MMDA traffic officer Angelito Diendo clarifies report that Richard Gutierrez cursed him

Angelito Diendo (inset) was the on-duty Metropolitan Manila Development Authority officer when Richard Gutierrez’s driver, Loreto Figueroa, was apprehended for a speeding violation last May 17, Tuesday, along Commonwealth Avenue, Quezon City.


"Kaya kami dito sa Commonwealth, wala kaming sinisino, tinitiketan namin."

Ito ang sinabi ni Metro Manila Development Authority apprehending officer Angelito Diendo nang tanungin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kung nangilag ito nang makitang isang kilalang artista ang lulan ng sasakyang hinuli nito noong Martes ng umaga, Mayo 17.

Si Richard Gutierrez ang pasahero ng Audi SUV na hinuli.

Hindi ang Kapuso actor ang nagmamaneho ng bagong kotse, kundi si Loreto Figueroa, ang driver ni Annabelle Rama, ina at manager ng aktor.

Nasita ang driver ng Audi SUV dahil lumabag ito sa 60 kph speed limit na itinakda ng MMDA para sa Commonwealth Avenue sa Quezon City, mula pa noong Enero ng taong ito. (CLICK HERE for related article.)

Kaninang umaga, May 20, nakausap ng PEP si Diendo sa mismong tanggapan ng MMDA sa Commonwealth Avenue.

THE REAL STORY. "O, ito puting kotse, 79 kph ang tinatakbo nito."

Ito raw ang natanggap na report ni Diendo mula sa operator ng Speed Cam ng MMDA.

Ayon sa MMDA traffic officer, hindi na niya matandaan kung sino ang may hawak ng nasabing speed camera.

Pero nakapuwesto raw ito sa may footbridge sa tapat ng UP-Ayala Techno Hub sa kahabaan ng Commonwealth Ave.

Dagdag niya, matapos matanggap ang report na iyon ay inabangan na ng team niya ang sinasabing sasakyan.

"Yung mga nasa ’taas yung may hawak ng speed cam, binabato sa aming nasa baba. ’O, ito puting kotse, 79 kph ang tinatakbo nito.’

"Kami sa baba, agad-agad naming inaano yun, hinuhuli namin, pinapatabi namin.

"Pagkatabi niya, pagkabukas ng bintana ng ano, nagulat nga kami dahil andun nga si Richard Gutierrez.

"Sabi nga namin, ’Si Captain Barbell, e,’" natatawang kuwento ni Diendo.

Si Richard ang bida ng kasalukuyang umeereng fantaserye sa GMA-7, ang Captain Barbell.

Ayon kay Diendo, sa una ay ayaw maniwala ng aktor na may ipinapatupad ngang 60 kph rule sa nasabing highway.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Naghanap rin daw ito ng ebidensiya na may nilabag nga siya.

"Wala, nagagalit siya.

"Wala naman daw kapruweba-pruweba yung sa over-speeding niya.

"Pero dun lang siya nagkamali, na walang pruweba. Kasi meron namang pruweba. Kasi nakaano siya, e—speed cam."

Ang paghahanap raw ng ebidensiya ng aktor ang dahilan kung bakit ito bumaba ng sasakyan.

Kuwento ni Diendo, "Tinuro namin, ’Ayun yung kumukuha sa iyo.’

"Inaano niya, puwede ba daw na bumaba. E, hindi nga puwede.

"At that time, hindi puwede."

Para mas patunayang nagsasabi sila ng totoo, ang ginawa ng mga taga-MMDA, ayon kay Diendo, ay: "Nakausap namin na, ’Ito po, sir, o, meron po kaming speed limit dito.’

"Tapos ’pinarinig sa kanya na 79 kph yung tinatakbo ng sasakyan niya."

OVER THE RADIO. Ang balitang nahuli ang sasakyan ni Richard ay lumabas muna sa news websites na inquirer.net at abscbn.interactive.

Sinabi rin ng inquirer.net na minura diumano ng aktor ang traffic enforcer na nakahuli sa kanya.

Nilinaw ng PEP kay Diendo mismo ang tungkol dito.

Ayon sa traffic officer, matapos marinig at makita ni Richard ang ebidensiya, muling sumakay ito sa kanyang sasakyan.

Sa puntong ito, totoong "sinigawan" raw siya ng aktor.

"’Bilisan mo dahil meron pa ’kong taping!’

"Yun ang sinasabi niya sa akin nung mga pagkakataong sinisigawan niya ako.

"Kasi po, nagmura siya pagbaba niya na, e."

Ang tinutukoy dito ni Diendo ay ang pagmumura diumano ni Richard nang bumaba ito ng sasakyan.

Ang paglilinaw lamang ni Diendo, "Pero hindi siya nagmumura sa sigaw sa akin.

"Pagbaba niya ng sasakyan, narinig ko lang nagmura siya.

"Pero not actually ako minumura niya."

Ipinagtanggol naman ni Diendo si Richard sa pagtataas ng boses nito sa kanya.

"Siyempre, galit. Medyo mainit yung...mataas yung boses siyempre, di ba?

"Natural lang yun, e. Hindi lang naman siya, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Marami kaming taong nahuhuli dito na dahil sa init siguro, tapos nahuhuli mo pa, dahil sa trapik, nahuli pa—talagang nagtataas ng boses.

"Sanay na kami sa ganun, e. Kumbaga, sanay na kami sa ganun sa araw-araw na buhay namin dito."

RICHARD’S SIDE. Ipinagtanggol naman ni Richard ang sarili nang maglabas ito ng pahayag sa news program na 24 Oras ng GMA 7 kagabi, May 19. (CLICK HERE to read related article.)

Ayon kay Richard, kaya nag-init ang ulo niya ay narinig daw niyang ni-radyo ni Diendo kay MMDA officer Ronnie Rivera na ang aktor ang nahuli nila.

Ayon sa aktor, ang sinabi raw ng apprehending officer sa radyo ay: "’Ayan, tiketan mo ’yan para matauhan at matawagan ang mga reporters mamaya.’"

Ito ay mariing itinanggi ni Diendo sa PEP.

"Wala naman akong radyo na hawak.

"Ang hawak ko lang nun, paniket lang," paglilinaw ng officer.

Ibig sabihin ay hindi totoo ang sinabi ng aktor?

Ang madiplomatikong sagot ni Diendo ay, "Hindi ko masabing hindi totoo. Kasi yung sinabi niya na yun, hindi ako yung nakarinig nun.

"’Tsaka malayo sa akin yung may hawak ng radyo nun.

"Andito na ako sa tabi ng driver, tinitiketan ko nga, tinatapos ko yung ticket.

"Kaya kung ano man yung sinabi niya na yun, yung ano—wala akong alam dun, e."

Dagdag pa niya, "Marami sila, e. Maraming may hawak ng radio dun, e."

RULES ARE RULES. Pagtupad lamang sa kanyang tungkulin ang ginawa niya, pag-uulit ni Diendo.

Ni hindi nga raw niya alam na sasakyan ni Richard ang kanilang nahuli.

Dagdag niya, bagong-bago pa ang sasakyan ng aktor. Wala pa ngang plate number ito.

Bagamat isang artista ang nahuli niya, hindi raw nagdalawang-isip si Diendo na gawin ang kanyang tungkulin bilang traffic enforcer.

"Lahat naman po dito, hinuhuli namin, e," diin niya.

"Ultimo nga pulis, e. Pulis, tinitiketan namin dito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Lahat—mga abugado, propesor, mga doktora—tinitiketan po namin dito lahat.

"Kaya kami dito sa Commonwealth, wala kaming sinisino, tinitiketan namin.

"Kasi maayos yung batas na ’pinapatupad namin, e."

Dagdag pa niya, pantay-pantay ang lahat sa batas.

Lalo raw ngayon na mas maayos na raw ang pagpapalakad sa MMDA.

"Hindi kami natatakot mag-ticket, mangilag sa kanila, dahil talagang violator sila.

"Dapat lang talaga na magkaroon tayo ng pagbabago, e.

"Kasi noong araw, ’pag nakita lang nating mabigat na tao ’to, parang takot na, di ba?

"Pero ngayon, hindi.

"Talagang pantay-pantay ang pagpapatupad namin ng batas ng trapiko dito sa MMDA," sabi ng MMDA officer.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN