Kris Bernal on her disturbing weight loss: "Nag-alala na nga rin ako, e. Nasasabihan din ako."

"Nalaman ko lang noong nag-story conference kami, na sa akin pala iikot ang kuwento nito. So, siyempre, na-pressure na ako. Nagsimula na akong mag-training, nag-rehearse na ako," says Kris Bernal about taking on the lead role in the danserye Time of My Life.


Isang malaking proyekto na naman ang ipinagkaloob at ipinagkatiwala ng GMA-7 kay Kris Bernal.

Siya ang pangunahing tauhan sa kauna-unahang danserye sa bansa, ang Time of My Life.

Magpapakitang-gilas si Kris dito hindi lamang sa pag-arte kundi maging sa pagsayaw, kasama ang ilan sa mga artistang masasabing kilala rin pagdating sa larangan ng sayawan.

Leading men niya rito ang kapwa niya StarStruck graduates na sina Mark Herras at Roco Nacino.

Hindi naman itinanggi ni Kris na kahit siya ay nagulat nang malaman niya during the storycon of Time of My Life na siya pala ang bida.

Ayon kay Kris, "Hindi ko nga rin akalain. Noong una, siyempre, nasa isip ko si Mark, kasi para kay Mark ang show na ito, di ba? Kaya nabigla rin ako.

"Nalaman ko lang noong nag-story conference kami, na sa akin pala iikot ang kuwento nito.

"So, siyempre, na-pressure na ako. Nagsimula na akong mag-training, nag-rehearse na ako."

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press si Kris sa grand launch ng Time of My Life kagabi, July 26, sa Studio 6 ng GMA Network Studios.

Naniniwala rin si Kris na kahit paano, malaking factor na naging maganda ang rating ng pinagbidahan niyang afternoon soap, ang Koreana, kaya napagkatiwalaan siyang muli ng network ng isa pang serye at pang-primetime pa.

Aniya, "Opo, siyempre, malaking factor yun. Kasi, yun ang una kong show na solo ako. At very thankful ako na nag-rate yun.

"Tapos, ’eto nga, binigay sa akin. Noong una, hindi ko talaga tanggap. ’Teka lang, sasayaw ako?’ Parang ganoon.

"Pero yun nga, dinaan nila ako sa training.

"As in, wala talaga akong libreng araw. Lahat ng araw ko, puro training kaya hinasa talaga nila ako," saad niya.

Dancer ba siya talaga?

"Noong una, hindi talaga!" bulalas ni Kris.

"Noong high school ako, hindi ako sumasayaw. Isa lang ako sa mga sa likod. Ganun lang ako noon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero, di ba, noong StarStruck, pinu-push ka nang sumayaw? So, doon nagsimula.

"Hanggang sa SOP, Party Pilipinas... Pero hindi ako nagti-training. Ngayon lang talaga ako isinabak sa training.

"Siyempre, kapag sayawan na with Mark Herras and Rocco, kailangan kong matutunan kung paano ang pitik nila talaga."

SLIM. Hindi naman nawawala sa pansin ng halos lahat ng entertainment press na um-attend ng press conference ng Time of My Life ang pagiging payat na ni Kris ngayon.

Kung dati ay payat na siya, ngayon ay mas malaki pa ang ibinawas ng timbang niya.

Ayon kay Kris, "Kasi, di ba, nagpapayat ako para sa danserye?

"Kumakain naman ako. Ang dami kong kinakain."

Biro namin sa kanya, ang lagay na yun, marami na siyang kinakain.

Hindi ba siya nag-alala na baka mauwi siya sa pagiging anorexic?

"Nag-alala na nga rin ako, e. Nasasabihan din ako.

"So, kumakain talaga ako ngayon. At saka, ang sarap ko kayang kumain!

"At saka, ang dami ngang nagsasabi na ang laki raw ng ipinayat ko. So, nagge-gain ako ngayon ng weight.

"Ang dami kong kinakain ngayon, hindi ako pumipili ng kakainin."

Ano ang ginawa niyang pagpapayat pa?

"Wala akong rice for two months," sabi niya.

"Although, payat naman na ako before, pero nabawasan ako ng 15 lbs.

"Kasi, di ba, 105 ako? Ngayon, 90 na lang."

Healthy pa ba ang weight niya ngayon?

"Hindi ko alam!" natatawa niyang sabi.

"Pero kumakain ako. Nagpa-check-up kami. Sabi naman, tama pa naman ang weight ko.

"Kaya lang, kailangan ko talagang kumain kasi ang pangit ng hitsura sa TV.

"Kasi, sinasabi nga nila na sobra raw akong payat. Na para raw akong stick na sobrang payat."

ALJUR ABRENICA. Masaya si Kris na may separate projects sila ng original love team niyang si Aljur Abrenica, nakikita pa rin daw niya ang suporta sa kanya ng mga tao, lalo na ng mga fans.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Aminado si Kris na noong unang paghihiwalayin sila ay kaba ang naramdaman niya.

"Alam n’yo naman ang kaba ko, di ba? Sabi ko, ’Ano na kaya ang mangyayari sa akin kapag naghiwalay kami ni Aljur?’

"Masarap ang feeling na, yun nga, yung Koreana, nag-rate siya. Tapos, eto ngayon [Time of My Life], sobrang thankful ako sa GMA.

"Kasi, biruin mo, binigyan ako ng primetime. Parang sobrang nakakaloka!

"Marami nga akong naririnig na hindi maganda, e.

"Simula noong lumabas yung teaser, sinasabi nila na, ’Bakit si Kris ang bida, hindi naman marunong sumayaw. Hindi naman ganoon kagaling.’

"Pero iniisip ko na lang na sa training ko, nahahasa talaga ako. Doon talaga ako nai-inspire.

"Kapag pinapag-split nila ako, umiiyak na ako kasi ang sakit na, iyak ako nang iyak.

"Pero sabi ng trainer ko, si Pao Infante, ’Isipin mo na lang ang mga nang-aaway sa ’yo.’ Napapa-split ako!" natatawa niyang kuwento."

JAY PERILLO. Tila mas open naman na si Kris sa closeness nila ng Kapuso singer na si Jay Perillo when asked kung inspirasyon din ba niya ito ngayon.

"Siyempre, isa si Jay do’n. Siyempre, kasama pa rin ang family ko at yung love ko sa career ko," sabi niya.

Mas open na sila sa kung ano ang meron sila?

"Wala naman, e. Lumalabas pa rin kami, pero do’n muna.

"Hindi pa kami sobrang... alam mo yun, kailangang mag-concentrate sa lovelife. Next time na ang lovelife.

"Hindi ko pa kayang magseryoso sa lovelife. Baka mapabayaan ko ang career."

Dugtong naman niya tungkol kay Jay, "Ano ka ba, ano yun, kapag may nang-aaway sa akin, nagagalit din siya. Umiinit din ang ulo niya.

"Pero ako naman, kahit ano pa ang natatanggap kong hindi maganda, ibinibigay ko rin ang best ko."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN