Diether Ocampo denies rumors that Kris Aquino gave him a watch worth P5 million

Sinagot ni Diether Ocampo ang tsismis na diumano’y pinadalhan siya ni Kris Aquino ng isang mamahaling relo para sa kanyang kaarawan noong July 19. Ayon kay Diet, mas nanaisin daw niya kung ang ireregalo sa kanya ay donasyon para sa K.I.D.S Foundation (Kabataang Inyong Dapat Suportahan) imbes na kung anong mamahaling gamit.


Nauna nang sinagot ni Diether Ocampo ang bali-balitang sinamahan daw siya ni Kris Aquino na maghanap ng mabibiling residential property sa Quezon City area. (CLICK HERE to read related article.)

Ayon sa aktor, nagpasama siya sa kanyang dating co-star sa pelikulang Dalaw at "matalik" na kaibigan upang ma-refer siya sa mga kakilala nitong real estate brokers.

Sabi ni Diether, "We’re very good friends. Wala akong nakikitang problema dun, e.

"I mean, in reality, ikaw ba kung meron kang kaibigan na sa tingin mo makakatulong sa pangangailangan mo, kakailanganin mo, di ba, sino’ng tatawagin mo?

"Nagkataon na siya yung nandoon... Wala naman kaming tinatago."

Lumabas din kamakailan ang isang blind item na diumano’y tumutukoy kay Kris Aquino na niregaluhan daw si Diet ng isang relo na nagkakahalaga ng five million pesos para sa kanyang birthday noong July 19.

Itinanggi ni Diether ang usap-usapang ito nang makausap siya ng press sa kanyang birthday presscon last July 14 sa Quezon City.

Tinanong siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) contributor na si Rey Pumaloy tungkol sa isyung ito.

Ani Diet, "Ewan ko, may relo bang pinadala?"

"Baka naman hindi ako yun, kayo talaga. Sino ba yun? Wala, wala. Wala akong natatanggap na gano’n."

Sinagot din ni Diether ang usap-usapan na siya raw ang tinutukoy ng tinaguriang Queen of All Media na diumano’y napupusuan niya ngunit naudlot dahil pareho raw silang busy.

"Tatanungin ko siya, ha, kung ako ba yun," sabi ni Diet.

"Hindi naman siguro. Sabihin na lang natin na mahirap mag-assume, di ba? Parang hindi naman tama na mag-a-assume ka, di ba?

"Basta sa ’kin, ang importante maliwanag sa ’kin na, di ba... Ang ano kasi, maganda nga yung naging simula namin at yung pinagdaanan namin.

"Kasi tingnan mo, siya rin nagkaroon ng sarili niyang experience, di ba, na pumasok din siya sa gano’ng sitwasyon. Ako din gano’n, may similarity."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tinutukoy ni Diet ang kanyang pagpapakasal, pakikipaghiwalay, at pagpa-file ng annulment noon kay Kristine Hermosa na siya ring pinagdadaanan ni Kris ngayon sa mister niyang si James Yap.

"Kaya parang clean slate, e. Yun ang nangyari.

"So, ako, ayoko namang sayangin din yung pagkakaibigan namin nang gano’n-gano’n, di ba? At pinahahalagahan ko ’yan, e.

"Gano’n siya kaimportante sa akin bilang kaibigan."

Muli siyang tinanong kung ano ang mararamdaman niya sakali ngang bigyan siya ni Kris ng isang mamahaling regalo.

Ito ang naging sagot ni Diether: "Ako kasi ang importante sa akin, yung wala akong ibang hiling but... I hope we’ll be able to share our blessings to the less fortunate Filipino children.

"Yun kasi mas fulfilling for me, e. Something na hindi mo makakalimutan kasi you would change lives.

"Para sa amin, yun hindi maikukumpara sa kahit na ano’ng value ng materyal na bagay hindi kayang pantayan."

Malaking adhikain ni Diether ang makatulong sa mga kabataang kapus-palad kung kaya’t itinayo niya ang K.I.D.S. Foundation (Kabataang Inyong Dapat Suportahan) noong 2005 kasama ang ilang non-showbiz friends.

Marami-rami na ring natulungan si Diet sa pamamagitan ng foundation at hanggang ngayon ay patuloy niya pa rin itong isinusulong.

Sa katunayan, bukas, July 21, ay gaganapin ang ikalawang yugto ng Diether Ocampo Charity Golf Tournament sa Tagaytay Highlands na isang fundraising event para sa foundation.

Dadaluhan ito ng ilang kaibigang celebrities ni Diet tulad nina Zanjoe Marudo at Bea Alonzo.

Abangan sa mga susunod na araw ang ulat ng PEP tungkol sa event na ito.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN