-Ai bilang nakakatanda po sa akin," says Aljur Abrenica about getting into a "May-December affair" with Ai-Ai delas Alas who has been vocal about her crush on the actor.


Natawa at hindi muna nakapagsalita ang young actor na si Aljur Abrenica nang hingan ng komento tungkol sa pagkakaroon sa kanya ng crush—o pagpapantasya sa kanya—ng comedienne na si Ai-Ai delas Alas.

"Wow... Wala akong masabi!" natatawa munang sambit ng Pampangueñong binata sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press na kausap.

Presscon ito para sa kanya bilang bagong endorser ng Century Tuna Healthylicious Hotdog sa Outback Steakhouse sa Glorietta 4, Makati City, kaninang tanghali, May 18.

"Nakakatuwa namang isipin... Kasi nga si Ms. Ai-Ai, fan po ako ni Ms. Ai-Ai, e. So..." tila naghahanap pa ng masasabi si Aljur.

Tinanong ng PEP kung payag ba siyang magkasama sila sa isang proyekto ni Ai-Ai.

"Oo naman," sagot agad ni Aljur.

"Ako, gusto ko. Ipagdadasal ko po na makasama siya..."

Unang nagkita nang personal sina Ai-Ai at Aljur sa birthday concert ni Sam Milby noong May 14 sa Zirkoh Tomas Morato, kunsaan kasama pa ng young actor na nanood ang nali-link sa kanyang si Kylie Padilla.

May kuha ang TV5 showbiz talk show na Paparazzi na tila may ibinubulong si Aljur kay Ai-Ai, na ikinangiti—at sabi pa ng reporter ay "ikinakilig"—ni Ai-Ai.

Ano nga ba ang ibinulong niyang iyon sa komedyante.

"A, hindi... Ang sinabi ko lang..." isip muna ulit ni Aljur.

"A, kasi in-offer niya po sa akin yung birthday niya. Ini-invite niya ’ko.

"Sabi ko sa kanya, basta text niya lang ako, tapos pag puwede, pupunta ako."

Sa November 11 pa ang birthday ni Ai-Ai.

Follow-up na tanong ng reporter, puwede kayang ma-in love ang isang younger man na tulad niya sa isang mature na babaeng tulad ni Ai-Ai?

Ayon sa imdb.com, 1964 ipinanganak si Ai-Ai at may edad na 46, habang si Aljur ay kaka-21 years old lang nung March 24.

In other words, 22 years ang pagitan nila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Naiiling at natatawa muna bago sumagot si Aljur.

Aniya, "Hindi ko nakikita ang sarili ko na mapupunta sa ganun, e.

"Kumbaga, respeto ko na lang po kay Ms. Ai-Ai bilang nakakatanda po sa akin."

Nag-alala naman si Aljur nang ipahatid sa kanya na naging tampulan tuloy ng mga pagbibiro si Ai-Ai sa Twitter dahil sa pagkakaroon nga ng crush nito kay Aljur.

"Wala naman bang nambabastos sa kanya?" tanong ni Aljur.

Sagot ng nagsabi sa kanyang reporter, wala naman daw.

Nagkomento lang daw ang ilang nag-tweets na bakit kay Aljur pa nagka-crush si Ai-Ai e ang bata raw nito sa kanya.

"Well, nandiyan na, e. Nagsimula ’yan sa biruan lang, kung hindi ako nagkakamali," sabi ng aktor, na gumanap na Machete sa GMA-7 at mapapanood sa Temptation Island na ipapalabas na sa susunod na buwan.

Kung reregaluhan daw ba siya ni Ai-Ai, ano naman ang gusto niyang iregalo sa kanya ng komedyana?

"Wala... Ang gusto ko lang matanggap kay Ms. Ai-Ai ay ang be good friends at magkaroon ng good relationship between us," sagot ni Aljur.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN