Former actress Shirley Gorospe and director Don Escudero succumb to cancer

Shirley Gorope, 73, died of brain tumor and lung cancer last July 9 at Cedars-Sinai Medical Center, Los Angeles, California; Don Escudero (inset) died of colon cancer last July 11 at Medical City in Mandaluyong City.


Matapos ang ilang dekada sa industriya ng showbiz, namaalam na ang aktres na Shirley Gorope at ang director/production designer na si Don Escudero.

Ang kanilang pagpanaw ay kinumpirma ng kanilang mga malalapit na kaibigan sa industriya.

Ang kaibigan ni Shirley na si Pempe Rodrigo ang nagparating ng malungkot na balita tungkol sa aktres.

Sa edad na 73, pumanaw ang dating aktres sa sakit na brain tumor at lung cancer noong Sabado, July 9, sa Cedars-Sinai Medical Center, Los Angeles, California bandang 10:45 ng umaga.

Ayon naman kay Direk Joey Reyes, pumanaw ang matalik na kaibigan niyang direktor at production designer na si Don Escudero sa edad na 55, sa sakit na colon cancer, noong Lunes, July 11, sa Medical City.

SHIRLEY GOROSPE. Si Shirley Gorospe, o Shirley Endoso sa tunay na buhay, ay Filipino-Portuguese na ipinanganak sa Hawaii.

Ang kanyang ama ay tubong Ilocos Sur, samantalang ang kanyang ina naman ay isang Portuguese.

Matapos niyang matanghal na Miss Philippines-California noong 1956, bumalik si Shirley sa Pilipinas at ipinagpatuloy ang kanyang pag-aaral.

Nang makapagtapos ng kolehiyo, bumalik siya sa Amerika at nagtrabaho sa Bank of America.

Pero sa kanyang paglipad pabalik ng U.S., kinuha siyang artista para sa isang pelikula ni Direk Cirio Santiago, na kinunan sa Los Angeles at Disneyland.

Mula doon ay nagsimula na ang career ni Shirley sa showbiz.

Dito’y nakatambal niya ang kilalang aktor na si Zaldy Zshornack.

Ilan sa mga pelikula nila ay Shirley, My Darling (1958) at Hong Kong Honeymoon (1960).

Naging leading lady rin si Shirley ni Fernando Poe Jr. sa ilang mga pelikula nito tulad ng Pitong Gatang (1959) at Tipin (1958).

Hindi nagtagal, naging totohanan na ang kuwento ng kanyang onscreen love team with Zaldy Zshornack, at naging magkasintahan sila.

Nagtanan ang magkasintahan at nagkaroon ng civil wedding noong Enero ng 1958 sa Cainta, Rizal. At makalipas ang dalawang buwan, naganap naman ang pangarap nilang church wedding.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero panandaliang naghiwalay ang dalawa noong 1960s.

Bumalik ng Amerika si Shirley, at doon ay sinubukang mag-file ng divorce.

Ngunit hindi pumayag si Zaldy na makipag-divorce. Kaya sumunod ito sa Amerika, at doon inayos nila ang kanilang problema.

At noon ngang 1970 ay muling nagpakasal ang dalawa sa Las Vegas, Nevada at doon na nanirahan.

Nagkaroon ng dalawang anak na lalaki sina Zaldy at Shirley—sina Garizaldy, 44, na ngayon’y isang entertainer sa Chicago, at si Geno, 31, na may asawa na at tatlong anak.

Ang masaya at mahabang pagsasama ng mag-asawa ay sinubok ng tadhana nang nagkaroon ng komplikasyon ang sakit na diabetes ni Zaldy.

At noon ngang Nobyembre 2002 ay tuluyan nang namaalam si Zaldy.

Naging maayos naman ang lagay ni Shirley at ng kanyang mga anak matapos pumanaw ni Zaldy.

Nanirahan na sila sa Amerika, at ibinenta ang kanilang unang naging tirahan sa Ayala Alabang.

Mas pinili raw ni Shirley na ibenta ang bahay dahil para sa kanya, "empty house" na ito dahil sa pagkamatay ni Zaldy.

Hanggang nang minsan dumalaw ang dating aktres sa isang kaibigan dito sa bansa, at aksidente itong nadulas at tumama ang ulo.

Agad siyang bumalik sa Amerika, at nitong isang buwan ay nadiskubre na malala na ang cancer ni Shirley.

At nito ngang, July 9, sa edad na 73 ay tuluyan ng nawala ang kinang ng bituin ni Shirley Gorospe.

DON ESCUDERO. Nagsimula ang pagpasok ni Don Escudero sa mundo ng showbiz nang gawin niya ang production design para sa pelikulang Tanikala (1980) ni Marilou Diaz Abaya.

Mula doon ay nagtuloy-tuloy na ang kanyang pagiging tanyag sa paggawa ng production design para sa iba’t ibang pelikula.

Ilan sa mga pelikulang ginawan niya ng disenyo ay ang mga sumusunod: "Manananggal" episode ng Shake, Rattle, and Roll (1984), Scorpio Night (1985), Unfaithful Wife (1986), Once Upon A Time (1987), Tiyanak (1988), at Isang Araw Walang Diyos (1989).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero bukod sa paggawa ng production design, naging director din si Don ng ilang mga pelikula noong ’90s.

Kabilang sa mga pelikulang idinirek niya ay ang mga sumusunod: Multo in the City at Hindi Magbabago (1994), Impakto at Taguan (1996), Laging Naroon Ka (1997), Halik (1998), at Nag-aapoy na Laman (2000).

Ang pinakahuling kontribusyon ni Don sa showbiz, ay nang gumanap siya ng supporting role para sa pelikulang Narinig Mo Na Ba Ang Latest? noong 2001.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN