Ritz Azul on being Heart Evangelista’s lookalike: "Flattered ako na kamukha ko siya."

"Madalas po nasasabihan ako na hawig ko raw si Heart Evangelista. Then, kapag makapal ang makeup ko or dark yung eyes ko, si Katrina Halili naman daw po ang kamukha ko. Masaya ako na naging kamukha ko silang dalawa," says Ritz Azul.


Natawa na lang ang newcomer na si Ritz Azul sa comment ng iba na gaya-gaya o copycat siya ni Heart Evangelista.

May anggulo kasi siya na kahawig ng aktres, lalo’t kung nakalugay ang kanyang mahabang buhok.

Pero nilinaw ni Ritz na hindi niya intensiyong gayahin ang hitsura ni Heart, subalit aminadong flattered siya kapag sinasabihan na hawig sila ng girlfriend ni Daniel Matsunaga.

"Madalas po nasasabihan ako na hawig ko raw si Heart Evangelista.

"Then, kapag makapal ang makeup ko or dark yung eyes ko, si Katrina Halili naman daw po ang kamukha ko.

"Masaya ako na naging kamukha ko silang dalawa.

"Okay lang na sabihin yun, basta sa way po na hindi nakakasakit.

"Pero hindi naman po ako gaya-gaya, hindi ko naman sinasadya na maging hawig kami ni Heart, nagkataon lang na medyo hawig kami.

"Basta, masasabi ko lang ay flattered ako na kamukha ko siya.

"Kasi po, bukod sa maganda ay sikat siya, sana ay maging tulad niya ako, na magaling na artista," saad ng young actress na nangangarap maging CPA-lawyer someday.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Ritz sa taping ng drama series na Mga Nagbabagang Bulaklak ng TV5 noong Miyerkules, June 8, sa Fairview, Quezon City.

BRAND NEW CAR. Samantala, sobrang excited naman ni Ritz sa pagbabalitang ang una niyang naipundar mula sa mga kinita sa showbiz ay isang brand new red car.

"Proud po ako sa naipundar kong car, bale unang nabili ko ito, e, isang Hyundai Access.

"So, mula sa pagiging sobrang simpleng buhay sa probinsiya, nakabili na ako ng kotse.

"Dati po ay nagdyi-jeep lang ako, e.

"Mahalaga kasi sa trabaho ng isang artista ang transportation.

"Kaya po very thankful ako kay God sa tulong Niya," sabi ni Ritz, na only child at ipinanganak sa Manama, Bahrain dahil dating kapwa OFW doon ang kanyang parents.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

MGA NAGBABAGANG BULAKLAK. Malungkot na masaya naman si Ritz sa nalalapit na pagtatapos ng Mga Nagbabagang Bulaklak ng Kapatid network next week.

"Iba kasi ang samahan sa aming show, talagang sobrang saya rito, walang dull moment.

"Hindi lang yung cast, pati production, masaya kaming lahat, parang family talaga," wika niya.

Pero pagkatapos ng drama series na ito ay makakasali naman si Ritz sa bagong late morning variety show ng TV5 titled Saberdey.

Ukol naman sa co-star niya sa Mga Nagbabagang Bulaklak na si Arci Muñoz, sinabi ni Ritz na super-close siya rito at lagi siya nitong binibigyan ng advice, pati sa pakikipag-boyfriend.

"Sa lahat naman po ay close ako, close talaga ang samahan namin dito kaya po nakakalungkot dahil magtatapos na ang show.

"Isa po sa pinakamalapit ako ay kay Ate Arci, at madalas sinasabihan niya ako na, ’Bebe, huwag ka munang magbo-boyfriend, ha, bata ka pa kasi.’

"Madalas niyang payo sa akin ’yan, kasi na-experience na niya e," nakangiting saad niya.

Inamin din ng 17-year-old actress na miyembro siya ng samahang NBSN o No Boyfriend Since Birth.

"Hindi pa po ako nagkaka-boyfriend, No Boyfriend Since Birth po ako!" nakatawang wika niya.

"Totoo po ’yan, and siguro kaya yung iba ay parang di makapaniwala, yung iba kasi kahit ang babata pa ay may mga boyfriend na, e.

"Kaya kapag may narinig na gaya ko na hindi pa nararanasang magka-BF, parang naninibago po sila."

Bakit, takot ba siya sa lalaki?

"Hindi naman po, kaya lang, parang napapansin ko lang sa ibang may relasyon, iiyak-iyak sila, e.

"So, ayaw ko pong masaktan, ayaw kong umiyak dahil natatakot ako kapag dumating ’yong ganoon.

"At saka po gusto kong mag-concentrate muna sa aking career," sabi niya.

Ano pa ang inasahan niya sa kanyang showbiz career?

"Sana po ay marami pa akong matutunan sa acting, gumanda yung career ko, at huwag akong mabakante at tuloy-tuloy lang sana ang pagdating ng projects," saad ni Ritz.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN