Dolphy on long life and successful career: "Naka-quota na, dapat kalusin na!"

"Sabi ko nga, hindi ako ang hari, ang hari ay sila na nagluklok sa akin dito, sa katayuan ko ngayon. Kaya maraming-maraming salamat sa inyo at inabot ko itong edad na ito na marami pa ring humahanga sa akin. Yung mga iba, namayapa na rin.Maraming-maraming salamat sa inyo. Kung hindi dahil sa inyo, wala hong Dolphy," says the Comedy King.


Sa loob ng mahigit anim na dekada tayo ay pinangiti, pinatawa, at pinasaya ng Hari ng Komedya na si Dolphy (Rodolfo Vera Quizon sa totoong buhay) sa kanyang mga pelikula at palabas sa telebisyon.

Sa pagbubukas ng mga ilaw at camera, iba’t ibang papel ang ginagampanan niya.

Mapa-pari man (Father Jejemon), mapa-binabae (Markova, Facifica Falayfay), padre de pamilya (John En Marsha, Home Along Da Riles), lolo (Pidol’s Wonderland), o anumang role, ang lahat ng mga ito ay ginagawa niya sa ngalan ng komedya.

Sa July 25 ay magdiriwang ang Comedy King ng kanyang ika-83 kaarawan.

Kaugnay nito, isang one-on-one interview kay Cristy Fermin ang pinaunlakan niya na ipinalabas sa Paparazzi Showbiz Exposed sa TV5 kahapon, July 17.

Sa interview na ito ay hindi lang ang pagiging artista at hari ni Dolphy ang tinalakay kundi kung ano ang damdamin niya sa sitwasyon ng buhay niya ngayon.

A COMEDIAN’S LIFE. Nakilala siya bilang King of Comedy, pero ang komedyante ba ay nalulungkot din?

"Ang sabi nga nila, mas malungkot daw ang buhay ng komedyante. Sabi nila, laughing on the outside, crying in the inside," sagot ni Dolphy.

Paano niya napapasaya ang sarili niya kapag dinadalaw siya ng lungkot?

"Basta ako, pagka nalulungkot ako, pag may problema, nagwa-one-on-one ako sa Kanya, sa Itaas."

Paano siya makipag-one-on-one sa Panginoon?

"Ako, direkta ako. Haharap lang ako sa taas, minsan nakatingin lang ako sa langit. Alam ko nandun Siya."

Ano ba ang sources ng happiness para sa kanya? Saan siya humuhugot ng kaligayahan?

"Well, ako, sa pamilya siyempre. Ang unang kaligayahan dapat nasa bahay, di ba? Pag masaya ang mga kasama mo, ang pamilya mo, masaya ako."

Totoo bang ayaw niyang manood ng mga luma niyang pelikula?

"Naaalala ko yung mga nakaraan namin talaga, e. Lahat yung mga ipinakita doon [mga dati niyang kasama sa pelikula] wala nang buhay, e," paliwanag niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

LONG LIFE AND SUCCESSFUL CAREER. Ano kaya ang dahilan at siya ay biniyayaan ng mahabang buhay?

"Well, kumbaga sa kuwan... extension na lang itong sa akin, e.

"Pirmi naman akong maraming sakit na pinagdaanan. You name it, [heart] bypass, kung anu-ano, nagkaroon ako niyan.

"Pero ang masaya ay nandito pa rin. Titiguk-tigok, pero sige pa rin!" biro ni Dolphy.

Meron pa ba siyang pangarap sa panahong ito ng buhay niya?

"Wala na, wala na akong pangarap, e," sagot niya.

"Kumbaga sa kuwan, e, masaya na ako sa ipinagkaloob sa akin ng Panginoong Diyos.

"Mahaba na nga, e, sobra-sobrang haba na ng biyahe at tagumpay na ibinigay Niya sa akin.

"Naka-quota na, dapat kalusin na!" natatawa niyang sabi.

Ngayong humaharap siya sa panibagong taon ng kanyang buhay, ano ang mensahe niya ng pasasalamat sa ating mga kababayan?

"Sabi ko nga, hindi ako ang hari, ang hari ay sila na nagluklok sa akin dito, sa katayuan ko ngayon.

"Kaya maraming-maraming salamat sa inyo at inabot ko itong edad na ito na marami pa ring humahanga sa akin. Yung mga iba, namayapa na rin.

"Maraming-maraming salamat sa inyo. Kung hindi dahil sa inyo, wala hong Dolphy."

Ano ang gusto niyang sabihin sa mga nangangarap na makamit ang tagumpay na naabot niya?

"Masarap na... yun na lang, kunin n’yo na lang sa akin yung aking pag-aartista.

"Gayahin n’yo na lang yung pakikipag-kapwa-tao sa lahat dito sa industriya.

"Sa career n’yo, mahalin n’yo ang trabaho n’yo. Maging professional kayo.

"Ika nga, masarap yung wala kang kagalit, kabati mo lahat sila," payo niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN