Kim Chiu prays for viewers and fans to support Binondo Girl even without Gerald Anderson

Masaya ang Binondo Girl star na si Kim Chiu dahil unti-unti ay nagiging close na sila ng kanyang tatlong leading men na sina Matteo Guidicelli, Jolo Revilla, at Xian Lim. Ayon sa aktres, tutok siya sa paggawa ng teleserye ngayon dahil ito ang unang pagkakataon na hindi niya katambal si Gerald Anderson. Kinakabahan din daw siya kung paano tatanggapin ng mga tao ang proyektong ito.


Nagsimula nang mag-taping ang ABS-CBN primetime teleserye na Binondo Girl. Ito ay pinagbibidahan ni Kim Chiu.

Kagabi, July 28, sa launching ng Beabi limited artist edition bags sa Greenbelt 5 ay masayang ibinalita ni Kim sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na nakapag-bangko na sila ng two weeks worth of episodes para sa programa.

"Nakakatuwa and nakaka-excite dahil mapapanood ulit ako gabi-gabi sa Primetime Bida," nakangiting sambit ni Kim.

Wala pang detalye kung kailan ito magsisimulang ipalabas sa publiko, pero so far ay maganda naman daw ang takbo ng pagte-taping nila.

Ayon kay Kim, mas nagiging close na sila ng kanyang tatlong leading men na sina Matteo Guidicelli, Xian Lim, at Jolo Revilla.

"Okay sila, sobrang cool, at saka ang babait nila and sobra silang maalaga sa ’kin.

"Kapag nasa set ako minsan, pag lilipat na kami ng ibang location, aantayin nila ako sa labas para sabay-sabay na kaming magpasukan sa mga kotse namin.

"Para kaming isang barkada, isang grupo," kuwento ni Kim.

JOLO REVILLA. Hindi na sikreto sa showbiz ang pagiging galante ni Jolo Revilla sa kanyang leading ladies. Napabalita noon na madalas niyang regaluhan ang co-star niya sa Pepeng Agimat na si Melissa Ricks.

Napatunayan naman ni Kim ang pagiging maalaga at maasikaso ni Jolo sa loob ng ilang linggong nakakatrabaho niya ito.

Sabi ni Kim, "Ay, sobrang galante siya! Si Jolo, konting kibot mo lang, sabihin mo, ’Gusto ko ganito,’ meron na kaagad, mamaya-mayang konti."

Hindi pa naman daw nagreregalo sa kanya si Jolo ng kung anong bagay. Madalas daw ay nanlilibre lang ito ng pagkain sa set.

Request daw ni Kim parati kay Jolo ang paborito niyang siomai. Paminsan-minsan ay nanlilibre rin daw ito ng pizza o kape, hindi lang kay Kim kundi pati sa mga kasamahan nila sa set.

MATTEO OVER XIAN AND JOLO. Nawala man sa eksena ngayon ang ka-loveteam ni Kim na si Gerald Anderson ay masaya pa rin si Kim dahil tatlong leading men naman ang ipinalit upang makapareha niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dahil dito, hindi maiwasan na pagkumparahin ang tatlo.

Nang tanungin namin si Kim kung kanino siya pinaka-compatible kina Matteo, Xian, at Jolo ay hindi nakasagot ang chinitang aktres.

Lahat naman kasi sila ay mabait at mahuhusay na aktor, ayon kay Kim.

Subalit inamin nito na sa ngayon ay pinaka-close siya sa racer-turned-actor na si Matteo.

"Lagi kasi namin siyang nakakasama nila Maja (Salvador)," sabi ni Kim.

Isa si Maja sa malalapit na kaibigan ni Kim. Madalas daw silang lumabas kasama si Matteo—na napapabalitang boyfriend na ni Maja—para maglaro ng bowling.

"And Bisaya din siya, so, chika-chika kami. Puwede naming lokohin sila Jolo at Xian, pero hindi nila naiintindihan.

"Pag-uusapan namin sila na magkakaharap lang kami. Tapos magtatawanan lang kami, tapos sasabihin lang nila Jolo at Xian, ’Ano?’ kasi hindi nila naiintindihan."

SOLO FLIGHT. Maliban sa pagsu-shoot ng ilang commercials para sa mga endorsements niya, sa ngayon ay Binondo Girl lang ang pinagkakaabalahan ni Kim.

Naka-concentrate muna dito ang aktres dahil ito ang first major teleserye niya kung saan hindi niya kasama si Gerald Anderson.

Naninibago raw siya dahil iba na ang mga kapareha niya ngayon.

Kinakabahan din siya kung paano tatanggapin ng tao, lalo na ng mga Kimerald supporters ang bago niyang proyekto.

"Nakakapanibago and nakakakaba, kasi sana tanggapin pa rin ako ng mga tao.

"Sana suportahan pa rin nila kahit solo ko ’to at hindi ko kasama si Gerald," dalangin ni Kim.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN