Diether Ocampo on Kris Aquino: "Wala naman kaming itinatago. Kami, lantaran namang alam ng mga tao na magkaibigan kaming matalik."

"Sabi ko nga, suwerte naman ng lalaki na, kung sino man yun, na mapipili niya. Napakasuwerte ng lalaki na yun," says Diether Ocampo about the man whom Kris Aquino will choose to be with her.


Noong Martes, July 19, ipinagdiwang ng aktor na si Diether "Diet" Ocampo ang kanyang 37th birthday.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ng iba pang entertainment press si Diet sa taping ng ABS-CBN primetime series na Guns and Roses kahapon, July 20, sa Bacood, Sta. Mesa, Manila.

Sinabi ng aktor na naging payak lang ang selebrasyon niya ng kanyang kaarawan.

"Nag-dinner kami ng mga Monchters— si Bea (Alonzo), si Shaina (Magdayao), si Enchong (Dee), ’tsaka si Tito Monch (Novales), ’tsaka my best friend and my brother," banggit niya.

Si Diether ang nakaisip ng pangalan ng kanilang grupong "Monchsters," na pare-parehong under sa Star Magic handler na si Monch Novales.

THE GIFT. Sa tagal na ni Diether sa industriya, marami nang mga artsista ang napalapit sa kanya.

Kaya naman ngayong kaarawan niya, ano ang pinakamagandang regalo na natanggap niya?

"Ito na siguro yun... Guns and Roses," wika niya.

"Medyo demanding lang yung role.

"Nahirapan ako kasi kakaiba, e, I’ve never done anything like this.

"So, malaking bagay na yung mga kasama mo dito sa trabaho, magagaling, e, talagang hindi matatawaran."

Pero bukod sa kanyang show, magandang regalo rin daw para sa kanya na dumadami ang miyembro ng kanyang itinatag na foundation.

"Of course, I’m so blessed with very good team sa K.I.D.S. (Kabataang Inyong Dapat Suportahan) Foundation, dahil yung team namin, lumaki na nang lumaki, e.

"[Ang] dami na naming volunteers, I spent it [birthday] with them just recently, nag-treat ako dun sa members and volunteers.

"Kasi sila, pati yung gumagawa sa groundworks, so, masaya din na nakikita mong lumalaki yung foundation.

"As I grow in this industry, parang nakikita mo yung magandang direction, di ba?

"So, yun ang nakakatuwa, and ang pinakamagandang gift siguro is being able to sustain, di ba, lahat ng pinaghirapan ko dati?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So ngayon, kumbaga, unti-unti ko nang nae-enjoy nang husto, and siyempre hindi naman dun nagtatapos yun, e, nag-e-evolve pa rin continuously."

Pagdating naman sa materyal na bagay, wala na raw mahihiling pa ang aktor.

"Parang ano pa ba mahihiling ko na ano, di ba?" saad niya.

"Kasi mas mahalaga sa akin yung oras, e.

"[If] I could get a wish, it’ll be yung magkaroon ng libreng oras."

ON KRIS AQUINO. Hindi lingid sa kaalaman ng karamihan na malapit sa isa’t isa sina Diether at Kris Aquino.

Naikuwento ng aktor na isa si Kris sa mga unang nag-text sa kanya para batiin siya sa kanyang kaarawan.

Pero ang tanong ng lahat, ano ba ang regalo sa kanya ni Kris?

"Ang hiniling ko sa kanya, tinanong niya ako, sabi niya sa akin, kasi she’s leaving ’ata for Bangkok that time.

"So, tinanong niya ako, sabi ko na lang, wala na kong mahihiling pa kundi... Kasi nabalitaan ko nga na nag-donate siya ng dalawang school sa Ormoc, kala Lucy (Torres-Gomez) ’tsaka kay Goma (Richard Gomez).

"So, sabi ko, hindi naman siguro masama na humiling din na makapagpagawa tayo ng training facility ba, or maliit na school para dun sa mga juvenile delinquents, yung mga out-of-school youth, kasi sila yung hindi nabibigyan ng opportunity, e."

Pumayag naman kaya si Kris?

"Yun naman ang tipo ng kaibigan na siya na mismo nagtanong, di ba?

"I mean, para magpahiwatig siya ng ganun, I’m pretty sure na alam din naman niya na maganda yung kapakanan.

"Kasi yung maganda sa aming dalawa, we join forces pagdating sa mga kawanggawa, dahil marami din ang hindi nakakaalam, madami din siyang ginagawang kawanggawa, e."

Dahil sa hometown ni Diether ang Bacoor, Cavite, doon niya hiniling na maipatayo ang nasabing eskuwelahan na nabanggit niya kay Kris.

"Kinausap ko na si Strike (Revilla, mayor of Bacoor), siyempre hometown ko Bacoor, Cavite.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kaibigan natin si Strike, na nakapangako na din sa akin yun, dahil nagtutulungan naman kami pagdating sa programa para sa kabataan doon sa Bacoor, nagtutulungan kami.

"Ibuwelo ko na din ’to kay Vice Mayor Joy Belmote [of Quezon City]. Kumbaga, nakakasa na, nakaabang na, ’tsaka kay Mayor Herbert (Bautista).

"So I think, ano pa ba yung [mahihiling] natin, di ba?"

Ganunpaman, hindi kumbinsido ang press na wala nang iba pang "personal" na regalo sa kanya si Kris.

Ngunit dito’y naging seryoso ang sagot ni Diether.

Aniya, "The gift of friendship is more than any material na puwedeng ibigay ng isang matalik na kaibigan na tulad ni Kris."

Matatandaang noong isang araw lamang ay nauna nang itinanggi ni Diet sa isang interview ang balitang binigyan siya diumano ni Kris ng relo worth five million pesos. (CLICK HERE to read related article.)

Kaya naman nang muling tanungin tungkol dito, hindi na napigilang matawa ng aktor.

"Hindi ko nga alam saan nanggaling yun, e!" sagot niya.

Naging pabiro rin ang sagot niya nang tanungin kung tatanggapin niya ba sakaling bigyan nga siya ng gano’ng kamahal na regalo.

"Ikaw ba, hindi mo tatanggapin?" sabi ni Diet.

Pero giit niya, "Kasi pag may binigay sa ’yo, alangan naman isauli mo, ma-offend naman yun, di ba?"

REAL STATUS. Simula nang maging malapit si Diether sa Queen of All Media, hindi mapigilan ng mga tao na isiping may relasyon ang dalawa.

Meron nga ba silang relasyon?

"Matalik na magkaibigan," mabilis na sagot ni Diether.

"Yun yung nahihingan ko ng payo, minsan napaghihingahan ko din ng mga pinagdadaanan ko.

"Kasi yung maturity level niya, malaking bagay. Pag babae ang nagbibigay sa ’yo ng payo, e, kaya pinahahalagahan ko yun, e.

"Ganun din siya sa akin, may mga opinion din ako bilang lalaki, na nasasabi ko na, ’K [Kris], hindi ganun yun, kasi sa lalaki, ang point of view ng lalaki iba, e, baka hindi mo lang naiintindihan.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So, nagpapalitan kami ng [opinyon]."

Giit pa ni Diether, mataas ang respeto niya sa TV host-actress.

"Kumbaga, marami siyang mga karanasana na masasabi kong malaking naging hamon para sa kanya, para malagpasan niya yun.

"Kumbaga, mataas talaga yung respeto ko sa kanya."

Pero hindi ba siya nade-develop romantically kay Kris?

"Kasi sa amin ang importante, may mga bagay na hindi mo puwedeng pangunahan, e. Ayaw namin pangunahan yung mga bagay na puwedeng mangyari.

"Kasi kahit na anong relationships, kung walang magandang pundasyon ng pagkakaibigan, pag nabuwag, madaling maano, di ba?

"Kaya yung mga nagla-last talaga yung alam mo na ano... Sabi ko nga, suwerte naman ng lalaki na, kung sino man yun, na mapipili niya.

"Napakaswerte ng lalaki na yun," pahayag ni Diether.

At kung siya ang tatanungin, bilang lalaki, madami raw katangian si Kris na magugustuhan niya.

"Alam mo, what you see is yung peg niya bilang public figure.

"Madaming katangian si K na hindi nakikita ng iba.

"Siyempre, yung malalapit na kaibigan niya lang, or mga mahal niya sa buhay.

"May mga katangian siya tulad ng pagiging matulungin, sobrang pagiging generous na tao... Hindi mo na nga hihingan, e, automatic na kaagad, nagkukusa.

"Yun ang isa sa mga hinahangaan ko sa kanya, at yung pagiging ano niya... magaling siyang mag-handle ng mga tao.

"Maalaga siya sa mga kasamahan niya, hindi niya pinapabayaan."

Pero muling paglilinaw ni Diether, "Wala naman kaming tinatago. Kami, lantaran namang alam ng mga tao na magkaibigan kaming matalik."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN