Arci Muñoz unleashes her rock-star persona

Arci Muñoz is one of the hosts of the newest variety show of the Kapatid network, Hey! It’s Saberdey!. Aside from hosting, she will also unleash her hidden talents as she performs with the other young stars of TV5.


Noong isang linggo ay natapos na ang drama series na pinagbidahan ni Arci Muñoz sa TV5, Mga Nagbabagang Bulaklak, kung saan nakasama niya ang baguhang aktres na si Ritz Azul.

Ngayon naman ay mapapanood si Arci na naghu-host ng isang variety show sa pamamagitan ng Hey! It’s Saberdey!, na nagsimula noong Sabado, June 18.

Hindi naman baguhan si Arci sa pagho-host. Noong nasa GMA-7 pa siya ay naging segment host siya ng Season 5 ng reality-based artista search na StarStruck.

Pero sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Arci sa set ng Hey! It’s Saberdey! noong Sabado sa New Broadway Centrum, Quezon City, sinabi niyang isang travel and lifestyle show ang pangarap niyang i-host.

"’Yung gusto ko talaga, travel and lifestyle show," sambit niya.

"Kasi mahilig ako magluto, mahilig ako mag-travel.

"So, di ba, nakakatuwa pag mai- share mo yon?"

MAKING A BAND. Kilala si Arci bilang isang aktres at host kahit noong nasa Kapuso network pa siya.

Ang ilan niyang shows sa GMA-7 noon ay Zaido: Pulis Pangkalawakan (2007), Saan Darating Ang Umaga (2008), Ngayon at Kailanman (2009), at ang huli ay ang Langit Sa Piling Mo (2010).

Pero lingid sa kaalaman ng marami, si Arci ay marunong ding kumanta.

Katunayan, meron siyang banda ngayon, bukod pa sa sinalihan niyang banda noong high school

Paano nga ba nagsimula ang banda na tinawag nilang Philia?

"[Noong] 18th birthday [ko]," nakangiting sagot ni Arci.

"So, gusto ko mag-[production], nasa GMA pa ako noon.

"Tapos siyempre, magpo-production ka, gusto mo na rin tumugtog, di ba?

"Siyempre, gusto ko na ring tumugtog, yun talaga yung hilig ko.

"E, yung banda ko nung high school ako, hindi ko na nakikita... Yung friend ko, inaya ako na bumuo ng banda.

"So, may naghanap ng ibang bandmates, tapos ayun, nag-gig na kami."

Mga rock songs ang tipong pine-perform ng banda ni Arci. Kasama rin niya ang dating katrabaho sa Kapuso network na si Dion Ignacio.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa ngayon, balak daw ng banda ni Arci na gumawa ng isang original single, at ilabas ito sa merkado.

Si Arci ang sumusulat ng kanilang kanta, samantalang ang kanilang gitarista naman ang taga-lapat ng musika nito.

THEIR KIND OF MUSIC. Bagamat nandoon ang passion sa paggawa ng musika, alangan si Arci na matatanggap ng mga Pinoy ang kanilang musika, lalo pa at rock ang tema nito.

"Siyempre, di naman talaga kaagad tatanggapin ng tao yung ganitong tugtugan—mabigat, rock and roll.

"Sobrang liit ng population ng mga tao dito sa Philippines na nakikinig ng ganoon [music].

"So, hindi na kami umaasa. Hindi na talaga nag-e-expect ng kahit na ano, mahalaga sa amin magkakasama kami.

"Kung magka-solo album, why not? Ewan ko, di mo masasabi sa ngayon."

Sa kanyang bagong show sa Kapatid network ay naipapakita na ni Arci ang kanyang tinatagong talento sa pagkanta.

Pero kahit pa daw dumating sa punto na may mag-offer sa kanya na gumawa ng album ay hindi raw niya iiwan ang kanyang banda.

"Ayoko," sabi ni Arci.

"Hindi ako magso-solo.

"’Yung mga bandmates ko kasi, sila yung mga brother ko.

"So, hindi ko iiwan banda ko, gusto ko kasama ko sila."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN