Sarah Geronimo back from the U.S., faces latest issues

"Nag-dance and voice lessons din ako, may hip-hop, jazz sa singing... Ginawa ko yun dahil alam ko na kailangan ng improvement sa akin as a singer, as a dancer, as a performer," says Sarah Geronimo about her training in the U.S.


Mahigit isang buwan nawala sa sirkulasyon ang Pop Princess na si Sarah Geronimo. Nagpunta siya sa U.S. para magbakasyon at kumuha na rin ng voice and dance lessons.

Noong Miyerkules, July 6, ay nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Sarah sa rehearsal niya para sa concert na What Love Is. Dito niya ikinuwento sa amin ang mahigit isang buwang pamamalagi niya sa ibang bansa.

"I feel refreshed and well rested din," simula niya.

"Kahit papaano nandun yung peace, na-experience ko yung peace dun.

"Yung bonding ko kasama si Mommy [Divine Geronimo], mga tita ko, pinsan ko na pinatuloy kami sa bahay nila.

"Bakasyon siya for more than a month.

"Nag-dance and voice lessons din ako, may hip-hop, jazz sa singing... Huwag na tayong maging detailed, hindi naman kasi siya surprise, pero okay na yun.

"Ginawa ko yun dahil alam ko na kailangan ng improvement sa akin as a singer, as a dancer, as a performer."

RIVALRY WITH ANGELINE. Nabahiran nga lang ng intriga ang pagkuha ni Sarah ng voice and dance lessons dahil bakit ngayon lang daw niya naisipang gawin ito kung kailan napagkukumpara silang dalawa ni Angeline Quinto.

Intriga nga ng iba ay sensyales daw ito na baka threatened si Sarah kay Angeline.

Pero ayon kay Sarah, "Alam ninyo, hindi naman maaalis sa society natin na pinagku-compare ang bawat isa sa atin—maging sa trabaho o sa kahit na anong aspeto.

"Diyos lang ang hindi tayo pinagku-compare dahil ginawang unique ang bawat isa sa atin.

"Ako naman, I’ve always tried to improve my craft. Hindi ko kinu-consider si Angeline na threat kasi hindi magandang mindset yun.

"Yung manu-neurotic ka, hindi magandang ugali yun.

"Basta ako, I’m so happy sa narating ni Angeline ngayon. Siyempre naiintindihan ko ’yan, pinagdaanan namin pareho ’yan.

"Masayang-masaya ako na yung mga kasabayan ko, unti-unti kaming nakakaakyat sa gusto naming marating," saad niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

THIRD MOVIE WITH JOHN LLOYD. Balitang tuloy na raw ang third installment ng pelikula nina Sarah at John Lloyd Cruz pagkatapos ng back-to-back blockbuster movies nilang A Very Special Love at You Changed My Life.

Ayon sa singer-actress, excited na siyang makapareha muli si John Lloyd kung sakaling matuloy ang pelikula nila.

"Excited ako diyan kasi alam ko na maraming mga supporters ang naghihintay na makita kami ulit na magkatrabaho."

Pero aniya, "Kaklaruhin ko lang na wala pang confirmation, wala pa akong naririnig na confirmation from my manager and Star Cinema.

"Ipagpe-pray natin kung ano man yung will ni God, kung matuloy man o hindi"

Aminado si Sarah na ang pagdadalwang-isip niya noon na huwag munang gumawa ng pelikula kapareha si John Lloyd ay dahil may gusto siyang patunayan sa kanyang sarili.

"Kasi sabi ko nga noon, I wanted to challenge myself," sabi niya.

"As an actor, gusto ko ring malaman kung hanggang saan ako, kung hanggang dito lang ba ako.

"Gusto ko yung malaman at nabigyan naman ako ng chance na makasama yung ibang leading man, si Gerald [Anderson].

"Thank God it was successful, marami namang natuwa. Yun lang naman ang gusto kong malaman."

Tinanong din ng PEP si Sarah kung wala na ba yung awkward feeling niya kay John Lloyd at kung bukas na ba siyang muling makipagkaibigan sa aktor.

"Alam ninyo kasi, ako talaga yung tao na katulad ng sinasabi ni Ate Judai [Judy Ann Santos]—diesel.

"Nagkausap tayo ngayon, close tayo ngayon, pag nagkita tayo next time, nahihiya ako... Mahiyaing tao talaga ako.

"Humihingi ako ng pasensiya sa mga tao na akala nila suplada ako, pero talagang mahiyain lang ako na tao.

"Nahihiya akong tumingin, makipagtitigan... O, ayan, sinasabi ko na ang lahat!" tawa niya.

"Yun lang yun, ha.

"With Lloydie naman, basta ako, ready na mapasaya ang mga tao."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag niya, "Alam ninyo yung closeness naman namin, nabuo yun nung gumawa kami ng pelikula.

"Every time na magkikita kami, siyempre may kaunting ilang sa umpisa, medyo nag-a-adjust kasi hindi naman kami lagi nagkakatrabaho.

"Pag na-warm up na, balik na ulit yung kulitan... yun ang maganda, e.

"Saka makulit na tao si John Lloyd, wala, masaya lang, enjoy lang."

CRISTINE REYES. Marami rin ang natuwa nang magkaayos na sina Sarah at Cristine Reyes pagkatapos ng alitan nila dahil sa pagkakaugnay nila pareho kay Rayver Cruz.

Masaya si Sarah na natuldukan na ang gulo sa kanila ng kapwa Kapamilya.

"Tuloy pa rin naman yung communication namin," banggit ng Pop Princess.

"Yes, I’m very happy. Siyempre noon ko pa naman gustong makilala nang malalim si Cristine.

"Kung anuman ang maibabahagi ko sa kanya, it’ll be an honor na maging kaibigan niya.

"Siyempre hindi naman puwedeng maging close kami agad dahil may kino-consider tayong feelings ng ibang tao, di ba?

"Kung hangang saan lang, nandodoon lang ako.

"Basta masaya ako kung anumang friendship mayroon kami ni Cristine."

Tinanong din namin si Sarah kung manonood ba siya ng teleseryeng Reputasyon na pinagbibidahan nina Cristine at Rayver.

"Siyempre naman, kung may time, papanoorin natin," sagot niya.

RACHELLE ANN-JOHN BREAKUP. Kinunan din namin ng pahayag si Sarah tungkol sa breakup ng kaibigan nitong si Rachelle Ann Go sa actor-dancer na si John Prats.

Sa interview kasi ni Rachelle ay sinabi nito na isa si Sarah sa kaibigang hindi siya iniwan sa sitwasyong kailangang-kailangan niya ng makakausap at makaintindi sa kanya.

Ayon naman kay Sarah, "Yes, mahal ko si Rachelle at iba ko pang co-Champions... lahat sila. Alam namin na mahal namin ang isa’t isa.

"Nandiyan kami sa lahat ng bagay. Hindi man nila ako palaging nakakasama, kung pupuwede, talagang dadamayan ko sila, kahit nasaan sila, pupuntahan ko sila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Saka sa mga panahon din na ako naman yung down na down, nandun din sila para sa akin—sila Yeng [Constantino], Ate Rachelle, Christian [Bautista], Eric [Santos], Jed [Madela], Mark [Bautista].

"Kung anuman ang magagawa ko para sa kanila, gagawin ko."

Umiwas naman si Sarah nang tanungin namin kung ano ang ipinayo niya kay Rachelle, lalo na’t nakaranas na rin siya ng heartbreak.

"Huwag na nating ungkatin. Basta mahal ko yun, huwag na lang nating husgahan ang kahit na sino," sabi niya.

May sama ba siya ng loob kay John, na kasamahan niya sa ASAP Rocks?

"Sama ng loob kay John? Hindi ko kasi talaga alam... Hindi pa kami nakakapagkuwentuhan," ani Sarah.

MIGUEL VILLAFUERTE. Isa sa mga nali-link ngayon kay Sarah ay si Miguel Villafuerte, anak ni CamSur Governor Luis Raymond "Lray" Villafuerte.

May fan page na nga raw ang Sarah-Miguel sa Facebook na nila-"Like" ng mga may gusto na sila ang magkatuluyan. Balita ring nagpapadala ng mga espesyal na regalo ang binata sa singer-actress.

Pero ayon kay Sarah, wala pa siyang panahon parang bigyang pansin ang usaping lovelife.

"Hindi pa naman kami nagkikita. Yung cake, ang tagal na nun.

"Basta sa akin lang, kung totoo man yung paghanga, maraming salamat, di ba? Pero sana huwag na lang nating palakihin pa."

CONCERT IN CEBU. Sa ngayon ay abalang-abala si Sarah sa rehearsals para sa What Love Is concert nila ni Martin Nievera sa Cebu.

"It will be on July 15, Waterfront Hotel in Cebu," banggit ng Pop Princess.

"Kinakabahan pa rin ako, nagba-band rehearsal kami, pero hindi naman natapos.

"We’re very excited and we’re hoping na sana ang mga kababayan natin sa Cebu, sana kahit pabalik-balik ako dun, sana bigyan ninyo ako ng chance na mapanood ulit na mag-perform kasama ko ang Concert King na si Martin Nievera.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Big event ito para sa kanila."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN