Pilipinas Got Talent Season 2 grand winner is Marcelito Pomoy

Ang nanguna sa boto at ang nanalo ng 2 million pesos ay ang singer na kayang pagsabayin ang lalake at babaeng boses pagkumakanta, si Marcelito Pomoy. Kinanta niya ang "The Prayer" nung performance night. Pumangalawa sa kanya ang tap dancing duo na Happy Feet at panghuli ay ang agaw-buhay tumblingeros na Freestylers.


Ang tinaguriang "Male Diva" na si Marcelito Pomoy ang itinanghal na grand winner sa grand finals ng talent show ng ABS-CBN na Pilipinas Got Talent Season 2.

Ginanap ang grand finals sa Araneta Coliseum kagabi, June 26.

Si Marcelito ang nakakuha ng pinakamaraming boto sa 14 finalists na naglaban-laban para sa grand finals.

Ang tap-dancing duo na Happy Feet ang second placer, at pangatlo naman ang all-male dance group na Freestylers.

Nanalo ng P2 million si Marcelito bilang grand winner ngayong season.

PERFORMANCE NIGHT. June 25, Sabado, nagkaroon ng performers’ night ang 14 grand finalists sa The Big Dome upang ipakita ang tunay na galing ng mga Pinoy.

Kasama pa rin ang mga huradong huhusga sa kanila—ang Queen of All Media na si Kris Aquino, Comedy Box Office Queen na si Ai-Ai delas Alas at ang The Expert na si Freddie "FMG" Garcia.

Kasama rin ang hosts ng programa na si Billy Crawford at ang co-host niya for the night na si Nikki Gil. Wala si Luis Manzano dahil may previous commitment daw ito kung kaya’t hindi siya nakadalo.

Unang sumabak sa mga hurado ang dance group mula Calamba City, Laguna, na puno ng "bakulaw tumblings" na "agaw-buhay"—ang Freestylers.

Sumunod sa kanila ang DJP Trio, ang singing trio from Bacolod City.

Pangatlo ay ang Happy Feet na magkapatid galing sa Bukidnon—na kahit walang formal training sa tap dancing ay ipinakita pa rin ang kakaiba nilang galing.

Pang-apat ay si John Michael Narag ng Pangasinan, na kumanta ng "Kahit Saglit" made popular by Martin Nievera.

Pang-lima ay ang dance troupe na galing Baguio, ang B4.

Sumunod na nag-perform ang magician na punung-puno ng pasabog sa kanyang mga magic at magaling humataw sa dance floor—si Rico the Magician ng Caloocan City.

Pampito namang nag-perform ang Madrigal Siblings singing trio from Cainta, Rizal.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pang-walo ay si Marcelito Pomoy ng Imus Cavite, na kayang pagsabayin ang lalake at babaeng boses pag kumakanta. "The Prayer" ang kinanta niya.

Pang-siyam ay si Buildex Pagales ng Digos, Davao del Sur, ang Bruno Mars ng Pilipinas. Ani Ai-Ai, "Kung may Bruno Mars, dito sa Pilipinas may Bruno Earth."

Pang-sampu ay ang dance troupe na galing ding Baguio, Filogram.

Sumunod sa kanila ang ballroom dancing duo mula sa Bacolod City, ang Nielbeth.

Panglabing-dalawa ang heartthrob ng Cebu na si Jem Cubil.

Panglabing-tatlo ang nag-iisang bandang kalahok—ang Skeights.

Ang panghuli ay ang hula hoop tricker from Cainta, Rizal na si Angel Calalas.

Dahil sa Pinoy talent at Pinoy pride na ipinakita ng mga kalahok, nag-trending ang PGT Grand Finals sa Twitter noong Sabado ng gabi at ngayong gabi.

HATOL. June 26, Linggo, ang pinakahihintay ng mga grand finalists—ang results night.

Bago hirangin ang pangalawang kampeon ng Pilipinas Got Talent Season 2, nagkaroon muna ng production numbers kasama ang mga kilalang personalidad sa industriya ng pagkanta at pagsayaw—tulad nila Aiza Seguerra, Protein Shake, Jhong Hilario with XP Gensan and Showtime dancers, John Prats, Rayver Cruz, Zsa Zsa Padilla, Gary Valenciano, at ang Season 1 winner na si Jovit Baldivino.

At ang pinakahihintay ng lahat, ang Top 3 sa botohan—ang agaw-buhay tumblingeros na Freestylers, Marcelito Pomoy na kayang pagsabayin ang lalake at babaeng boses pagkumakanta, at ang tap dancing duo na Happy Feet.

Sa huli, ang nanguna sa boto at ang nanalo ng two million pesos ay si Marcelito Pomoy.

Pumangalawa sa kanya ang Happy Feet at panghuli ang Freestylers.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN