Vice Ganda on being tagged as the next Kris Aquino or Boy Abunda: "Nag-iisa lang si Boy, nag-iisa lang si Kris... I want to be the first Vice Ganda."

Sa ganda ng tinatakbo ng hosting career ni Vice Ganda, marami ang nagsasabi na mukhang sinusundan raw niya ang yapak nila Kris Aquino at Boy Abunda.

"Hindi ko sila puwedeng maging ka-level kasi sobrang bongga ng acheivements nila. Kasisimula ko pa lang, so bago pa lang yung mga achievements ko. Sila mas marami na silang na-achieve kaya hindi ko na mahahabol yun," says Vice.


Pumirma ng six-month contract si Vice Ganda para sa show niyang Gandang Gabi Vice last Wednesday, June 15, sa 14th floor ng ELJ Bldg. Patunay lang daw ito na tinanggap ng tao ang tema ng show at proven na talaga ang hosting prowess ng stand-up comedian/tv host.

Kasama niya ang manager niyang si Ogie Diaz.

Sa interview ng PEP.ph (Philippines Entertainment Portal) kay Vice sa nasabing contract-signing, agad naming tinanong ang TV host kung di ba siya nag-aalala na baka may mga na-o-offend na pala siya sa mga guest artists niya na siyang kadalasang nangyayari sa mga comedy bars na siyang peg ng kanyang show?

"Aware ako na posible akong makasakit pero hindi ko naman gusto. Yung guest naman, alam naman nila na kapag tumuntong sila sa show e, puro harutan lang at open sila sa kahit na ano.

"Sinasabi ko agad sa staff na kapag kumukuha ng guest, ilatag agad yung mga gagawin para walang biglaan. Gustung-gusto ng mga guests yung harutan kaya nga yung mga artista kapag nagge-guest, hindi sila nangangawit. Kung ano ang gusto natin, gawin natin," ang sabi niya.

"Sa Gandang Gabi Vice kasi, nasyo-showcase yung totoong pagkatao ng mga artista. Kadalasan kasi ang tingin natin sa mga artista, mataas na bituin. Nagtatanong na tuloy yung mga tao kung normal pa rin ba yung mga buhay nila.

"Hindi na tuloy nakaka-relate ang karamihan. Yung mga artista kapag nage-guest sa Gandang Gabi Vice, bumabalik sila sa pagiging tao.

"Si Gerald umuutot din pala, si Piolo naghihintay din pala ng sale. Yung mga lumalabas sa bibig nating mga normal na tao, sinasabi rin ng mga artista so lumalapit ang mga artista sa mga tao."

Aminado si Vice na may conscious effort sa part niya nung una para di makapagbitaw ng mga salita na below the belt na maaaring maging dahilan para pag-initan sila ng MTRCB o ibang grupong moralista.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Dati talaga may conscious effort na wag magmura at walang bastos na jokes. Dapat sanitized talaga yung mga sasabihin mo kasi may mga batang nanonood.

"Ipoproseso mo muna sa isip mo bago mo sabihin. Ngayon nasanay na ako kasi naka-apat na season na ang Showtime. Alam ko na ang puwede, ang hindi, at kung paano ang bitaw," aniya.

"Ngayon kapag nagko-comdey bar na ako, nagugulat yung mga kasamahan ko kasi nagiging pang-TV na talaga ako. Conscious na rin kasi ako na may mga followers akong bata, mga nanay.

"Nagko-comedy bar pa rin ako, hindi puwedeng mawala yun kasi mangangalawang ako. Sa comedy bar, iba ang experience na makukuha from every person na makaka-interact ko. Saka dun ako nagsimula kaya hindi ko ito matatalikuran."

Dahil araw-araw na napapanood ang Showtime at Sabado ng gabi naman ang Gandang Gabi Vice, hindi raw kaya naiisip ni Vice na baka ma-overexpose siya?

"Hindi rin naman hahayaan ng ABS-CBS na ma-overexpose ako at maubos ang talent ko. Mananaka ang mga tao at mawawala na lang ako bigla. Ako, ang manager kong si Ogie Diaz at ang ABS-CBN, we all work hand-in-hand para mapangalagaan din ang trabaho ko.

"Habol rin namin yung longevity ko, so far, nasa tamang posisiyon pa naman ang mga trabaho ko. Saka ang pagtawa naman, hindi kasasawaan ng tao yun, lalo na sa panahon ngayon, hahanap-hanapin nila ang pagtawa."

Sa ganda ng tinatakbo ng hosting career ni Vice, marami ang nagsasabi na mukhang sinusundan raw niya ang yapak nila Kris Aquino at Boy Abunda.

"Hindi ko sila puwedeng maging ka-level kasi sobrang bongga ng acheivements nila. Kasisimula ko pa lang, so bago pa lang yung mga achievements ko. Sila mas marami na silang na-achieve kaya hindi ko na mahahabol yun.

"Nag-iisa lang si Boy, nag-iisa lang si Kris. I don’t want to be tagged as, ’the next Boy Abunda.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"I want to be ’the first Vice Ganda.’"

Patience is a virtue at dito napatunayan ni Vice na may pupuntahan talaga ang mga taong matitiyaga at marunong maghintay.

"Ito na nga siguro yung panahon ko na matagal kong hinintay. Kaya nga noong naiinip ako, buti na lang hindi ako sumuko kasi nung binigay naman ni Lord, sabay-sabay na. Minsan nga pakiramdam ko, nakakatakot na, kasi lahat binigay ni Lord, baka kukunin na niya ako, nakakapraning!

"Hindi ko rin naman kasi pinaplano ang buhay ko. Hindi ko sinasabi na dapat sa ganitong edad mayroon na akong ganito, wala akong ganun," ang sabi niya.

"Wala na rin akong idea kung ano pa ang gusto kong ma-achieve. Pakiramdam ko kasi kung meron ako ngayon, bongga na para sa akin. Nagpapasalamat na lang ako kay Lord, nahihiya na akong humingi pa.

"Kung anuman ang dumating e, di go. Kung wala, okay lang kasi marami pa naman ako sa ngayon.

"Sa sobrang dami ng blessings ko, patong-patong na, yung iba, hindi ko pa nagagamit. Pakiramdam ko talaga, puwede na akong mamatay, promise!"

"Kasi nga yung Nanay ko, naiuwi ko, may bahay na kami. Siguro kaya hindi pa ako puwedeng mamatay kasi ayokong umiyak ang Nanay ko but I can say fulfilled na ako sa buhay."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN