NBA Superstar Kobe Bryant greets Manny Pacquiao at courtside

Nagmistulang fan ang NBA superstar na si Kobe Bryant sa gitna ng laban sa Araneta Coliseum kahapon, July 24, nang makita si boxing champ Manny Pacquiao. Hindi naman magkamayaw sa tuwa ang mga manonood sa nakitang pagtatagpo ng dalawang hinahangaang atleta sa buong mundo.


Sulit na sulit ang paghihintay ng maraming basketball fans nang dumating dito sa bansa ang ilan sa hinahangaang manlalaro ng NBA (National Basketball Association) nitong weekend.

Kabilang dito sina Kobe Bryant at Derrick Rose na siyang kasalukuyang MVP (Most Valuable Player) ng liga.

Kasama ring bumuo sa tinaguriang Smart All-Star team sina Kevin Durant, Derek Fisher, Chris Paul, Derrick Williams, James Harden, JaVale McGee at Tyreke Evans.

Sa loob ng dalawang araw ay nakaharap nila ang manlalarong Pinoy mula sa PBA (Philippine Basketball Association) at Smart Gilas National Team sa Araneta Coliseum sa magkahiwalay na laban noong Sabado, July 23, at Linggo, July 24.

"Dream match" daw ang nangyaring ito ayon sa TV host at team captain ng Smart Gilas na si Chris Tiu. Hindi niya inakala na magkakaroon siya ng pagkakataong makaharap sa hard court ang kanyang mga idolo.

Tuwang-tuwa naman si Dondon Hontiveros, guard ng Smart Gilas at karelasyon ng aktres na si Valerie Concepcion, nang ibigay sa kanya ni Bryant ang jersey nito matapos ang kanilang laban kahapon, July 24.

Hindi rin napigilan ni Jimmy Alapag, ang pointguard ng Smart Gilas, na magpa-picture at magpa-autograph sa mga nakalabang dayuhan.

Sinamahan pa siya ng asawang si LJ Moreno na nakipila rin para lang makalapit sa mga basketball celebrities ng U.S.

Maging ang mga ordinaryong manonood ay masayang-masaya rin dahil maliban sa magandang larong napanood ay ipinamigay din ng mga NBA players ang kanilang suot na sapatos at mga jersey bilang souvenir sa mga fans.

SCENE STEALER. Bidang-bida ang mga manlalaro ng NBA sa kanilang pagbisita sa bansa, subalit tila na-starstruck ang mga ito nang dumating si pound-for-pound king Manny Pacquiao sa laban kahapon.

Habang naka-timeout, nagkusang lumapit si Kobe Bryant sa kinauupuan ni Pacquiao upang magbigay-pugay sa iniidolong boksingero.

Pinagbigyan naman ni Pacquiao ang request ng iba pang NBA players na makilala siya nang personal. Nilapitan at nakipagkamay din ang congressman ng Sarangani sa kanila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nakipagbiruan pa si Pacquiao sa batang manlalarong si Chris Paul nang akmang hamunin nito ng suntukan ang boxing champ.

Natawa naman ang mga manonood sa sagot ni Paul na "15 seconds" nang tanungin ito ng host na si Mo Twister kung ilang rounds sa tingin niya ay kaya niyang tumagal kay Pacquiao sa isang boxing match.

STAR-STUDDED COURTSIDE. Maliban sa mga manlalaro at kay Manny Pacquiao, agaw eksena rin sa laban kahapon ang ilang kilalang personalidad tulad nina Aga Muhlach, Senator Antonio Trillanes III, at RnB singer na si Kris Lawrence na siyang umawit ng "Star-Spangled Banner," ang pambansang awit ng U.S.

Naroon din sina Polo Ravales at non-showbiz girlfriend na si Lorraine Shasta, Rich Alvarez at fiancée na si Kyla, at Kiana Valenciano na bunsong anak ni Mr. Pure Energy Gary Valenciano.

Naroon din ang boksingerong si Brian Viloria na pinarangalan ni Manny V. Pangilinan—may-ari ng MVP Sports Foundation at TV5 na nag-sponsor ng NBA All-Star Weekend event—para sa kanyang kontribusyon sa larangan ng palakasan sa Pilipinas.

Samantala, may ilang tao na nag-boo kay Willie Revillame nang makita nila ito sa wide screen ng Big Dome.

Binalewala lang naman ito ng Wil Time, Big Time host na sobrang nag-enjoy sa panonood ng laban mula sa front row, katabi sina Mr. Pangilinan at TV5 president na si Ray Espinosa.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN