Aiko Melendez gives full attention to showbiz comeback; politics takes back seat

"Honestly, ngayon, hindi ko talaga maisip ang politics, kasi nag-e-enjoy ako. Kasi, na-miss ko ito for so long. I don’t even know kung babalik pa ako sa 2013," says Aiko Melendez about whether or not to try her luck again in politics next elections.


Muling magbabalik-telebisyon ang actress-politician na si Aiko Melendez sa pamamagitan ng bagong afternoon soap opera ng ABS-CBN na Reputasyon.

At dahil matagal naging abala noon si Aiko sa pulitika, nabiro tuloy siya kung ang kanyang pagbabalik ay isang paghahanda para sa susunod na eleksyon.

Natatawa naman itong pinabulaanan ng aktres sa press conference na inihanda ng network para sa cast members ng programa kanina, Hulyo 12, sa 9501 restaurant sa loob ng ABS-CBN compound sa Quezon city.

Ayon kay Aiko, wala pa sa kanyang isip sa ngayon ang pulitika at nakatuon lamang ang atensiyon niya sa mga proyekto niya sa showbiz.

Aniya, "Honestly, ngayon, hindi ko talaga maisip ang politics kasi, nag-e-enjoy ako. Kasi, na-miss ko ito [showbiz] for so long.

"I don’t even know kung babalik pa ako sa 2013. Kahit papaano nga dapat sinasabi ko na sa inyo, di ba? E, hindi talaga, e.

"Although kasi, mayroon akong hinihintay na sign. Kapag nangyari ’yon, ibig sabihin no’n, meant talaga ako dito sa showbiz."

Hindi kaya nawalan na ng interest si Aiko sa pulitika dahil sa kanyang pagkabigo nang tumakbo siya para sa vice mayor post ng Quezon City noong 2010?

"No naman," sagot ni Aiko. "Kasi, umabot na ako sa punto ng acceptance. Okay, hindi ako pinalad sa aspeto na ito.

"Pero hindi naman ibig sabihin no’n na kailangan na akong huminto sa pagtulong.

"Kahit naman wala ako sa pulitika ngayon, modesty aside, marami pa rin naman akong natutulong."

Bagamat hindi siya pinalad sa kanyang huling pagsubok sa pulitika, hindi naman daw ibig sabihin nito na tuluyan na niya itong kalilimutan.

Sabi ni Aiko, "Kapag dumating lang ’yong calling ko na ’yan, maybe I’ll reconsider.

"Pero ngayon, mas gusto ko munang ibigay ang attention ko dito sa comeback ko."

Unang pinasok ni Aiko ang mundo ng pulitika nang tumakbo at mahalal siya bilang barangay councilor noong 2003. Pagkatapos noon ay pinalad naman siyang maging konsehala sa ikalawang distrito ng Quezon City sa loob ng apat na taon hanggang 2008.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

PASSION FOR ACTING. Isa sa mga dahilan kung bakit nagbalik nang muli sa showbiz si Aiko ay dahil sobrang na-miss na raw niya ang pag-arte.

Sa katunayan, sabi ni Aiko, kahit noong abala siya bilang public servant, sinisiguro pa rin niya na magkaroon ng pagkakataong umarte kahit sa mga maiiksing role lamang.

Dagdag pa ng aktres, "Kaya nga every time na magre-rest ako from show business, I see to it na I do Maalaala Mo Kaya, nagkakaroon ako ng guesting-guesting.

"I mean, this is something that I love doing. Ano siya, e, passion.

"Acting is a passion for me so, noong binigyan pa ako ng proyekto na ganito kaganda, the more na nae-excite ako talaga."

Gaganap si Aiko bilang Catherine Villamayor, ang magiging kontrabida sa buhay ni Agnes delos Santos na ginagampanan naman ni Cristine Reyes.

UPDATE ON THE CASE. Samantala, tumanggi namang magbigay ng komento si Aiko nang tanungin siya ng entertainment press tungkol sa kasalukuyang kaso na isinampa laban sa kanya ng dati niyang kasintahan na si Bulacan, Bulacan Mayor Patrick Meneses.

Matatandaan na noong Abril, naging mainit na isyu ang diumano’y private messages ng aktres sa isang kaibigan na patungkol kay Patrick. (CLICK HERE to read related story.)

Ito nga ay humantong sa kasong libelo na isinampa ng Bulacan, Bulacan mayor noong Mayo 30. (CLICK HERE to read related article.)

Sa panayam kanina kay Aiko, nakiusap siya na ang kanyang legal representative na lamang ang tanungin tungkol dito.

Aniya, "I cannot talk about it kasi it’s already in court. It’s ongoing.

"I think ang pinaka-perfect talaga na magsalita about that is ’yong lawyers namin.

"Ako, I have Atty. Adel Tamano to speak on my behalf."

May usap-usapang baka puwedeng ma-settle ang isyu sa pagitan nilang dalawa sa labas ng korte. Kung sakali ba ay bukas siya sa ganitong ideya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sagot ni Aiko, "Alam n’yo kasi sa buhay naman, wala namang hindi imposible, e. I mean, who would think na magiging kaibigan ko rin ’yong mga ano...

"I’m not closing my doors lalo na kung ikakabuti ito ng bawat partido and hindi na magiging perwisyo."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN